Bagong Tipan 2023
Enero 16–22. Juan 1: Nasumpungan Namin ang Mesiyas


“Enero 16–22. Juan 1: Nasumpungan Namin ang Mesiyas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 16–22. Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
babaeng nagbabahagi ng ebanghelyo sa istasyon ng tren

Enero 16–22

Juan 1

Nasumpungan Namin ang Mesiyas

Habang binabasa mo ang Juan 1, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang outline sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang kabanatang ito. Ang sumusunod na mga iminumungkahing aktibidad ay maaaring magbigay sa iyo ng mga ideya kung paano tutulungan ang mga bata na matutuhan ang mga alituntunin sa Juan 1. Ang mga aktibidad para sa nakatatandang mga bata ay maaaring iangkop, kung kinakailangan, para sa mas maliliit na bata.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga bata na maibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Jesus, magpakita ng mga larawan Niya na gumaganap ng ilan sa Kanyang mga tungkulin na inilarawan sa Juan 1 (tulad ng paglikha ng mundo o pagtuturo ng ebanghelyo). Hilingin sa mga bata na ilarawan ang nangyayari sa mga larawan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Juan 1:1–2

Namuhay si Jesus sa piling ng Ama sa Langit bago Siya isinilang.

Itinuro ni Juan na nabuhay si Jesucristo na kasama ng Diyos bago ang Kanyang mortal na buhay. Namuhay rin tayo sa piling ng Diyos bago tayo isinilang (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Paano mo ituturo sa mga bata ang katotohanang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na ang katagang “ang Salita” sa Juan 1:1 ay tumutukoy kay Jesus. Basahin nang malakas ang talata, at hilingin sa mga bata na sabihin ang “Jesus” sa tuwing babasahin mo “ang Salita.” Ipakita ang paglalarawan na pinamagatang “Premortal Life [Premortal na Buhay]” (SimbahanniJesucristo.org; tingnan din sa Masdan ang Inyong mga Musmos [2008], 15). Ipaliwanag na nabuhay si Jesucristo sa piling ng Ama sa Langit bago Siya pumarito sa daigdig.

  • Gamitin ang resources na tulad nito upang maituro sa mga bata ang tungkol sa ating buhay sa piling ng Diyos bago tayo pumarito sa lupa: “Pambungad: Ang Plano ng Ating Ama sa Langit” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 1–5) o ang “Buhay Bago pa ang Buhay na Ito” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Anyayahan ang isang magulang na magdala ng sanggol sa klase. Itanong sa mga bata kung saan nabuhay ang espiritu ng sanggol na ito bago siya isinilang. Ipaalala sa mga bata na naging sanggol sila noon, at magpatotoo na sila rin ay nabuhay sa langit kasama ng Ama sa Langit bilang mga espiritung anak bago sila isinilang.

Juan 1:3

Nilikha ni Jesus ang lahat ng bagay.

Ang kaalaman tungkol sa pagiging Tagapaglikha ni Cristo ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na magkaroon ng dagdag na paggalang sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Juan 1:3 at ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Tulungan ang mga bata na isaulo ang katagang “Lahat ng bagay ay ginawa [ni Jesucristo].”

  • Ipakita sa isa sa mga bata ang larawan ng isa sa mga nilikha ng Panginoon. Ipalarawan ito sa kanya, at hilingin sa ibang mga bata na hulaan kung ano ang inilalarawan.

  • Hilingin sa bawat bata na magbanggit ng isang bagay na nilikha ni Jesucristo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapangangalagaan nila ang mundo at ang iba pang mga nilikha ng Panginoon.

Larawan
bukang-liwayway sa kagubatan

Nilikha ni Jesucristo ang mundong ito at ang lahat ng bagay na narito.

Juan 1:35–51

Kaya kong anyayahan ang iba na lumapit kay Jesucristo at malaman ang tungkol sa Kanya.

Naglalaman ang Juan 1 ng mga tala ng mga disipulo na nagsasabi sa mga tao ng “halikayo at tingnan” na si Jesus ang Anak ng Diyos. Kahit ang mga batang musmos ay kayang tularan ang halimbawang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilarawan kung paano nalaman ni Andres ang tungkol kay Jesus, at ikuwento kung paano naman ito itinuro ni Andres kay Pedro (tingnan sa Juan 1:35–42). Ibahagi kung paano mo nalaman ang tungkol sa Simbahan, o anyayahan ang isang bagong miyembro na ibahagi kung paano niya nalaman ang tungkol sa Simbahan.

