“Enero 2–8. Mateo 1; Lucas 1: ‘Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 2–8. Mateo 1; Lucas 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Enero 2–8
Mateo 1; Lucas 1
“Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita”
Magsimula sa pagbabasa ng Mateo 1 at Lucas 1. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo. Kung kailangan mo ng karagdagang tulong sa pagtuturo sa mas maliliit na bata, tingnan ang “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata” sa simula ng resource na ito.
Mag-anyayang Magbahagi
Paupuin nang pabilog ang mga bata, at pagkatapos ay hilingin sa isang bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan mula sa mga banal na kasulatan. Ang batang iyon ay maaaring magpagulong ng bola sa isa pang bata o ituro ang isa pang nasa bilog, na siya namang susunod na magbabahagi.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ibinalita ng mga anghel ang pagsilang ni Jesus.
Bawat isa kina Maria at Jose ay binisita ng isang anghel na nagbalita tungkol sa pagsilang ni Jesus. Ang mga karanasang ito ay makakatulong sa mga bata na makita kung gaano kahalaga ang pagsilang ni Cristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga magulang ng isang bata na pumunta sa klase na nakabihis bilang sina Maria at Jose. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang karanasang nakatala sa Mateo 1:18–25 at Lucas 1:26–38.
-
Ikuwento ang tungkol sa mga anghel na nagpakita kina Maria at Jose, ayon sa nakatala sa mga talatang ito. (Tingnan din sa “Kabanata 2: Si Maria at ang Anghel” at sa “Kabanata 4: Si Jose at ang Anghel,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 8–9, 12.) Maaari mong ipakita ang larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga bata na muli itong ikuwento sa iyo.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga kuwentong matatagpuan sa Mateo 1:18–25 at Lucas 1:26–38.
Sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
Marahil ay maraming taon nang ipinagdarasal nina Zacarias at Elisabet na magkaroon sila ng anak. Kalaunan ay sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang panalangin sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng anak na si Juan Bautista. Paano mo magagamit ang kuwentong ito upang ituro sa mga bata na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa sarili mong mga salita, ibahagi ang kuwento mula sa Lucas 1:5–25, 57–63. Maaari mong ulitin ang kuwentong ito nang ilang beses. Bigyan ng papel na gagampanan ang mga bata bilang si Zacarias, si Elisabet, at ang anghel, at ipasadula sa kanila ang kuwento. Bigyang-diin ang mga salita ng anghel kay Zacarias: “Pinakinggan ang panalangin mo” (Lucas 1:13). Magbahagi ng isang karanasan kung saan dininig ng Ama sa Langit ang iyong panalangin.
-
Gamitin ang “Nakayuko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 18) o ang isa pang awitin upang ituro sa mga bata kung paano manalangin. Sa tuwing kinakanta ng mga bata ang mga salitang “mananalangin,” sabihin sa kanila na yumuko at humalukipkip.
-
Hilingin sa bawat bata na gumawa ng mga kilos na kumakatawan sa bagay na ipinagdarasal nila. Pahulaan sa ibang mga bata kung ano ang kinakatawan ng mga kilos. Makakakita sila ng mga ideya sa pahina ng aktibidad ngayong linggo.
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Si Jesucristo ang Anak ng Ama sa Langit at ni Maria. Ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga bata na malaman pa ang tungkol sa Kanya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na sinabi ng anghel kay Maria na tatawagin ang sanggol na Anak ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:35). Tulungan ang mga bata na ulitin ang katagang “Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.” Tulungan ang mga bata na maunawaan kung sino ang mga magulang ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapadrowing sa kanila ng mga larawan ng sarili nilang mga magulang. Habang ginagawa nila ito, sabihin sa kanila na si Jesus ay may mga magulang din—si Maria at ang Ama sa Langit. Bukod dito, iniutos kay Jose na protektahan at alagaan si Jesus habang nabubuhay Siya sa lupa.
-
Magpatotoo na dahil si Jesus ang Anak ng Diyos, maaari Siyang mamatay para sa ating mga kasalanan at mabuhay na muli. Ipakita ang mga larawan ng Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 57, 59).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Walang imposible sa Diyos.
Ang pagsilang nina Jesus at Juan Bautista ay naging posible dahil lamang sa kapangyarihan ng Diyos. Ang pag-aaral tungkol sa mga himalang ito ay magkapagpapalakas ng pananampalataya ng mga bata na may kapangyarihan ang Diyos na gumawa ng mga himala sa kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang nirerebyu ninyo ng mga bata ang Mateo 1:18–25 at Lucas 1:5–37, tanungin ang mga bata ng tulad ng “Ano ang sasabihin mo kung ikaw si Maria?” o “Ano ang mararamdaman mo kung ikaw si Zacarias?”
-
Gamit ang simpleng mga kataga, ikuwento ang inilarawan sa Mateo 1:18–25 at Lucas 1:5–37. Hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang isang bagay na tila imposible kung wala ang kapangyarihan ng Diyos. Ano pang mga kuwento ang maaaring ibahagi ng mga bata kung saan gumawa ang Diyos ng isang bagay na tila imposible?
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Lucas 1:37. Para magawa ito, maaari mong isulat sa pisara ang talata at sabihin sa mga bata na bigkasin ito nang ilang beses. Pagkatapos ng bawat pagbasa, magbura ng isang salita.
Mateo 1:21–25; Lucas 1:30–35, 46–47
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Si Jesucristo ang Anak ng Ama sa Langit at ni Maria. Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Lucas 1:30–35, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong na: “Sino ang ina ni Jesus?” at “Sino ang Ama ni Jesus?” Tulungan silang maunawaan na si Jesucristo lamang ang taong may mortal na ina na si Maria, at imortal na Ama, ang Ama sa Langit (tingnan din sa 1 Nephi 11:18–21).
-
Habang binabasa ninyo ang mga talatang ito, ipahanap sa mga bata ang mga pangalan o titulo ni Jesucristo. Ano ang ibig sabihin ng mga pangalang ito, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jesus?
-
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang mga patotoo.
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ngunit hindi palaging sa paraan na inaasahan natin. Paano mo magagamit ang tala tungkol kina Zacarias at Elisabet para maituro sa mga bata ang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nanalangin para sa isang pagpapala ngunit hindi pa niya ito natatanggap. Hikayatin sila na pag-isipan ang tanong na ito habang sama-sama nilang binabasa ang Lucas 1:5–25, 57–66. (Tingnan din sa “Kabanata 1: Sina Elisabet at Zacarias” at sa “Kabanata 3: Isinilang si Juan Bautista” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 6–7, 10–11.) Ano ang maaaring sabihin nina Zacarias at Elisabet sa isang taong nakadaramang hindi sinasagot ang kanyang mga panalangin?
-
Ilang araw bago ang lesson na ito, anyayahan ang ilang bata na magbahagi sa klase ng mga karanasan kung saan sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin. Magbahagi ng isang pagkakataon na nadama mong sinagot ang iyong panalangin sa paraang hindi mo inaasahan.
-
Magpadrowing sa mga bata ng isang pagkakataon kung kailan sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang panalangin—lalo na ang sarili nilang panalangin. Ipabahagi sa kanila sa klase ang kanilang mga drowing.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang anumang larawang idinrowing nila sa klase. Hikayatin silang tanungin ang kanilang mga kapamilya tungkol sa mga pagkakataon na sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin.