Bagong Tipan 2023
Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 26–Enero 1. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
pamilyang tumitingin sa photo album

Disyembre 26–Enero 1

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan sa outline na ito, itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo. Mapapansin mo na bawat outline sa manwal na ito ay may gawain para sa mga batang musmos at nakatatandang mga bata, ngunit maaari mong iangkop ang anumang gawain para sa inyong klase.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Sa simula ng bawat klase, bigyan ang mga bata ng mga pagkakataon na ibahagi ang kanilang natututuhan tungkol sa ebanghelyo. Halimbawa, sa linggong ito, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng paborito nilang kuwento tungkol kay Jesucristo.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Gusto ni Jesucristo na sumunod ako sa Kanya.

Magbabasa kayo ng mga bata ng maraming kuwento mula sa buhay ni Jesucristo ngayong taon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang dahilan kung bakit pinag-aaralan natin ang mga kuwentong ito ay para mas masunod natin ang perpektong halimbawa ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata ang tungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na, “Sumunod kayo sa akin,” na matatagpuan sa Mateo 4:18–22. Gawin ang isang aktibidad kung saan ang isang bata ay gagawa ng isang kilos at pagkatapos ay sasabihin sa ibang mga bata na, “Sumunod kayo sa akin.” Hikayatin ang ibang mga bata na gayahin ang kilos.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga taong sumusunod sa Tagapagligtas sa iba’t ibang paraan, noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo at sa ating panahon. Makakakita ka ng mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa mga magasin ng Simbahan. Ipatukoy sa mga bata kung paano sumusunod ang mga tao sa Tagapagligtas.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na ginagawa nila para sundin ang Tagapagligtas. Maaaring makapagbigay sa kanila ng ilang ideya ang pagkanta ng “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 67). Magpadrowing sa kanila ng mga larawan ng kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na ito.

Larawan
batang lalaking nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Maaaring magkaroon ang mga bata ng sariling patotoo sa mga katotohanan sa banal na kasulatan.

Ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Ang mga bata ay maaaring magkaroon ng patotoo na ang mga banal na kasulatan ay totoo kahit bago pa sila matutong magbasa. Habang pinag-aaralan ninyo ng mga bata ang mga banal na kasulatan ngayong taon, matutulungan mo na malaman nila mismo na ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa mga paboritong regalong natanggap nila sa kanilang kaarawan o sa ibang mga okasyon. Magdala ng kopya ng mga banal na kasulatan na binalot na parang regalo, pabuksan ito sa isang bata, at magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay regalo sa atin ng Ama sa Langit.

  • Magpakita sa mga bata ng ilang aklat na naglalaman ng mga kathang-isip na kuwento, at tanungin sila tungkol sa kanilang mga paboritong kuwento. Ipakita sa kanila ang mga banal na kasulatan, at magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng salita ng Diyos para sa atin. Ikinukuwento ng mga ito ang tungkol sa mga taong tunay na nabuhay at sa mga bagay na totoong nangyari.

  • Ibahagi ang mga mensaheng nasa 2 Timoteo 3:15 at sa Moroni 10:3–5, at tulungan ang mga bata na ulitin ang ilang kataga. Tulungan silang maunawaan na maaari nilang malaman sa kanilang sarili na ang mga banal na kasulatan ay totoo.

  • Magtago ang isang larawan ng Tagapagligtas, at magbigay ng mga clue sa mga bata para matulungan silang mahanap ito. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano makakatulong ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan para makilala si Jesucristo. Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na maghalinhinan sa pagtatago ng mga larawan at pagbibigay ng mga clue sa iba pang mga bata.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-aaral ng ebanghelyo, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66), at tulungan ang mga bata na gumawa ng mga galaw na tutugma sa mga salita. Ibahagi sa mga bata ang isa o dalawa sa iyong mga paboritong banal na kasulatan, at sabihin sa kanila kung paano mo nalaman na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Kung ang mga bata ay may paboritong banal na kasulatan o kuwento sa mga banal na kasulatan, anyayahan silang magbahagi.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Nais ni Jesucristo na pag-aralan ko ang tungkol sa Kanya at sumunod sa Kanya.

Isipin kung paano mo nakilala si Jesucristo. Ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga bata na pag-aralan ang tungkol sa Kanya at sundin Siya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa isang malapit na kaibigan na kakilala nila at ipaliwanag kung paano nila naging kaibigan ang taong ito. Basahin at talakayin ang Juan 5:39 at Juan 14:15 upang makita ang mga paraan na maaari nating madamang malapit tayo kay Jesus. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na naramdaman nilang malapit sila sa Kanya.

