Bagong Tipan 2023
Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: “Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”


“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus

Stained-glass window sa Nauvoo Illinois Temple, ni Tom Holdman

Enero 23–29

Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3

“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”

Habang binabasa mo ang tungkol kay Juan Bautista at sa binyag ni Jesucristo, itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga banal na kasulatan na ito, at makakatulong ito sa iyo na suportahan ang pag-aaral na ginagawa ng mga bata ng tahanan.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na maibahagi ang natutuhan nila, magpakita ng larawan ni Jesus na binibinyagan. Hilingin sa kanila na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa larawan at kung ano ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 3:13–17

Maaari akong magpabinyag tulad ni Jesus.

Paano mo magagamit ang mga salaysay tungkol sa binyag ni Jesus para matulungan ang mga bata na maghandang magpabinyag?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento ng binyag ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 3:13–17; tingnan din sa “Kabanata 10: Bininyagan si Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 26–29). Ipaliwanag na si Jesus ay bininyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa Kanya ng isang taong may awtoridad ng priesthood. Ulitin nang ilang beses ang kuwento at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga detalye na naaalala nila.

  • Ipakita ang larawan ng pagpapabinyag ni Jesus at ang pahina ng aktibidad sa linggong ito. Ipatukoy sa mga bata ang mga pagkakatulad ng dalawang larawan. (May larawan ni Jesucristo na binibinyagan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.)

  • Rebyuhin ang mga pangakong gagawin ng mga bata kapag sila ay bininyagan (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Tanungin sila kung alin sa mga bagay na ito ang ginagawa na nila.

  • Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na sabihin sa mga bata ang tungkol sa interbyu sa binyag na gagawin bago sila binyagan.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Pagbibinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55). Isiping hilingin sa isang bata na pamunuan ang iba pang mga bata sa kanilang pag-awit.

batang babaeng binibinyagan

Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapabinyag.

Mateo 3:11, 16

Tinutulungan ako ng Espiritu Santo.

Bukod sa paghahanda para sa binyag, naghahanda rin ang mga bata na matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Paano mo sila matutulungan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang Mateo 3:11, 16 para maituro sa mga bata na ang Espiritu Santo ay bumaba kay Jesus nang Siya ay bininyagan (nagpakita ang isang kalapati bilang tanda na ito ay nangyari). Ipakita ang larawang Ang Kaloob na Espiritu Santo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 105), at ipaliwanag na tinatanggap natin ang kaloob ng Espiritu Santo kapag tayo ay kinumpirma.

  • Magdala ng isang kahon na naglalaman ng mga bagay na tulad ng larawan ni Jesus, isang komportableng kumot, at kompas o mapa. Papiliin ang mga bata ng isang bagay at pagkatapos ay hilingin sa kanila na ipaliwanag kung paano naging simbolo ito ng isang paraan na makakatulong sa atin ang Espiritu Santo—nagpapatotoo Siya tungkol kay Jesus (tingnan sa Juan 15:26), pinapanatag tayo (tingnan sa Juan 14:26), at ipinapakita sa atin ang tamang daan (tingnan sa 2 Nephi 32:5).

  • Ibahagi ang sarili mong mga karanasan ng pagtanggap ng tulong mula sa Espiritu Santo.

  • Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga paraan na tinutulungan tayo ng Espiritu Santo habang kinakanta nila ang “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 3

Ako ay pinagpala sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Aaronic Priesthood.

Si Juan Bautista ay mayhawak ng Aaronic Priesthood, kaya ang pagbabasa tungkol sa kanya sa Mateo 3 ay isang magandang pagkakataon para maituro sa mga bata ang tungkol sa Aaronic Priesthood. Tulungan silang matukoy ang mga pagpapala at kapangyarihang dumarating sa atin sa pamamagitan ng priesthood na ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga tungkulin sa Aaronic Priesthood, gamit ang Doktrina at mga Tipan 20:46, 58–60; 84:111. Hilingin sa mga bata na hanapin sa Mateo 3 ang mga halimbawa ng pagtupad ni Juan sa mga tungkuling ito. Paano nating lahat maaanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, tulad ng ginawa ni Juan?

