Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’


“Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

pamilyang tumitingin sa mga retrato

Setyembre 30–Oktubre 13

Mga Taga Efeso

“Sa Ikasasakdal ng mga Banal”

Habang pinag-aaralan mo ang Sulat sa mga Taga Efeso, isipin ang mga alituntuning maaari mong bigyang-diin para pagpalain ang mga batang tinuturuan mo. Itala ang anumang mga ideyang naiisip mo habang nagbabasa ka.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na pumila sa isang linya. Sabihin sa nasa unahan ng pila na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng kanilang pamilya, sa Primary, o sa ibang lugar. Ipaulit sa kasunod na bata sa pila ang ibinahagi ng naunang bata at pagkatapos ay magdagdag ng isang bagay na natutuhan niya. Ulitin ito hanggang sa magkaroon ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Taga Efeso 2:19

Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging magkakaibigan at “mga kababayan.”

Ang mga bata ba sa klase mo ay mas parang “mga taga ibang lupa (dayuhan)” o “mga kababayan” sa isa’t isa at sa iba pang mga miyembro ng ward? Ipaunawa sa kanila na bagama’t may mga pagkakaiba tayo, tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na magkaisa at magmahalan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa gitna ng silid. Anyayahan ang mga bata na tumayo sa iba’t ibang bahagi ng silid para kumatawan sa “mga taga ibang lupa” o “mga dayuhan.” Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 2:19, anyayahan silang lumapit sa larawan ni Cristo hanggang sa magkatabi-tabi sila. Sabihin sa kanila na habang lumalapit tayo sa Tagapagligtas, maaari tayong magkaisa bilang magkakaibigan at “mga kababayan.”

  • Maghanap ng mga larawan ng mga bata mula sa iba’t ibang panig ng mundo, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa harap ng silid. Anyayahan ang iyong klase na magpares-pares na parang mga missionary at maghalinhinan sa paghanap sa larawan ng isang “taga ibang lupa” para itabi sa larawan ng Tagapagligtas. Ipaunawa sa kanila na kapag nabinyagan ang mga tao, nagiging bahagi sila ng ating pamilya sa Simbahan, o ng “sangbahayan ng Dios.” Paano natin matutulungan ang isang bagong salta na madama na siya ay tanggap?

Mga Taga Efeso 6:1–3

Nais ng Ama sa Langit na sundin ko ang aking mga magulang.

Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 6:1–3, mag-isip ng mga paraan na maipapaunawa mo sa mga bata kung bakit mahalagang sundin ang kanilang mga magulang.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mga Taga Efeso 6:1 sa klase, o tulungan ang isa sa mga bata na basahin ito. Sabihin sa kanila na magsadula ng mga pagkakataon na sinunod nila ang kanilang mga magulang. Ano kaya ang maaaring mangyari kung hindi sila sumunod?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Susunod Ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 71). Tumigil pagkatapos ng unang linya, at magpabanggit sa isang bata ng isang bagay na ipinagagawa sa kanya ng kanyang magulang; pagkatapos ay tapusin ang pag-awit. Ulitin ito nang ilang beses para magkaroon ng pagkakataon ang iba pang mga bata.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung saan sinunod mo ang iyong mga magulang at napagpala ka. O magkuwento tungkol kay Chloe mula sa mensahe ni Sister Carole M. Stephens na “Kung Ako’y Inyong Iniibig, Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 118–20).

Mga Taga Efeso 6:10–18

Maaari akong protektahan ng baluti ng Diyos.

Paano mo maipapaunawa sa mga bata na ang paggawa ng mabubuting bagay ay parang pagsusuot ng baluti?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang taong nakasuot ng baluti, tulad ng nasa pahina ng aktibidad para sa linggong ito o sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Habang ibinubuod mo ang Mga Taga Efeso 6:10–18, ipakita sa mga bata kung paano pinoprotektahan ng iba’t ibang parte ng baluti ang iba’t ibang parte ng katawan. (Tingnan sa “Ang Buong Baluti ng Diyos,” Liahona, Hunyo 2016, 24–25.)

