Bagong Tipan 2023
Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: “Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”


“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

nakatayo sa ilang si Jesus

Into the Wilderness [Nasa Ilang], ni Eva Koleva Timothy

Enero 30–Pebrero 5

Mateo 4; Lucas 4–5

“Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”

Simulan ang iyong paghahanda sa lesson na ito sa pagbabasa ng Mateo 4 at Lucas 4–5. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na ipasa ang larawan ni Jesus mula sa isang bata papunta sa susunod. Habang hawak ng isang bata ang larawan, anyayahan siyang magbahagi ng isang bagay na ginawa ni Jesus noong narito Siya sa lupa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 4:1–11; Lucas 4:1–13

Kaya kong piliin ang tama tulad ni Jesus.

Ang maliliit na bata ay “hindi magkakasala” (Doktrina at mga Tipan 29:47). Gayunman, ang salaysay tungkol sa paglaban ni Jesus sa mga panunukso ni Satanas ay makahihikayat sa mga bata na piliin ang tama.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento ang tungkol sa mga panunukso kay Jesus na nasa Mateo 4:1–11. (Tingnan din sa “Kabanata 11: Tinukso si Jesus,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 30–31.) Sa angkop na mga bahagi ng kuwento, itanong, “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ni Jesus?”

  • Magdispley ng larawan ni Jesucristo, at pagkatapos ay magbigay ng mga opsiyon na maaaring piliin ng isang batang musmos. Hilingin sa mga bata na humakbang palapit sa larawan tuwing maglalarawan ka ng mabuting pagpili. Hilingin sa kanila na humakbang palayo rito tuwing maglalarawan ka ng isang maling pagpili.

  • Tulungan ang mga bata na matutuhan ang mga titik ng isang awitin tungkol sa paggawa ng mabubuting pagpili, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83). Gumamit ng mga larawan, bagay, o iba pang visual aid na may kaugnayan sa mga titik ng awitin.

Lucas 4:18–19

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Inilarawan sa Lucas 4:18–19 ang misyon ni Jesus. Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang mga ginawa Niya para sa kanila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Lucas 4:18–19 sa mga bata, at ipaliwanag kung ano ang ipinagawa kay Jesucristo sa lupa (para ituro sa atin kung paano makabalik sa Ama sa Langit, panatagin tayo, at pagalingin ang mga tao). Ibahagi kung paano Niya ito ginawa sa iyo.

  • Sabihin sa ilang bata na magkunwaring nalilito, nalulungkot, o maysakit. Hilingin sa ibang mga bata na isadula kung ano ang magagawa nila para matulungan sila. Patotohanan na pumarito si Jesucristo para magturo, magbigay ng kapanatagan, at pagalingin tayo, at na dapat nating sundin ang Kanyang halimbawa.

  • Magpakita ng mga larawan ni Jesus habang tinutupad Niya ang Kanyang misyon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ). Hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang nangyayari sa bawat larawan. Magpakita rin ng mga larawan ng mga taong nagsisikap na tularan si Jesus (makikita mo ang ilan sa mga magasin ng Simbahan).

Mateo 4:18–22; Lucas 5:1–11

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging “mga mamamalakaya (mangingisda) ng mga tao.”

Ang panawagan ng Tagapagligtas na, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19), ay angkop sa lahat ng tao, kabilang na ang mga bata.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa dalawang bata na magkunwari sila bilang sina Simon Pedro at Andres habang binabasa mo ang Mateo 4:18–22. Tulungan ang mga bata na tukuyin kung ano ang isinuko ng mga lalaking ito para makasunod kay Jesus.

  • Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagkukuwento ng mga nasa talatang ito gamit ang larawan sa ibaba at sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.

  • Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa pagsunod kay Jesus, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87). Tulungan ang mga bata na makita ang mga bagay na binanggit sa awitin na magagawa nila para masunod si Jesus.

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito at talakayin ninyo ng mga bata kung paano sila maaaring maging “mga mamamalakaya ng mga tao” sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus. Maaari din kayong maglaro ng matching game (laro ng pagtutugma) gamit ang pahina ng aktibidad. Gumupit ng dalawang kopya ng bawat isda, ilapag ang mga ito nang pataob at sabihin sa mga bata na isa-isang baligtarin ang mga ito para makahanap ng magkapares.

si Jesus na tumatawag sa mga disipulo

Christ Calling Two Disciples [Tinatawag ni Cristo ang Dalawang Disipulo], ni Gary Ernest Smith

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 4:1–11; Lucas 4:1–13

Ipinakita sa akin ni Jesus ang halimbawa sa pamamagitan ng paglaban sa tukso.