  • Ibahagi ang kuwento ng pag-anyaya ni Felipe kay Natanael sa pagsasabi ng “halika at tingnan mo” (Juan 1:43–51). Itago ang larawan ni Jesus sa isang kahon, at sabihin ang “halika at tingnan mo” sa isang bata at pagkatapos ay sabihin sa kanya na sabihin sa iba pang mga bata ang tungkol sa nakita niya.

  • Pakulayan sa mga bata ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, at hikayatin silang gamitin ito para maanyayahan ang isang tao na matuto ng tungkol kay Jesus.

  • Hilingin sa isang bata na magbahagi ng tungkol sa isang pagkakataon na siya ay nagbahagi ng isang bagay, gaya ng laruan o regalo, sa isang tao. Paano natin maibabahagi ang ebanghelyo? Ikuwento ang tungkol sa isang batang nagbahagi ng ebanghelyo sa isang kaibigan, tulad ng “Isang Kaibigan at Isang Missionary,” Liahona, Hulyo 2018, 70–71.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Juan 1:1–5

Namuhay si Jesus sa piling ng Ama sa Langit bago Siya isinilang.

Bago pa man Siya isinilang, ginampanan ni Jesucristo ang mahahalagang papel sa plano ng Ama sa Langit. Habang binabasa mo ang Juan 1:1–5, ano ang hinahangaan mo sa mga ginawa ni Jesus sa premortal na mundo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung may nalalaman sila tungkol sa ginawa ni Jesus bago Siya isinilang. Hilingin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa Juan 1:1–5. Maaaring makatulong ang pagtingin sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–5 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

  • Ilahad ang ilang ibahagi ng “Pambungad: Ang Plano ng Ating Ama sa Langit” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 1–5). Itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo.

  • Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang bata na dumalo sa klase na handang ipakita o ilarawan ang isang bagay na ginawa nila. Magpakita ng mga larawan ng ilan sa mga nilikha ng Panginoon, at gamitin ang Juan 1:3 para maipaliwanag na nilikha ni Jesus ang mundo at ang lahat ng bagay na narito.

Juan 1:4–9

Si Jesucristo ang aking ilaw.

Ang simbolismo ng liwanag ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Paano mo mahihikayat ang mga bata na hanapin ang liwanag ng Tagapagligtas kapag ang mundo ay tila madilim?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang Mga Awit 27:1; Juan 1:4–9; Mosias 16:9; at Doktrina at mga Tipan 39:1–2, na hinahanap ang mga kataga na magkakapareho sa mga banal na kasulatang ito. Paanong tulad ng isang ilaw si Jesucristo?

  • Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas at ng ilang bagay na nagbibigay ng liwanag, gaya ng flashlight. Paano naging katulad ng mga bagay na ito si Jesucristo? Paano natin maibabahagi ang Kanyang liwanag sa iba? Sama-samang kantahin ang “Tanglaw ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49) o ang isa pang awiting tungkol sa liwanag ng ebanghelyo.

  • Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa nila kapag sila ay nasa kadiliman at natatakot. Magpatotoo na maaari silang bumaling palagi sa Tagapagligtas kapag sila ay natatakot.

Juan 1:35–51

Bilang tagasunod ni Jesucristo, inaanyayahan ko ang iba na sumunod sa Kanya.

Isipin kung paano mo magagamit ang mga halimbawa sa Juan 1:35–51 para hikayatin ang mga bata na anyayahan ang iba na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Juan 1:35–51 para makita ang mga bagay na sinabi ng mga tao para anyayahan ang iba na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas. Pagpraktisin sila ng mga maaari nilang sabihin sa pag-anyaya sa isang kaibigan na malaman ang tungkol sa Kanya.

  • Hilingin sa mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para makagawa ng isang imbitasyong maaari nilang ibigay sa isang kaibigan o kapamilya para maanyayahan ang mga ito na malaman pa ang tungkol kay Jesucristo.

  • Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na sabihin sa klase ang tungkol sa isang bagay na gustung-gusto nila. Tulungan ang mga bata na makita kung paano maitutulad ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa pagbabahagi ng iba pang mga bagay na gustung-gusto natin.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na anyayahan ang isang taong mahal nila na matuto pa ng tungkol kay Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga visual aid. Maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga bata na mailarawan sa kanilang isipan ang natututuhan nila sa mga banal na kasulatan. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng sining ng ebanghelyo, mga drowing, video, puppet, o dula-dulaan.

Print