Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’


“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
Roma

Agosto 12–18

Mga Taga Roma 7–16

“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”

Habang binabasa mo ang Mga Taga Roma 7–16, itala ang anumang impresyong natatanggap mo kung paano mo maituturo sa mga bata ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itanong sa mga bata kung may ikinuwento sila sa kanilang pamilya tungkol sa natutuhan nila sa Primary noong nakaraang linggo. (Maaari mong kailanganing repasuhin nang kaunti ang lesson noong nakaraang linggo.) Kung mayroon, ano ang ikinuwento nila?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Taga Roma 8:35–39

Mahal ako ng aking Ama sa Langit.

Paano mo magagamit ang mga salita ni Pablo para ituro sa mga bata na palagi silang mamahalin ng Ama sa Langit?

Larawan
ama na kasayaw ang anak na babae

Mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang pariralang “[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Diyos” (Mga Taga Roma 8:39). Para mailarawan ang katotohanang ito, ipako ang dalawang tabla nang magkadikit, at sulatan ang isa ng “tayo” at ang isa pa ng “pag-ibig ng Diyos.” Hayaang tingnan ng mga bata kung mapaghihiwalay nila ang mga tabla.

  • Ilabas ang mga bata para madama nila ang sikat ng araw, o magpakita ng larawan ng araw. Paano naging katulad ng pagmamahal ng Ama sa Langit ang araw ? Ipakita sa kanila na kahit malayo ang araw, maipadarama nito sa atin ang init. Madarama natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng oras, kahit hindi natin Siya kapiling nang personal. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17).

Mga Taga Roma 10:17

Dumarating ang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos.

Kapag naririnig ng mga bata ang salita ng Diyos at pinakikinggan itong mabuti, lalago ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Paano mo maipapaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pakikinig sa salita ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mga Taga Roma 10:17 sa mga bata, at magpakita sa kanila ng mga larawan ng mga sitwasyon kung saan maririnig nila ang salita ng Diyos (tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, simbahan, o pangkalahatang kumperensya; tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Itanong sa mga bata kung kailan nila narinig ang salita ng Diyos.

  • Magkuwento tungkol sa isang batang nakikinig sa salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Habang nagkukuwento ka, unti-unting hipan ang isang lobo para kumatawan sa paglago ng pananampalataya ng isang bata tuwing nakikinig siya ang salita ng Diyos.

  • Para maipaunawa sa mga bata na maaaring lumago ang kanilang pananampalataya, tulungan silang kantahin ang “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata 50–51). Habang kumakanta sila, pagkunwariin silang mga binhi sa pamamagitan ng pagyuko. Tuwing kakantahin nila ang salitang pananalig, patayuin sila nang kaunti tulad ng isang lumalagong halaman.

  • Itago sa loob ng silid-aralan ang isang set ng mga banal na kasulatan, isang larawan ng Pangulo ng Simbahan, at isang kopya ng magasing Liahona. Ipahanap sa mga bata ang mga bagay na ito at ipabahagi kung paano ginagawang posible ng bawat isa na marinig natin ang salita ng Diyos.

Mga Taga Roma 16:1–4

Mapapasalamatan ko ang mga taong tumutulong sa akin.

Nagpasalamat si Pablo sa mga taong tumulong sa kanya. Matutulungan mo ang mga bata na pansinin ang mabubuting bagay na ginagawa ng iba para sa kanila at alalahaning pasalamatan sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na pinasalamatan ni Pablo ang tulong sa kanya ng babaeng si Febe at ng mag-asawang sina Prisca at Aquila (tingnan sa Mga Taga Roma 16:1–4). Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ni Pablo at ng tatlong taong ito habang ibinabahagi mo ang mga salita at parirala mula sa mga talatang ito.

  • Anyayahan ang bawat bata na magbahagi ng isang magandang bagay na ginawa ng isang tao para sa kanya kamakailan. Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga thank-you card para sa mga taong iyon.

  • Tulungan ang mga bata na matutong magpasalamat sa iba’t ibang wika. Makakatulong ang kantang “Mga Bata sa Buong Daigdig,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 4–5).

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Taga Roma 8:16–18

Nais ng Ama sa Langit na maghanda akong tanggapin ang lahat ng mayroon Siya.

Ginagawang posible ng plano ng Ama sa Langit na maging katulad Niya tayo at manahin natin ang lahat ng mayroon Siya. Ang katotohanang ito ay makahihikayat sa mga batang tinuturuan mo na mas tapat na ipamuhay ang ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Mga Taga Roma 8:16–18. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito kung sino tayo at ano ang maaari nating marating? Ipaliwanag na ang “tagapagmana” ay isang taong nagmamana, o tumatanggap, ng kung anong mayroon ang kanyang mga magulang. Isulat sa pisara ang Ano ang kailangan nating gawin upang magmana ng lahat ng mayroon ang ating Ama sa Langit? Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87), na naghahanap ng mga sagot. Anong iba pang mga sagot ang maiisip ng mga bata?

  • Hilingin sa mga bata na isipin ang isang hari na gustong pamahalain ang kanyang mga anak sa kanyang kaharian balang-araw. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ay parang isang hari, at tayo ay Kanyang maharlikang mga anak. Maaari mong ikuwento ang anak ni Haring Louis XVI ng France, na matatagpuan sa mensahe ni Sister Elaine S. Dalton na “Alalahanin Kung Sino Kayo!” (Ensign o Liahona, Mayo 2010, 121). Paano nakakatulong sa atin ang pag-alaala na tayo ay mga anak ng Ama sa Langit at isinilang upang maging katulad Niya balang-araw para tayo mamuhay nang matwid dito sa lupa? (Para sa iba pang impormasyon, tingnan sa Tapat sa Pananampalataya, 20–22)

Mga Taga Roma 10:17

Dumarating ang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos.

Maraming oportunidad ang mga bata na makinig sa salita ng Diyos. Ipakita sa kanila kung paano mapapalakas ng pakikinig sa salita ng Diyos ang kanilang pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang sumusunod na pangungusap sa pisara: nanggagaling sa , at sa pamamagitan ng . Papunan sa mga bata ang mga patlang matapos nilang basahin ang Mga Taga Roma 10:17. Magbahagi ng pagkakataon na may nagturo ng isang katotohanan ng ebanghelyo na nagpalakas sa iyong pananampalataya—marahil ay maaari mong ibahagi ang isang paboritong talata sa banal na kasulatan o sipi mula sa pangkalahatang kumperensya. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang sariling mga karanasan.

  • Isulat sa ilang baso ng tubig ang mga bagay kung saan natin matatagpuan ang salita ng Diyos (tulad ng mga banal na kasulatan, mga miting sa simbahan, at pangkalahatang kumperensya). Talakayin kung paano pinalalakas ng salita ng Diyos ang ating pananampalataya habang ibinubuhos mo ang laman ng bawat baso sa isang lalagyang may nakasulat na “Pananampalataya.”

  • Bigyan ang isang bata ng larawan ng Tagapagligtas na pinagagaling ang isang tao nang hindi ipinapakita ang larawan sa ibang mga bata. Sabihin sa bata na magbigay ng mga clue para mahulaan ng ibang mga bata kung ano ang ipinapakita sa larawan. Paano natin maibabahagi sa iba ang alam natin tungkol sa Tagapagligtas para manampalataya sila sa Kanya?

Mga Taga Roma 14:10, 13

“Huwag … tayong mangaghatulan pa sa isa’t isa.”

Kapag nakikihalubilo ang mga bata sa mga ibang gumagawa ng mga pasiya na naiiba sa kanila, maaari silang matuksong humatol. Isipin kung paano makakatulong ang tagubilin ni Pablo sa mga taga-Roma na maiwasan ang gayong paghatol.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na basahin ang Mga Taga Roma 14:10, 13. Ipabilang sa ibang mga bata kung ilang beses ginamit ni Pablo ang salitang hatol. Ano ang ibig sabihin ng hatulan ang isang tao? Bakit ba natin dapat iwasang hatulan ang iba?

  • Magpakita ng larawan ng isang tao, at itanong sa mga bata kung ano ang alam natin tungkol sa taong ito sa pagtingin lang sa larawan. Ano ang ilang bagay na hindi natin alam tungkol sa kanya? Bakit ang Panginoon ang pinakamainam na humatol sa taong ito? (tingnan sa I Samuel 16:7).

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Papiliin ang mga bata ng isang aktibidad na ginawa ninyo bilang isang klase at ipagawa iyon sa mga bata sa kanilang pamilya. Sabihin sa kanila na sa susunod na linggo ay maikukuwento nila ang kanilang ginawa.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gawing interesado ang mga bata sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo. Maaaring kailanganin mong mag-isip ng malikhaing mga paraan para gawing interesado ang nakababatang mga bata sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo. Kung minsa’y makakagawa ka ng isang bagay na kasingsimple ng pag-anyaya sa mga bata na maupo nang pabilog sa sahig sa halip na sa kanilang upuan.

Print