“Pebrero 13–19. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Pebrero 13–19. Mateo 5; Lucas 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Pebrero 13–19
Mateo 5; Lucas 6
“Mapapalad Kayo”
Ang pagkakataon mong turuan ang mga bata ay mahalaga. Habang espirituwal mong inihahanda ang iyong sarili, gagabayan ka ng Panginoon.
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na magsalita ng tungkol sa isang bagay na ginawa nila sa linggong ito para maibahagi ang liwanag ng Panginoon sa isang tao—marahil sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa o pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensya sa tahanan kapag pakikitunguhan nila nang may pagmamahal at kabaitan ang iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Mateo 5:9 sa mga bata, at ipaliwanag na ginagawang payapa ang anumang lugar ng isang tagapamayapa, saan man siya naroroon. Isulat sa mga piraso ng papel ang ilang halimbawa ng mga sitwasyong may pagtatalo na maaaring kaharapin ng mga bata (halimbawa, pag-aaway ng magkakapatid dahil sa isang laruan). Anyayahan ang bawat bata na kumuha ng isang papel. Habang binabasa mo ang bawat sitwasyon, hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila magiging tagapamayapa sa sitwasyong iyon. O magbahagi ng ilang kathang-isip na mga sitwasyon, at tulungan ang mga bata na tukuyin kung ang mga tauhan ay mga tagapamayapa.
-
Anyayahan ang ilang mga magulang ng mga bata na bumisita sa inyong klase at ibahagi ang mga pagkakataon na naging tagapamayapa sa kanilang tahanan ang kanilang mga anak.
Nais ni Jesus na maging ilaw ako sa iba.
Ang mga batang musmos ay maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensya sa kabutihan sa iba. Paano mo sila mahihikayat na paningningin ang kanilang ilaw?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng ilang bagay na nagbibigay ng liwanag, magpakita ng isang larawan ng mga bata. Basahin ang Mateo 5:14–16, at sabihin sa mga bata na ang kanilang mabubuting halimbawa ay maaaring maging katulad ng liwanag na nakikita ng iba. Paano natin magagamit ang ating ilaw upang maakay ang iba sa Diyos?
-
Itutok ang flashlight sa paligid ng silid, at sabihin sa mga bata na sundan ng kanilang mga mata ang liwanag. Gamitin ang liwanag para ituon ang kanilang mga mata sa larawan ng Tagapagligtas. Paano tayo natutulungan ng ilaw? Paano tayo maaaring maging ilaw ng sanlibutan? Takpan ang flashlight. Ano ang mangyayari kung hindi natin ibabahagi ang ating ilaw o kung itatago natin ito?
-
Itago ang flashlight sa kuwarto, at patayin ang mga ilaw. Sabihin sa mga bata na subukang hanapin ito. Rebyuhin ang Mateo 5:15, at pag-usapan kung bakit hindi natin dapat itago ang ating liwanag.
-
Tulungan ang mga bata na hanapin at kulayan ang mga nakatagong kandila sa pahina ng aktibidad sa linggong ito.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagiging ilaw para sa iba, tulad ng “Isang Sinag ng Araw,” “Magliwanag,” o “Tila ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39, 96, 84).
Nais ni Jesucristo na mahalin ko ang lahat ng tao.
Maaari nang magsimulang magpakita ng pagmamahal ang mas maliliit na bata, kahit na hindi tama ang pagtrato sa kanila ng kanilang mga kaibigan o kapatid. Habang binabasa mo ang Mateo 5:44–45, pag-aralan kung paano maiaangkop ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipahayag ang Mateo 5:44 gamit ang mga salita at sitwasyon na mauunawaan ng mga bata at sa paraan na makakaugnay sila. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nagpakita sila ng pagmamahal sa isang tao kahit mahirap itong gawin. Ano ang naramdaman nila sa ganitong mga karanasan?
-
Bilang isang klase, kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74). Ano ang natututuhan natin mula sa kantang ito tungkol sa pagmamahal sa iba?
