“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Enero 9–15
Mateo 2; Lucas 2
Naparito Kami upang Siya’y Sambahin
Habang binabasa mo ang Mateo 2 at Lucas 2, bigyang-pansin ang anumang mga espirituwal na kabatirang natatanggap mo. Matutulungan ka ng mga ideya sa pag-aaral sa outline na ito na matukoy ang mahalaga at nauugnay na mga alituntunin sa mga kabanatang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mula sa araw ng Kanyang pagsilang, malinaw na si Jesus ay hindi ordinaryong bata. Hindi lamang ang bagong bituin sa kalangitan o ang masayang pagpapahayag ng mga anghel ang kapansin-pansin noong kamusmusan ni Jesus. Pati na ang katotohanan na ang iba’t ibang matatapat na tao—mula sa iba’t ibang bansa, propesyon, at pinagmulan—ay napalapit kaagad ang damdamin sa Kanya. Bago pa man Niya sinambit ang Kanyang paanyayang “pumarito ka, sumunod ka sa akin,” nagpuntahan na sila (Lucas 18:22). Hindi naman lahat ay lumapit sa Kanya, siyempre. Maraming hindi pumansin sa Kanya, at hinangad pa Siyang patayin ng isang naiinggit na pinuno. Ngunit nakita ng mga mapagpakumbaba, dalisay, at tapat na naghahangad ng kabutihan kung sino Siya talaga—ang Mesiyas na ipinangako sa kanila. Ang kanilang katapatan ay naggaganyak sa sarili nating katapatan, sapagkat ang “magandang balita ng malaking kagalakan” na inihatid sa mga pastol ay para sa “buong bayan,” at ang “Tagapagligtas, na [siyang] Cristo, ang Panginoon” ay isinilang sa ating lahat sa araw na iyon (tingnan sa Lucas 2:10–11).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Isinilang si Jesucristo sa abang kalagayan.
Bagama’t si Jesucristo ay may kaluwalhatian sa piling ng Diyos Ama “bago nagkaroon ng sanlibutan” (Juan 17:5), naging handa Siyang maisilang sa abang kalagayan at mamuhay sa piling natin sa lupa. Habang binabasa mo ang Lucas 2:1–7, pagnilayan kung ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito ng Kanyang pagsilang tungkol sa Kanya. Subukang tukuyin ang mga detalye o kabatiran sa kuwentong ito na hindi mo napansin dati. Paano naaapektuhan ng pagpansin sa mga bagay na ito ang iyong damdamin sa Kanya?
Maraming saksi sa pagsilang ni Cristo.
Ang kapanganakan at kamusmusan ni Cristo ay nagkaroon ng mga saksi at sumasamba na nagmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay. Habang sinasaliksik mo ang mga kuwento tungkol sa kanila, ano ang natututuhan mo tungkol sa mga paraan ng pagsamba at pagsaksi kay Cristo?
Saksi ni Cristo |
Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi kay Cristo? |
---|---|
Saksi ni Cristo Mga pastol (Lucas 2:8–20) | Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi kay Cristo?
|
Saksi ni Cristo Simon (Lucas 2:25–35) | Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi kay Cristo?
|
Saksi ni Cristo Ana (Lucas 2:36–38) | Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi kay Cristo?
|
Saksi ni Cristo Mga Pantas na Lalaki (Mateo 2:1–12) | Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi kay Cristo?
|
Tingnan din sa 1 Nephi 11:13–23; 3 Nephi 1:5–21.
Ang mga magulang ay maaaring tumanggap ng paghahayag para protektahan ang kanilang pamilya.
