Bagong Tipan 2023
Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

pamilyang nakatingin sa photo album

Disyembre 26–Enero 1

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Ang layunin ng mga banal na kasulatan ay tulungan kang lumapit kay Cristo at mas lumalim ang pagbabalik-loob mo sa Kanyang ebanghelyo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay matutulungan kang maunawaan ang mga banal na kasulatan at makasumpong dito ng espirituwal na lakas na kailangan mo at ng inyong pamilya. Pagkatapos, sa iyong mga klase sa Simbahan, magkakaroon ka ng mga pagkakataong magbahagi ng mga kabatiran at hikayatin ang iyong kapwa mga Banal sa kanilang mga pagsisikap na sundin si Cristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Ano ang inyong hinahanap?” tanong ni Jesus sa mga disipulo ni Juan Bautista (Juan 1:38). Maaari mo ring itanong sa sarili mo ang bagay na ito—sapagkat ang matutuklasan mo sa Bagong Tipan sa taong ito ay nakasalalay nang malaki sa hinahanap mo. “Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo” ang pangako ng Tagapagligtas (Mateo 7:7). Kaya itanong ang mga bagay na pumapasok sa iyong isipan habang nag-aaral ka, at pagkatapos ay masigasig na hanapin ang mga sagot. Sa Bagong Tipan mababasa mo ang tungkol sa mga makapangyarihang espirituwal na karanasan ng mga disipulo ni Jesucristo. Bilang isang matapat na disipulo ng Tagapagligtas, maaari kang magkaroon ng sarili mong makakapangyarihang espirituwal na karanasan sa pagtanggap mo sa paanyaya ng Tagapagligtas, na matatagpuan sa buong sagradong aklat na ito na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Para talagang matuto mula sa Tagapagligtas, kailangan kong tanggapin ang Kanyang paanyayang, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Ang paanyaya ng Tagapagligtas na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin,” ay para sa lahat—bago man tayo sa landas ng pagkadisipulo o buong buhay na tayong tumatahak dito. Ito ang Kanyang paanyaya sa isang mayamang binata na nagsisikap na sundin ang mga kautusan (tingnan sa Mateo 19:16–22; Lucas 18:18–23). Ang natutuhan ng binatang ito—at ang kailangang matutuhan nating lahat—ay na ang kahulugan ng pagiging disipulo ay pagbibigay ng ating buong kaluluwa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Umuunlad tayo sa ating pagkadisipulo kapag kinikilala natin ang ating pagkukulang, nagbabago tayo, at naghahangad na mas lubos na sumunod sa Kanila.

Ang pagkatuto mula sa Tagapagligtas ay nagsisimula kapag sinisikap nating maunawaan ang Kanyang itinuro. Halimbawa, paano lumalalim ang iyong pagkaunawa sa pagpapakumbaba habang tinutuklas mo ang mga sumusunod?

Kung gusto mong matutuhan ang iba pa, subukan ang aktibidad na ito sa isa pang alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng pagmamahal o pagpapatawad.

Responsable ako sa sarili kong pagkatuto.

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Hindi natin dapat asahan ang Simbahan bilang isang organisasyon na magtuturo o magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na kailangan nating malaman at gawin para maging matatapat na disipulo at magiting na makapagtiis hanggang wakas. Sa halip, ang ating personal na responsibilidad ay matutuhan kung ano ang dapat nating matutuhan, mamuhay sa paraang alam nating nararapat, at maging uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin. At ang ating mga tahanan ang pinakaangkop na lugar para matuto, mamuhay nang nararapat, at maging uri ng tao na dapat nating kahinatnan” (“Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Liahona, Mayo 2019, 102).

