Bagong Tipan 2023
Pebrero 6–12. Juan 2–4: “Kinakailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”


“Pebrero 6–12. Juan 2–4: ‘Kinakailangang Kayo’y Ipanganak na Muli’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pebrero 6–12. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
kinakausap ni Jesus si Nicodemo

Pebrero 6–12

Juan 2–4

“Kinakailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”

Sa isang maikling klase sa Primary, wala kang oras para ituro ang bawat mahalagang alituntunin sa Juan 2–4. Humingi ng espirituwal na patnubay kung ano ang dapat mong bigyang-diin na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan at interes ng mga bata.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga bata na ibahagi ang kanilang natututuhan at nararanasan, tanungin sila kung ano ang ginawa nila kamakailan para maging “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Maaaring kailanganin mong rebyuhin sa kanila ang lesson noong nakaraang linggo.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Juan 3:1–10

Kailangan kong mabinyagan at makumpirma para makabalik sa piling ng Ama sa Langit.

Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang gawin ang mahahalagang hakbang para muling makapiling ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapabinyag (ipinanganak ng tubig) at pagpapakumpirma (ipinanganak ng Espiritu). Paano mo maipapaunawa sa kanila ang kahalagahan ng dalawang ordenansang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento tungkol sa pagtuturo ni Jesus kay Nicodemo (tingnan sa Juan 3:1–10). Ipangako sa mga bata na kapag sila ay nabinyagan, ipagkakaloob sa kanila ng Ama sa Langit ang kaloob na Espiritu Santo.

  • Ipakita sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at hilingin sa kanila na ilarawan ang mga drowing. Basahin ang Juan 3:5 at patotohanan na kailangan nating mabinyagan at makumpirma para muling makapiling ang Ama sa Langit.

  • Tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang ginagawa kapag naghuhugas sila ng kamay. Ipakita ang larawan ng Batang Babaeng Binibinyagan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104), at tulungan ang mga bata na ihambing ang paghuhugas ng ating mga kamay gamit ang tubig sa pagiging espirituwal na malinis sa pamamagitan ng binyag.

Juan 3:16

Mahal ako ng Ama sa Langit kaya ibinigay Niya sa akin ang isang Tagapagligtas.

Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang mahalagang katotohanang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na kumpletuhin ang mga pangungusap na katulad nito: “Dahil mahal ako ng aking mga magulang, sila ay …” Basahin ang Juan 3:16. Pagkatapos ay tulungan ang bawat bata na ulitin ang Juan 3:16, na pinapalitan ang mga salitang “sanlibutan” ng kanyang sariling pangalan. Tulungan ang mga bata na pansinin ang sinasabi ng talatang ito na ginawa ng Ama sa Langit dahil mahal Niya tayo. Anyayahan ang mga bata na idrowing si Jesus. Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga drowing nila sa isa’t isa at ipahayag ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Hilingin sa mga bata na itaas ang larawan ni Jesus tuwing kakantahin nila ang salitang “Anak,” “Jesus,” o “Tagapagligtas.”

Juan 4:5–15

Si Jesucristo ang aking “tubig na buhay.”

Naranasan na ng mga bata sa iyong klase ang mauhaw. Paano mo magagamit ang karanasang iyon para tulungan ang mga bata na maunawaan kung gaano kalaki ang pangangailangan natin sa tubig na buhay na ipinagkakaloob ni Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para ikuwento ang tungkol kay Jesus at sa babae sa tabi ng balon (tingnan sa Juan 4:5–15). Hilingin sa mga bata na ulitin ang kuwento.

  • Magpakita ng isang baso ng tubig, at pag-usapan ninyo ng mga bata kung bakit kailangan natin ng tubig. Mabilis na ibuod ang Juan 4:5–15, at magpatotoo na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay-buhay sa ating espiritu, tulad ng tubig na nagbibigay-buhay sa ating katawan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Juan 2:1–11

Kaya kong igalang ang aking ina tulad ng ginawa ni Jesus.

Sa kasalan sa Cana, sinabi ni Maria kay Jesus na naubos na ang alak. Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, tumugon si Jesus sa Kanyang ina sa pagtatanong dito kung ano ang nais nitong gawin Niya para sa kanya at sinabi Niya na gagawin Niya iyon. Si Jesus ay isang halimbawa kung paano natin dapat tratuhin ang ating mga ina.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Juan 2:1–11 at sabihin na magsalitan sila sa muling pagsasalaysay ng kuwentong ito gamit ang sarili nilang mga salita.

