“Enero 16–22. Juan 1: Natagpuan na Namin ang Mesiyas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 16–22. Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Enero 16–22
Juan 1
Natagpuan na Namin ang Mesiyas
Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Juan 1, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Anong mga mensahe ang nakikita mong magiging pinakamahalaga sa iyo at sa inyong pamilya? Ano ang maibabahagi mo sa mga klase mo sa Simbahan?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Naisip mo na ba kung makikilala mo si Jesus ng Nazaret bilang Anak ng Diyos kung nabuhay ka noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo? Sa loob ng maraming taon, hinintay at ipinagdasal ng matatapat na Israelita, kabilang na sina Andres, Pedro, Felipe, at Nathanael, ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. Nang makita nila Siya, paano nila nalaman na Siya hinahanap nila? Nakikilala rin nating lahat ang Tagapagligtas sa ganitong paraan—sa pamamagitan ng ating personal na pagtanggap sa paanyayang “halikayo at tingnan ninyo” (Juan 1:39). Nababasa natin ang tungkol sa Kanya sa mga banal na kasulatan. Naririnig natin ang Kanyang doktrina. Minamasdan natin ang paraan ng Kanyang pamumuhay. Nadarama natin ang Kanyang Espiritu. Habang ginagawa ito, natutuklasan natin, tulad ni Nathanael, na kilala tayo at mahal ng Tagapagligtas at nais Niyang ihanda tayo sa pagtanggap ng “higit na dakilang mga bagay” (Juan 1:50).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Sino si Juan?
Si Juan ay isang disipulo ni Juan Bautista at kalaunan ay naging isa sa unang mga alagad ni Jesucristo at isa sa Kanyang Labindalawang Apostol. Siya ang sumulat ng Ebanghelyo Ayon kay Juan, ilang liham, at aklat ng Apocalipsis. Sa kanyang Ebanghelyo, tinukoy niya ang kanyang sarili bilang ang disipulong “minamahal ni Jesus” at ang “isa pang alagad” (Juan 13:23; 20:3). Ang kasigasigan ni Juan na ipangaral ang ebanghelyo ay napakatindi kaya hiniling niyang makapanatili sa lupa hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas upang makapaghatid siya ng mga kaluluwa kay Cristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 7:1–6).
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak ni Zebedeo.”
Si Jesucristo “sa simula ay kasama … ng Diyos.”
Sinimulan ni Juan ang kanyang Ebanghelyo sa paglalarawan sa gawaing isinagawa ni Cristo bago Siya isinilang: “Sa simula … ang Salita [si Jesucristo] ay kasama ng Diyos.” Ano ang natututuhan mo mula sa mga talata 1–5 tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain? Makakakita ka ng makakatulong na mga paglilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–5 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa pagsisimula ng iyong pag-aaral sa buhay ng Tagapagligtas, bakit mahalagang malaman ang Kanyang ginawa sa buhay bago Siya isinilang?
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pinili si Jesucristo bilang Tagapagligtas,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Si Jesucristo ang “tunay na [I]law,” ang Anak ng Diyos.
Si Juan ay nagkaroon ng inspirasyon na hanapin ang Tagapagligtas dahil sa patotoo ni Juan Bautista, na nagpahayag na “dumating siya upang magpatotoo tungkol sa … tunay na [I]law” (Juan 1:8–9). Si Juan mismo ay nagbigay rin ng makapangyarihang patotoo tungkol sa buhay at misyon ng Tagapagligtas.
Maaaring nakakatuwang ilista ang mga katotohanang isinama ni Juan sa kanyang pambungad na patotoo tungkol kay Cristo (mga talata 1–18; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Sa palagay mo, bakit sinimulan ni Juan ang kanyang Ebanghelyo sa mga katotohanang ito? Isiping isulat ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo—ano ang gusto mong ibahagi? Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na makilala at sundin ang Tagapagligtas? Sino ang maaaring mapagpala sa pakikinig sa iyong patotoo?
Pinagkakalooban tayo ni Jesucristo ng “karapatan na maging” mga anak ng Diyos.
Bagama’t tayong lahat ay mga espiritung anak na babae at anak na lalaki ng Diyos, kapag tayo ay nagkasala ay napapalayo tayo, o nawawalay, sa Kanya. Iniaalok sa atin ni Jesucristo ang daan pabalik sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pagnilayan kung ano ang itinuturo sa Juan 1:11–13 tungkol sa pagiging mga anak babae at anak na lalaki ng Diyos. Isipin din kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano natin matatanggap ang kaloob na ito: Roma 8:14–18; Mosias 5:7–9; Doktrina at mga Tipan 25:1. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng magkaroon ng “karapatan na maging” isang anak na babae o anak na lalaki ng Diyos?
Pinatototohanan ng Ama ang Kanyang Anak.
Nakasaad sa Juan 1:18 na wala pang nakakita sa Diyos. Gayunman, nililinaw ng talatang ito na wala pang sinumang nakakita sa Diyos kailanman, maliban kung siya ay nagpatotoo sa Anak” (tingnan sa Juan 1:18). Maaari mong rebyuhin ang mga sumusunod na pagkakataon kung saan narinig ang Diyos Ama na nagpapatotoo sa Anak: Mateo 3:17; 17:5; 3 Nephi 11:6–7; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.
Bakit isang pagpapala na mayroon tayo ng mga salaysay na ito? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa relasyon ni Jesucristo sa Kanyang Ama?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Juan 1:4–10.Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na ilarawan sa isipan ang nabasa nila tungkol sa ilaw sa mga talatang ito? Maaari mong hayaang maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagpapailaw sa isang madilim na silid at pagbabahagi kung paano naging Ilaw ng kanilang buhay ang Tagapagligtas. Pagkatapos, habang binabasa mo ang Juan 1:4–10, maaaring magkaroon ng karagdagang kabatiran ang mga miyembro ng pamilya sa patotoo ni Juan tungkol kay Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan.
-
Juan 1:35–36.Bakit kaya tinawag ni Juan Bautista si Jesus na “Kordero ng Diyos”? Ano ang matututuhan natin tungkol sa titulong ito mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Narito, ang Cordero ng Dios” o sa mensahe ni Elder Gerrit W. Gong na “Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos”? (Liahona, Mayo 2019, 44–46, 97–101)
-
Juan 1:35–46.Ano ang mga resulta ng patotoo ni Juan? Ano ang matututuhan ng inyong pamilya mula sa mga taong inilarawan sa mga talatang ito kung paano ibahagi ang ebanghelyo?
1:17 -
Juan 1:45–51.Ano ang ginawa ni Nathanael na nakatulong sa kanya na magkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas? Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano sila nagkaroon ng patotoo.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Tanglaw Ko ang Diyos,” Mga Himno, blg. 49.