  • Maglakad-lakad kayo ng iyong klase sa paligid ng meetinghouse. Sabihin sa mga bata na itaas ang kanilang kamay kapag nakakita sila ng isang bagay sa kanilang paglalakad na nagpapaalaala sa kanila ng isang paraan na masusunod nila ang Tagapagligtas (tulad ng baptismal font o ng isang larawan).

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagsunod kay Jesucristo, tulad ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67). Hikayatin ang mga bata na ibahagi ang mga pagkakataon na sinunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas.

Kaya kong pag-aralang mag-isa ang mga banal na kasulatan.

Sa pagbabasa mo ng mga banal na kasulatan kasama ang mga bata at sa pagtatanong sa kanila, maaari mong mapalago ang tiwala sa sarili ng mga bata na kaya nilang matuto mula sa mga banal na kasulatan at makahanap ng mahahalagang kayamanan ng kaalaman.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Juan 5:39 at ang Mga Gawa 17:10–11, at itanong sa mga bata kung ano ang natutuhan nila tungkol sa paraan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

  • Pumili ng ilang simple at makapangyarihang talata mula sa Bagong Tipan, isulat ang bawat isa sa isang papel, at itago ang mga papel. Gumawa ng mga clue na gagabay sa mga bata sa isang “treasure hunt” sa loob ng silid o sa gusali ng simbahan kung saan matatagpuan ang mga talatang ito. Kapag nahanap na nila ang bawat talata, talakayin kung ano ang kahulugan ng talata at kung bakit maihahalintulad ito sa isang kayamanan.

  • Magbahagi ng ilang talata sa banal na kasulatan na itinatangi mo at ipaliwanag kung bakit makahulugan ang mga ito sa iyo. Bilang isang klase, gumawa ng listahan ng mga itinatanging talata na matatagpuan ng mga bata sa Bagong Tipan sa taong ito—sa bahay o habang nasa Primary.

  • Magtalakayan kayo ng mga bata kung bakit kung minsan ay mahirap basahin ang mga banal na kasulatan. Hilingin sa mga bata na magbigay ng payo sa isa’t isa tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Hilingin din sa kanila na magbahagi ng anumang positibong karanasan nila sa mga banal na kasulatan.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga simpleng kalendaryo na maaari nilang gamitin upang markahan kung gaano kadalas nilang binabasa ang mga banal na kasulatan. Maaaring ipaalala sa kanila ng mga kalendaryong ito na basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Kailangan ko ng sariling patotoo.

Kakailanganin ng mga batang tinuturuan mo ang sarili nilang patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ano ang magagawa mo upang mahikayat sila na malaman ang katotohanan sa kanilang sarili?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi ang kuwento ng sampung dalaga (tingnan sa Mateo 25:1–13; tingnan din sa “Kabanata 47: Ang Sampung Dalaga,Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 118–20). Itanong sa mga bata ang mga bagay na tulad nito: Sa paanong paraan natutulad ang ating mga patotoo sa mga lampara? Bakit mahalaga na magkaroon ng sarili nating patotoo?

  • Talakayin kung ano ang magagawa natin upang mapalakas ang ating mga patotoo. Para sa mga ideya, anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Juan 7:17 at ang Moroni 10:3–5. Anyayahan silang magbahagi ng mga bagay na nalalaman nilang totoo.

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang sulatan ang mga building block ng mga katotohanang bumubuo sa ating mga patotoo (tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Patotoo,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Ipagamit sa mga bata ang mga building block para makabuo ng isang istruktura na kakatawan sa patotoo.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Paano mo mahihikayat ang mga bata at ang kanilang mga magulang na pag-aralan ang Bagong Tipan sa tahanan? Halimbawa, maaari mong hikayatin ang mga bata na isaulo ang isang talata na tinalakay ninyo sa klase (maaaring makatulong ang paghahati ng mga talata sa maiikling parirala) at ibahagi ang talata sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad ayon sa edad at kakayahan ng mga batang tinuturuan mo. Ang mas maliliit na bata ay kailangan ng detalyadong mga paliwanag at natututo mula sa iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo. Habang tumatanda ang mga bata, mas marami na silang maibabahagi at maaaring mas mahusay nang magbahagi ng kanilang mga naiisip. Bigyan sila ng mga pagkakataong magbahagi, magpatotoo, at makibahagi. Magbigay ng tulong kung kinakailangan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

Print