  • Hilingin sa mga bata na ilista ang mga tulong na maaaring kailanganin ng kanilang ina. Pagpraktisin sila ng maaari nilang sabihin sa kanilang ina gamit ang mga salita ni Jesus: “Ano po ang nais ninyo na gawin ko para sa inyo?”

  • Anyayahan ang ilang nanay na bumisita sa inyong klase at ipabahagi sa kanila ang ginagawa ng kanilang mga anak para ipakita ang paggalang sa kanila.

Larawan
si Jesus na nakikipag-usap kay Maria sa piging ng kasalan

Tinanong ni Jesus ang Kanyang ina kung ano ang nais nitong gawin ni Jesus para sa kanya.

Juan 3:1–8

Ang pagpapabinyag at pagpapakumpirma ay tulad ng pagsilang na muli.

Kapag bininyagan tayo, na tinatawag ni Jesus na “ip[in]anganak [sa] tubig,” tumatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at tayo ay “makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang kahulugan ng ipinanganak na muli?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang bawat salita ng Tagapagligtas sa Juan 3:3 sa magkakahiwalay na piraso ng papel at ipaayos ang mga ito sa mga bata ayon sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga ito. Paano naging katulad ng muling pagsilang ang pagpapabinyag at pagpapakumpirma?

  • Magdispley ng larawan ng isang bagong silang na sanggol at ng isang taong binibinyagan at kinukumpirma (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104–5). Paano tayo maihahalintulad sa isang bagong silang na sanggol matapos tayong mabinyagan at makumpirma? (tingnan sa Juan 3:3–5).

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga alaala ng kanilang binyag. Basahin ang Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:37 para marebyu ang tipan sa binyag. Ituro sa mga bata na ang taimtim na pagtanggap ng sakramento bawat linggo ay isang paraan upang maipagpatuloy ang proseso ng pagsilang na muli.

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang Saligan ng Pananampalataya 1:4.

Juan 3:16–17

Mahal ako ng Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak.

Paano ninyo matutulungan ang mga bata na malaman na ang pagpapadala kay Jesucristo sa lupa ay pagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpadrowing sa mga bata ng isang larawan ng paborito nilang regalo at ng tao na nagbigay sa kanila ng regalong iyon. Pagkatapos ay ipabasa sa isang bata ang Juan 3:16. Anong regalo ang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit? Paano nakikita ang Kanyang pagmamahal sa kaloob o regalong ito?

  • Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga sagot sa tanong na, “Bakit ipinadala sa atin ng Ama sa Langit si Jesucristo?” habang binabasa nila ang Juan 3:16–17 o kinakanta ang “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21).

Juan 4:5–23

Iniaalok sa akin ni Jesucristo ang “tubig na buhay.”

Tulad ng paggamit ni Jesus ng tubig para turuan ang babae sa Samaria, maaari mo ring gamitin ang tubig para turuan ang mga bata kung bakit kailangan natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang Juan 4:5–23, magsulat ng mga pangungusap na nagbubuod sa kuwento ng babae sa may balon. Hilingin sa mga bata na sumangguni sa mga talatang ito para mailagay ang mga pangungusap sa tamang pagkakasunud-sunod. Ano ang gustong ituro ni Jesus sa babae?

  • Bigyan ang mga bata ng maiinom na tubig, at hilingin sa kanila na magbahagi ng mga karanasan nang sila ay nauhaw. Pag-usapan kung ano ang pakiramdam ng makainom sa wakas ng tubig. Hilingin sa mga bata na magsabi ng mga bagay na, tulad ng isang tasa ng tubig, ay makapagbibigay sa atin ng panandaliang kasiyahan. Ano ang mga bagay na tulad ng “tubig na buhay” na makapagbibigay sa atin ng kasiyahan magpakailanman?

  • Isulat sa pisara ang Paano nagiging katulad ng tubig ang ebanghelyo? Hilingin sa mga bata na isipin kung paano nila sasagutin ang tanong na ito habang binabasa nila ang Juan 4:5–23.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Maaari mong hilingin sa mga bata na magbigay ng maiinom na tubig sa mga miyembro ng kanilang pamilya pagdating nila sa bahay. Habang ginagawa nila ito, maaari nilang ibahagi kung ano ang natutuhan nila tungkol sa tubig na buhay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang mga pahina ng aktibidad. Habang kinukumpleto ng mga bata ang mga pahina ng aktibidad, gamitin ang oras para rebyuhin ang mga alituntunin mula sa lesson.

Print