“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16: ‘Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Setyembre 2–8. I Mga Taga Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Setyembre 2–8
I Mga Taga Corinto 14–16
“Ang Dios ay Hindi Dios ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”
Habang binabasa mo ang I Mga Taga Corinto 14–16, ipapaalam sa iyo ng Espiritu Santo kung ano ang ituturo sa mga bata sa iyong klase. Repasuhin ang outline na ito para sa iba pang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaari mong simulan ang lesson para sa linggong ito sa pagbasa nang malakas sa I Mga Taga Corinto 14:26. Ipaliwanag na kapag nagtitipun-tipon tayo sa Simbahan, mapapatibay (o mapapatatag at matutulungan) natin ang iba kapag nagbabahagi tayo. Ano ang maibabahagi ng mga bata para patibayin ang isang tao sa klase ngayon?
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Maaari kong makapiling ang Ama sa Langit kapag namatay ako dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.
Paano mo maituturo sa mga bata sa iyong klase na dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli ay maaari tayong mabuhay na muli?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ulitin ninyo ng mga bata nang ilang beses ang sumusunod na parirala: “Kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22). Magpakita ng isang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipaliwanag na tayong lahat ay mamamatay balang-araw, ngunit dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na muli pagkatapos nating mamatay.
-
Gumamit ng isang object lesson na tulad nito upang ituro ang Pagkabuhay na Mag-uli: Magpakita sa mga bata ng isang jacket, na kumakatawan sa ating pisikal na katawan. Kapag buhay tayo, ang ating espiritu ay nasa ating katawan, at nakakagalaw ang ating katawan (isuot ang jacket). Kapag namatay tayo, lilisanin ng ating espiritu ang ating katawan, at hindi makakagalaw ang ating katawan (alisin ang jacket at ipatong ito sa mesa o silya para sumagisag sa isang katawan na walang espiritu). Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, bumabalik ang ating espiritu sa ating katawan (muling isuot ang jacket), at hindi na sila muling naghihiwalay. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagsuot at paghubad ng jacket habang ipinaliliwanag ng isa pang bata kung ano ang mangyayari kapag tayo ay nabuhay na mag-uli.
Maaari akong mabinyagan para sa mga taong namatay na.
Makapaghahanda na ang mga batang tinuturuan mo na makapasok sa templo at mabinyagan para sa mga patay kapag sila ay 12 taong gulang na. Binanggit ni Pablo ang mahalagang doktrinang ito sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na umisip ng mga bagay na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili (tulad ng pagbuhat sa isang mabigat na bagay o pag-abot sa isang bagay na nasa mataas na istante). Sino ang tumutulong sa kanila na gawin ang mga bagay na ito? Magpakita ng larawan ng isa sa iyong mga ninuno na namatay nang hindi nabibinyagan. Ikuwento sa mga bata ang taong ito, at ipaliwanag na hindi siya mabibinyagan nang walang tulong ng isang tao sa lupa.
-
Itanong sa mga bata kung mayroon silang mga miyembro ng pamilya na nakapunta na sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Magpakita ng mga larawan ng isang bautismuhan sa templo. Alam ba ng mga bata kung ano ang nangyayari dito? Ipaliwanag na maaari tayong binyagan sa templo para sa mga taong pumanaw nang hindi nabinyagan. Pagkatapos ay maipapasiya ng mga taong iyon kung tatanggapin nila ang pagbibinyag.
Nais ng Ama sa Langit na makapiling ko Siya sa kahariang selestiyal.
Paano mo maituturo sa mga bata ang tungkol sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal? Maaaring makatulong ang mga aktibidad na ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. Tulungan ang mga bata na matutong sabihin ang mga katagang ito.
-
Magpakita ng mga larawan ng araw, buwan, at mga bituin. Alin ang pinakamaningning ang liwanag? Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:40–41 sa mga bata (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Mga Taga-Corinto 15:40, Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ipaliwanag na ang araw, buwan, at bituin ay kumakatawan sa mga kahariang matitirhan natin matapos tayong mabuhay na mag-uli. Sa kahariang selestiyal, maaari nating makapiling ang Ama sa Langit.