Hinding-hindi magagawa ni Jose ang ipinagawa sa kanya—ang protektahan si Jesus sa kanyang kabataan—nang walang tulong ng langit. Tulad ng mga Pantas na Lalaki, tumanggap siya ng paghahayag na nagbabala sa kanya tungkol sa panganib. Habang nagbabasa ka tungkol sa karanasan ni Jose sa Mateo 2:13–23, mag-isip tungkol sa pisikal at espirituwal na mga panganib na kinakaharap natin ngayon. Pagnilayan ang mga karanasan noong madama mo ang patnubay ng Diyos sa pagprotekta sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay. Isiping ikuwento sa iba ang mga karanasang ito. Ano ang magagawa mo upang matanggap ang gayong patnubay sa hinaharap?
Kahit noong Kanyang kabataan, nakatuon si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Kanyang Ama.
Noong binata Siya, itinuro ng Tagapagligtas ang ebanghelyo sa makapangyarihang paraan kaya maging ang mga guro sa templo ay namangha sa Kanyang “katalinuhan at … mga sagot” (Lucas 2:47). Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas noong binatilyo Siya? Paano sinisikap ng mga kabataang kilala mo na “[magtuon sa gawain] ng [kanilang] Ama”? (Lucas 2:49). Paano nakatulong ang mga kabataan at bata para magkaroon ka ng mas malalim na pag-unawa sa ebanghelyo? Ano pa ang natututuhan mo mula sa halimbawa ng kabataan ni Jesus sa Lucas 2:40–52 at sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)?
Ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith?
Dahil “maraming malinaw at mahahalagang” katotohanan ang nawala sa Biblia sa paglipas ng mga siglo (1 Nephi 13:28; tingnan din sa Moises 1:41), inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na gumawa ng isang inspiradong rebisyon ng Biblia, na kilala bilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith. Maraming rebisyong ginawa ng Propeta ang isinama sa apendise ng Latter-day Saint edition ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 24, na kilala bilang Joseph Smith—Mateo, ay matatagpuan sa Mahalagang Perlas. Para sa iba pang impormasyon, tingnan sa “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at sa artikulo sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Biblia, Kawalan ng Mali ng” (topics.ChurchofJesusChrist.org).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Lucas 2.Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pumili ng isang taong inilarawan sa Lucas 2, basahin ang ilang talata tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ng taong iyon sa Tagapagligtas, at ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila na nagpapalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sama-samang kantahin ang “Awit ni Maria” o “Awit ng Kapanganakan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 28–29, 32–33). Ano ang natututuhan natin mula sa mga awiting ito tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas?
Isipin kung paano maaaring makatulong ang gawang-sining sa inyong talakayan tungkol sa pagsilang ni Cristo. (Para sa mga halimbawa, tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o ang history.ChurchofJesusChrist.org/exhibit/birth-of-Christ.)
-
Mateo 2:1–12.Ano ang natututuhan natin tungkol sa paghahanap at pagkatagpo sa Tagapagligtas mula sa halimbawa ng mga Pantas na Lalaki?
-
Lucas 2:41–49.Ano ang “[gawain] ng … Ama”? (Lucas 2:49; tingnan sa Moises 1:39; Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, SimbahanniJesucristo.org). Ano ang natututuhan natin tungkol sa gawaing iyon mula sa kuwento sa Lucas 2:41–49? Isiping isulat ang ilang paraan na makakalahok ang inyong pamilya sa gawain ng Ama at ilagay ang mga ito sa isang garapon. Sa susunod na linggo, habang naghahanap ng mga paraan ang inyong pamilya na makatulong sa gawain ng Ama sa Langit, maaari silang pumili ng mga ideya mula sa garapon. Planuhin kung kailan ninyo ibabahagi ang inyong mga karanasan.
-
Lucas 2:52.Ano ang matututuhan natin mula sa Lucas 2:52 kung paano umunlad si Jesus sa Kanyang buhay? Anong mga personal na mithiin o mga mithiin ng pamilya ang maaari nating itakda para makaragdag “sa karunungan, sa pangangatawan, at [m]aging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Nagningning ang mga Tala,” Aklat ng mga Awit Pambata, 24.