-
Bigyan ang mga bata ng mga hugis pusong papel na may mga salitang “Ipapakita ko ang aking pagmamahal sa lahat ng tao.” Hilingin sa kanila na lagyan ng dekorasyon ang mga puso at ilagay ang mga ito sa kanilang mga tahanan bilang paalala na mahalin ang iba.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong maging maligaya kapag ipamumuhay ko ang mga itinuro ni Jesus.
Habang binabasa mo ang Mateo 5:3–12, ano ang mga salita at parirala na naging kapansin-pansin sa iyo? Paano pagpapalain ng mga turong ito ang buhay ng mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Lumikha ng isang tsart sa pisara na may dalawang hanay na may mga pamagat na Mapapalad ang … at Pagpapala. Sabihin sa mga bata na saliksikin ang Mateo 5:3–12 para mahanap ang mga katangian ng mga tao na sinabi ni Jesus na magiging mapapalad at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa kanila. Pagkatapos ay punan ang tsart ng mga bagay na nalaman nila. Talakayin sa mga bata kung ano ang kahulugan ng bawat katangian at ng kaukulang pagpapala nito.
-
Isulat ang bawat katangian mula sa mga talatang ito sa isang kard at ang kaukulang pagpapala nito sa isa pang kard. Halimbawa, nakasulat sa isang kard ang “mapagpakumbaba,” at nakasulat naman sa isa pa ang “mamanahin ang lupa” (talata 5). Sabihin sa mga bata na pagtugmain ang mga katangian at ang mga pagpapala. Hilingin sa mga bata na pumili ng isa sa mga katangian sa mga talatang ito na nais nilang taglayin.
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Itinuro ni Jesus na ang mga tagapamayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos. Paano mo mahihikayat ang mga bata na maging mga tagapamayapa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa isang bata ang Mateo 5:9 nang malakas. Ano ang isang tagapamayapa? Ano ang mga paraan na maaari tayong maging mga tagapamayapa sa ating pamilya at mga kaibigan? (Para sa ilang ideya, tingnan sa mga talata 21–24, 38–47.)
-
Hilingin sa bawat bata na mag-isip ng isang sitwasyon na kailangan ang tulong ng isang tagapamayapa. Ano ang gagawin ng isang tagapamayapa sa ganitong sitwasyon?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nagpakita sila ng pagmamahal sa isang tao, kahit na ang tao ay naiiba sa kanila o mahirap mahalin.
Ang aking halimbawa ay maaaring magsilbing ilaw para sa iba para masunod nila si Jesus.
Marami sa mga batang tinuturuan mo ang nakagawa na ng mga tipan sa binyag. Isipin kung paano nauugnay ang mga salita ng Tagapagligtas sa Mateo 5:14–16 sa kanilang mga tipan. Ano kaya ang mga mensahe ng Panginoon sa talatang ito para sa mga bata sa iyong klase?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Mateo 5:16. Isulat ang talata sa pisara. Sama-samang basahin ito nang ilang beses na binubura ang ilang salita sa bawat pagkakataon. Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga bagay na magagawa nila para maging ilaw sa iba. Pag-usapan kung paano nakakatulong sa atin ang pagiging liwanag sa iba para matupad natin ang ating mga tipan sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10).
-
Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng liwanag sa iba, tulad ng “Magliwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96). Paano natin maibabahagi ang liwanag ng Tagapagligtas?
-
Magpadrowing sa mga bata ng mga bagay na nagbibigay sa atin ng liwanag. Basahin ang Mateo 5:14–16. Itanong sa kanila kung bakit nais ni Jesus na maging ilaw tayo ng sanlibutan.
-
Anyayahan ang dalawang bata na magharapan, at hilingin sa isa na pangitiin ang isa pa nang hindi siya hinahawakan. Pag-usapan ang kapangyarihang mayroon ang mga bata para maghatid ng kaligayahan sa iba.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hamunin ang mga bata na maghanap sa linggong ito ng isang tao na nagsisilbing isang tagapamayapa. Sa simula ng klase sa susunod na linggo, anyayahan sila na ibahagi kung sino at ano ang nakita nila.