Ano ang ibig sabihin ng maging responsable sa sarili mong pagkatuto? Hanapin ang mga posibleng sagot sa pahayag ni Elder Bendar at sa sumusunod na mga talata: Juan 7:17; 1 Tesalonica 5:21; Santiago 1:5–6, 22; 2:17; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 4:15; Alma 32:27; at Doktrina at mga Tipan 18:18; 58:26–28; 88:118. Ano ang nahihikayat kang gawin para maging mas aktibo sa pag-aaral ng ebanghelyo?

Kailangang malaman ko mismo ang katotohanan.

Marahil ay may kilala kang mga taong tila hindi nawawalan ng pananampalataya kailanman, anuman ang mangyari sa kanilang buhay. Maaaring nagpapaalala sila sa iyo tungkol sa limang matatalinong dalaga sa talinghaga ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 25:1–13). Maaaring hindi mo makita ang masigasig na mga pagsisikap nilang palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa katotohanan.

Paano natin matatamo at mapapangalagaan ang sarili nating patotoo? Isulat ang iyong mga ideya habang pinagninilayan mo ang sumusunod na mga talata: Lucas 11:9–13; Juan 5:39; 7:14–17; Mga Gawa 17:10–12; 1 Corinto 2:9–11; at Alma 5:45–46. (Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Patotoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org.)

dalagang naglalakad sa isang landas

Bawat isa sa atin ay kailangang magtamo ng personal na patotoo.

Ano ang dapat kong gawin kapag may mga tanong ako?

Sa paghahangad mo ng espirituwal na kaalaman, papasok ang mga tanong sa iyong isipan. Ang sumusunod na mga alituntunin ay makakatulong sa iyo na sagutin ang mga tanong sa mga paraan na nagpapatibay ng pananampalataya at patotoo:

  • Maghangad ng pag-unawa mula sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, at inihahayag Niya ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mga banal na kasulatan, at Kanyang mga propeta at apostol.

  • Kumilos nang may pananampalataya. Kung hindi dumarating kaagad ang mga sagot, magtiwala na ihahayag ng Panginoon ang mga sagot sa tamang panahon. Samantala, patuloy na mamuhay ayon sa katotohanang alam mo na.

  • Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Subukang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pagtingin ng Panginoon sa mga ito, hindi ayon sa pagtingin ng mundo. Tingnan ang iyong mga tanong sa konteksto ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 13:1–23.Para matulungan ang inyong pamilya na maghandang matuto mula sa Bagong Tipan sa taong ito, maaari ninyong basahin ang talinghaga ng manghahasik. Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na lumabas at maghanap ng iba’t ibang uri ng lupa na inilarawan sa talinghaga. Paano natin magagawa ang ating puso na katulad ng “mabuting lupa” na inilarawan ni Jesus? (Mateo 13:8).

Galacia 5:22–23; Filipos 4:8.Inanyayahan na kayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “[gawing] santuwaryo ng pananampalataya ang [inyong] tahanan” at “[gawing] sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan.” Sa mga gumagawa ng mga bagay na ito, ipinangako niya: “Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at [inyong] tahanan ay mababawasan. Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113).

Ang simula ng bagong taon ay magandang pagkakataon para magdaos ng family council tungkol sa pagsisikap na gawing “santuwaryo ng pananampalataya” at “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo” ang inyong tahanan. Anong mga ideya kung paano gawin ito ang pumapasok sa ating isipan habang binabasa natin ang Galacia 5:22–23 at Filipos 4:8? Maaari sigurong magtakda ang inyong pamilya ng mga personal na mithiin at mithiin ng pamilya na pag-aralan ang Bagong Tipan sa darating na taon. Ano ang magagawa natin para maipaalala sa ating sarili ang ating mga mithiin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Turuang Lumakad sa Liwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 70.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang doktrina. Ang doktrina ay isang walang-hanggan at di-nagbabagong katotohanan. Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer na ang “tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng mga pag-uugali at asal” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17). Habang pinag-aaralan ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, hanapin ang mga katotohanang makakatulong sa inyo na mamuhay nang higit na katulad ng Tagapagligtas.

Jesucristo

Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Brent Borup