  • Magdala ng ilang bagay sa klase na maaaring kumatawan sa mga parte ng baluti na binanggit sa Mga Taga Efeso 6:14–17 (halimbawa, isang sumbrero o apron), o gumawa ng mga simpleng parte ng baluti mula sa papel. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagsusuot ng “baluti.” Talakayin ang ibig sabihin ng maprotektahan mula sa kasamaan at kung paano sila mapoprotektahan ng pagsusuot ng bawat parte ng baluti. Paano natin isinusuot ang baluti ng Diyos? (halimbawa, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa iba, pagdarasal, pagsunod, at iba pa).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Taga Efeso 2:13–19

Tayo ay mga magkababayan sa sambahayan ng Diyos.

Lumalakas ang mga bata kapag may mabubuti silang kaibigan sa ebanghelyo. Paano mo sila matutulungang magkaroon ng mas mabubuting pagkakaibigan sa isa’t isa?

Aktibidad sa Primary

Tayo ay “mga kababayan” ng mga Banal ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Mga Taga Efeso 2:19, at talakayin kung ano ang kahulugan ng maging taga ibang bayan o dayuhan. Magbahagi ng isang karanasan na nadama mo na para kang taga ibang bayan o dayuhan at ipinadama sa iyo ng isang tao na tanggap ka at kabahagi. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang tulad nito. Ano ang magagawa natin para maging “mga kababayan” sa halip na mga dayuhan? May mga bata ba sa klase mo na hindi madalas dumalo, marahil ay dahil pakiramdam nila ay mga dayuhan sila? Tulungan ang mga bata na makabuo ng plano para maipadama sa mga miyembro na sila ay tanggap at minamahal.

  • Para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na mas mapalapit sa isa’t isa, sumulat ng ilang tanong sa pisara na magtutulak sa kanila na magbahagi ng isang bagay tungkol sa kanilang sarili, tulad ng Kailan nasagot ang isang panalangin mo? o Ano ang paborito ninyong gawin ng pamilya mo? Hatiin ang mga bata nang magkakapares, at anyayahan silang tanungin ang isa’t isa. Ano ang natutuhan nila tungkol sa isa’t isa?

Mga Taga Efeso 6:1–3

Nais ng Ama sa Langit na sundin at igalang ko ang aking mga magulang.

Mag-isip ng mga paraan na maipapaunawa mo sa mga bata kung bakit mahalagang sundin ang kanilang mga magulang.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahing mag-isa ang Mga Taga Efeso 6:1–3 at tukuyin ang mga pariralang namumukod-tangi sa kanila. Anyayahan silang ibahagi ang mga pariralang ito at kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang mga pariralang ito.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na sinunod at iginalang ang kanilang mga magulang, tulad ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 2:42–52), ni Ruth (tingnan sa Ruth 1), o ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3:1–8). Bakit mahalagang sundin at igalang ang ating mga magulang?

  • Bigyan ang bawat bata ng isang papel na may nakasulat na salitang igalang sa itaas. Talakayin ang kahulugan ng salitang ito. Anyayahan ang mga bata na sumulat o magdrowing sa kanilang papel ng isang bagay na magagawa nila para ipakita na iginagalang nila ang kanilang mga magulang.

Mga Taga Efeso 6:10–18

Maaari akong protektahan ng baluti ng Diyos mula sa kasamaan.

Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 6:10–18, isipin ang ilan sa mga espirituwal na panganib na kinakaharap ng mga bata at kung paano mo sila mapapalakas laban sa mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Habang binabasa ng isang bata ang Mga Taga Efeso 6:10–18, ipalista o ipadrowing sa isa pang bata sa pisara ang binanggit na mga parte ng baluti. Bakit mahalaga ang baluti sa isang digmaan? Paano natin maisusuot ang ating espirituwal na baluti araw-araw?

  • Atasan ang bawat bata na idrowing at pangalanan ang isang parte ng baluti na inilarawan sa Mga Taga Efeso 6:14–17. Paano kaya tayo mapoprotektahan ng mga parteng ito ng baluti laban sa kasamaan? Ano ang ipinapangako ng Panginoon sa mga nagsusuot ng buong kagayakan ng Diyos? (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:13). Ano ang ibig sabihin ng “mangakatagal sa araw ng masama”?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na antabayanan sa linggong ito ang isang tao na maaaring nakadarama na siya ay isang dayuhan. Hamunin sila na gumawa ng isang bagay para tulungan ang taong iyon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga batang musmos na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Para matulungan ang mga batang musmos na matuto mula sa mga banal na kasulatan, magtuon sa iisang talata ng banal na kasulatan o kahit isang mahalagang parirala lamang. Maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)