-
Magdrowing ng araw sa pisara at maglagay ng maliliit na piraso ng papel, o mga baitang, sa sahig patungo sa araw. Bawat papel ay maaaring kumatawan sa isang bagay na kailangan nating gawin upang makapasok sa kahariang selestiyal (tingnan sa DT 76:50–53). Hayaang magbahagi ang mga bata ng mga ideya at paakyatin sa mga baitang patungo sa kahariang selestiyal.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, ako ay mabubuhay na mag-uli.
Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? Maaaring makatulong ang mga ideyang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagbasa sa mga talata sa I Mga Taga Corinto 15:12–22, na hinahanap ang mga sagot sa tanong na “Ano kaya ang mangyayari kung walang pagkabuhay na mag-uli?”
-
Anyayahan ang mga bata na isadula kung paano ipaliliwanag ang pagkabuhay na mag-uli sa isang tao. Para sa mga ideya, tingnan sa mensahe ni Thomas S. Monson na “Mrs. Patton—Ang Karugtong ng Kuwento” (Ensign o Liahona, Nob. 2007, 21–24). Tingnan din ang video na “Until We Meet Again” (LDS.org). Magpatotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
I Mga Taga Corinto 15:12–13, 20–22, 29
Maaari akong maghandang makapunta sa templo upang mabinyagan para sa mga patay.
Kapag 12 taong gulang na ang mga bata, maaari silang tumanggap ng temple recommend at magsagawa ng mga binyag para sa mga patay sa templo. Paano mo sila matutulungang maghanda?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:29. Ano ang ginagawa ng mga Banal noong panahon ni Pablo na ginagawa rin natin ngayon?
-
Itanong sa mga bata kung bakit tayo nagpapabinyag para sa mga patay. Kung kailangan, ipaliwanag na marami sa ating mga ninuno ang hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan at makumpirma sa buhay na ito. Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirma para sa kanila.
-
Ilang araw bago magklase, hilingin sa isang magulang ng isa sa mga bata na pumunta na handang ibahagi sa klase ang kanyang family tree, o magkuwento tungkol sa isang ninuno. Maaari ka ring magbahagi tungkol sa iyong sariling mga ninuno.
-
Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na magbahagi ng ilang bagay na magagawa ng mga bata para maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Itanong sa mga bata kung ano ang magagawa nila para maalalang gawin ang mga bagay na ito. Isulat ang kanilang mga ideya sa pisara. Anyayahan silang magtakda ng mithiin na magpunta sa templo balang-araw.
Matapos akong mabuhay na mag-uli, maaari akong manirahan sa kahariang selestiyal.
Para maituro sa mga taga-Corinto ang tungkol sa mga katawang matatanggap natin sa Pagkabuhay na Mag-uli, binanggit ni Pablo ang tatlong antas ng kaluwalhatian: selestiyal, terestriyal, at telestiyal.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang I Mga Taga Corinto 15:40--41 at anyayahan ang mga bata na idrowing ang araw, buwan, at bituin sa pisara. Ipatukoy sa mga miyembro ng klase kung anong uri ng nabuhay na mag-uling katawan ang kinakatawan ng bawat drowing.
-
Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73). Ano ang itinuturo sa atin ng awiting ito tungkol sa paghahandang mamuhay sa kaluwalhatiang selestiyal?
-
Ipaliwanag na nagkaroon ng pangitain si Joseph Smith kung saan nakita niya ang tatlong kahariang tumutugma sa mga uri ng katawan na inilarawan ni Pablo. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 76:50–53, 70; 76:71–79; 76:81–82 na naglalarawan sa tatlong kahariang ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magpakuwento sa kanilang mga magulang tungkol sa isa sa kanilang mga ninuno. Maaari nilang ikuwento ito sa klase sa susunod na linggo.