  • Magdispley ng ilang larawan ng pagsasagawa ng mga ordenansa ng binyag at ng sakramento ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103–4, 107–8). Talakayin kung paano tayo inihahanda ng mga ordenansang ito na tanggapin si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 13:1, at patotohanan na ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kay Joseph Smith. Itanong sa mga bata kung paano sila napagpala ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood.

Mateo 3:13–17; Marcos 1:1–11; Lucas 3:2–18

Kaya kong tuparin ang aking mga tipan sa binyag.

Ang pag-aaral tungkol sa salaysay ng binyag ni Jesus ay isang magandang pagkakataon para tulungan ang mga bata na rebyuhin ang kanilang mga tipan sa binyag at muling mangako na tutuparin ang mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Marcos 1:1–11. Talakayin kung bakit nais ng Ama sa Langit na mabinyagan tayo. Bakit bininyagan si Jesus, kahit na hindi Niya kailangang malinis mula sa kasalanan? Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa tanong na ito sa Mateo 3:13–15 at 2 Nephi 31:6–7.

  • Rebyuhin ang mga tipan na ginawa ng mga bata sa binyag na matatagpuan sa Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:37. Ipasulat sa mga bata ang mga reperensyang ito sa pahina ng aktibidad sa linggong ito.

  • Maghanda ng ilang pares ng mga kard na may magkakaparehong kataga o larawan na kumakatawan sa mga tipan sa binyag. Itaob ang mga kard. Sabihin sa mga bata na sila ay isa-isang magbabaligtad ng dalawang kard para maghanap ng magkapares. Kapag magkapares ang naibaligtad na mga kard, anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na natupad nila ang tipang nakasaad sa kard.

  • Ibahagi kung paano ka napagpala ng pagtupad mo sa iyong mga tipan sa binyag.

Mateo 3:11, 16

Magagabayan ako ng Espiritu Santo.

Pinag-aaralan ng mga bata kung paano kilalanin at sundin ang patnubay ng Espiritu Santo. Ipaunawa sa kanila na ang pagtupad sa kanilang mga tipan sa binyag ang tutulong sa kanilang maging karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang patnubay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa bawat bata na basahin ang isa sa mga sumusunod na banal na kasulatan at ipaliwanag kung ano ang itinuturo nito tungkol sa mga paraan na nangungusap sa atin ang Espiritu Santo: Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 6:23; 8:2–3; 11:12–13.

  • Ipabasa sa isang bata ang Mateo 3:11. Ano ang pagkakapareho ng Espiritu Santo sa apoy? Halimbawa, ang apoy ay nakakapanatag, at nagbibigay ito ng liwanag na gagabay sa atin (tingnan sa Juan 15:26; 2 Nephi 32:5).

  • Sabihan ang mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at iladlad ang kanilang mga kamay. Pagkatapos ay dahan-dahang ipadama sa kanilang mga palad ang isang balahibo o isang panali. Sabihan sila na sabihin sa iyo kung nadama nila ito. Ano ang itinuturo ng aktibidad na ito tungkol sa pagkilala sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo?

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga naging karanasan nila sa Espiritu Santo. Bakit ang pagtupad sa ating mga tipan ay nakakatulong sa atin na matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang bawat bata na tanungin ang kanilang mga magulang, iba pang mga kapamilya, o mga kaibigan tungkol sa kanilang binyag.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghangad ng sarili mong inspirasyon. Huwag ituring ang mga outline na ito bilang mga tagubilin na kailangan mong sundin habang ikaw ay nagtuturo. Sa halip, gamitin ang mga ito bilang mga ideya na magbibigay-daan sa pagkakaroon mo ng sariling inspirasyon habang pinagninilayan mo ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)