Maging si Jesucristo ay tinukso ni Satanas, ngunit hindi Siya kailanman nagpatangay sa tukso. Paano mo matutulungan ang mga bata na tularan ang Kanyang halimbawa?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gumawa ng tsart sa pisara na may pamagat na Mga Panunukso ni Satanas at Mga Tugon ni Jesus. Tulungan ang mga bata na punan ang tsart gamit ang Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13. Tanungin ang mga bata kung paano nila matutularan ang halimbawa ni Jesus.

  • Sumulat ng ilang sitwasyon kung saan maaaring matukso ang isang bata na gumawa ng mali. Papiliin ng babasahin ang isang bata, at hilingin sa klase na pag-usapan kung paano nila mapaglalabanan ang tukso sa sitwasyong iyon.

Mateo 4:1–2

Ang pag-aayuno ay makakatulong para madama kong malapit ako sa Ama sa Langit.

Bago nagsimula sa Kanyang ministeryo, si Jesus ay nag-ayuno at nakipag-ugnayan sa Diyos. Tulungan ang mga bata na makita kung paano sila mabibigyan ng espirituwal na lakas ng pag-aayuno at matutulungan nitong mapalapit sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa nang malakas sa isang bata ang Mateo 4:1–2. Gamitin ang mga rebisyon sa mga talatang ito sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Ano ang ginawa ni Jesus para “makasama ang Diyos”? Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang pag-aayuno upang mas mapalapit ka sa Ama sa Langit.

  • Anyayahan ang mga bata na nakapag-ayuno na noon na magbahagi ng kanilang mga karanasan. Paano nila ipapaliwanag ang pag-aayuno sa isang tao na hindi pa kailanman nakapag-aayuno?

  • Magsulat ng mga tanong sa mga piraso ng papel tungkol sa pag-aayuno (tulad ng bakit, kailan, o paano tayo nag-aayuno), at ilagay ang mga ito sa isang mangkok. Sabihin sa mga bata na kumuha ng isang tanong at subukang sagutin ito. Anong mga karanasan ang maibabahagi mo o ng mga bata tungkol sa pag-aayuno?

Lucas 4:16–22, 28–30

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Pagnilayan kung paano pinagpala ng Tagapagligtas ang buhay mo. Paano mo matutulungan ang mga bata na lalong pahalagahan ang Kanyang impluwensya sa kanilang buhay?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na dumating sa klase na handang ibahagi ang salaysay sa Lucas 4:16–30. Maaaring makatulong na gamitin ang “Kabanata 17: Ang mga Galit na Tao sa Nazaret” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 42–43).

  • Basahin ang Lucas 4:18 habang sumasabay sa pagbasa ang mga bata. Hilingin sa kanila na ilista ang mga bagay na sinabi ng Tagapagligtas na dahilan ng Kanyang pagparito. Hilingin sa mga bata na magbigay ng mga halimbawa ng pagkakataon na ginawa ni Cristo ang mga bagay na ito, sa mga banal na kasulatan man o sa kanilang buhay.

  • Isulat sa mga piraso ng papel ang mga salitang “Dahil kay Jesucristo …” Bigyan ng papel ang bawat bata, at sabihin sa kanila na isulat kung paano nila kukumpletuhin ang parirala. Ipabahagi sa kanila ang isinulat nila.

Mateo 4:18–22; Lucas 5:1–11

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na sumunod sa Kanya at maging “mga mamamalakaya ng mga tao.”

May maraming paraan para makasunod ang mga bata sa Tagapagligtas at maging “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Paano mo sila tutulungang makita na maaari silang maging mabubuting impluwensya sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang Mateo 4:18–22 at Lucas 5:1–11. Paano tumugon ang mga disipulo ni Jesus sa Kanyang panawagang sumunod sa Kanya? Ano ang magagawa natin para matularan ang kanilang halimbawa?

  • Ipakita sa mga bata ang ilang mga kagamitan sa pangingisda o isang larawan ng mangingisda. Ano ang ibig sabihin ng maging “mga mamamalakaya ng mga tao”? Anong mga kagamitan ang mayroon tayo na makakatulong sa atin na maging mga mamamalakaya ng mga tao?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol sa pagiging mamamalakaya ng mga tao.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maaaring makilala ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nilang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan kapag nagsasalita o kumakanta sila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo. Ang mga damdaming ito ay maaaring magpalakas ng kanilang patotoo.