Bagong Tipan 2023
Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin


“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 9–15. Mateo 2; Lucas 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

naglalakbay ang mga Lalaking Pantas sakay ng mga kamelyo

Let Us Adore Him [Sambahin Natin Siya], ni Dana Mario Wood

Enero 9–15

Mateo 2; Lucas 2

Naparito Kami upang Siya’y Sambahin

Ang mga batang tinuturuan mo ay mga minamahal na anak ng Ama sa Langit. Hilingin sa Kanya na tulungan ka habang hinahangad mong turuan sila mula sa mga banal na kasulatan. Magagabayan ka Niya sa mga alituntuning dapat mong bigyang-diin at mabibigyan ka Niya ng inspirasyon para magkaroon ka ng mga ideya sa mga aktibidad na aantig sa Kanyang mga anak.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pagsilang ni Cristo. Ano ang kanilang paboritong bahagi ng kuwento?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Lucas 2:1–14

Isinilang si Jesus.

Nilisan ni Jesus ang Kanyang tahanan kung saan kapiling Niya ang Ama sa Langit para isilang sa lupa upang maging ating Tagapagligtas. Paano mo matutulungan ang mga bata na maalala ang kuwento ng pagsilang ni Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Habang binabasa ninyo ang kuwento ng pagsilang ni Cristo, anyayahan ang mga bata na isadula ang kuwento o gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para marebyu ang kuwento. (Tingnan din ang “Kabanata 5: Isinilang si Jesucristo,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 13–15.)

  • Kung mayroon ka, magdala ng isang Nativity set o belen at ipalagay sa mga bata ang mga piraso ng belen sa mga tamang lugar nito habang ikinukuwento mo sa kanila ang pagsilang ni Jesucristo. Maaari ka ring magpakita ng larawan ng pagsilang ni Jesucristo (tingnan halimbawa ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ituro ang iba’t ibang tao sa Nativity, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa bawat isa.

  • Sama-samang kantahin ang mga paboritong awitin ng mga bata tungkol sa pagsilang ni Jesus. Habang ginagawa mo ito, maghanap ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Anyayahan ang mga bata na magbahagi kung bakit mahal nila si Jesus.

Mateo 2:1–12

Kaya kong magbigay ng mabubuting handog kay Jesus.

Binigyan ng mga Pantas na Lalaki ng mga regalong ginto, kamangyan, at mira si Jesus. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para maituro sa mga bata na kaya rin nilang magbigay ng mga regalo kay Jesus—mga regalong tulad ng pagmamahal, paglilingkod, at pagsunod?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng mga Pantas na Lalaki habang nirerebyu ninyo ang kanilang kuwentong matatagpuan sa Mateo 2:1–12. Maaari mong ipakita ang larawang Wise Men Present Gifts [Nagbigay ng mga Regalo ang mga Pantas na Lalaki] (SimbahanniJesucristo.org).

  • Ibalot na parang regalo ang mga larawan o bagay na sumisimbolo sa mga regalong maaari nating ibigay kay Jesus. Pabuksan sa mga bata ang mga regalo at talakayin kung paano natin maibibigay ang mga regalong ito sa Tagapagligtas.

  • Tulungan ang bawat bata na gumuhit o sumulat ng listahan ng mga regalong maibibigay nila kay Jesus, tulad ng “pagiging mabuting kaibigan” o “pananalangin.” Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang listahan sa klase at pumili ng “regalo” na ibibigay nila kay Jesus ngayon.

Lucas 2:40–52

Minsa’y naging musmos si Jesus tulad ko.

Ang pag-aaral tungkol sa pagiging bata ng Tagapagligtas ay maaaring makatulong sa mga batang tinuturuan mo na maiugnay ang kanilang sarili sa Kanya. Tanungin ang mga bata kung ano ang maaari nilang matutuhan mula sa mga talatang ito tungkol sa mga paraan na maaari silang maging katulad ni Jesus ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isa sa mga kabataan sa ward na bumisita sa klase at ibahagi ang kuwento tungkol kay Jesus na nagtuturo sa templo noong siya ay bata pa.

  • Ilang araw bago magklase, hilingin sa ilang bata na magdala ng mga larawan nila noong sanggol pa sila na maibabahagi sa klase. Itanong sa kanila kung paano sila lumago. Ibahagi ang ilan sa mga paraan ng paglago ni Jesus (tingnan sa Lucas 2:40, 52). Kantahin ninyo ng mga bata ang “Minsa’y Naging Musmos si Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 34) o isa pang awitin tungkol sa Tagapagligtas.

  • Basahin ang Lucas 2:52 at ipaliwanag ang kahulugan ng “karunungan” at “pangangatawan.” Maaari mong hilingin sa mga batang gumawa ng mga kilos na nagpapakita ng kahulugan ng pag-unlad sa karunungan at ng pagiging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. Halimbawa, maaari silang umarte na nagbabasa ng isang aklat o tumutulong sa isang taong nangangailangan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Lucas 2:1–21; Mateo 2:1–12

Ipinropesiya ng mga sinaunang propeta ang pagsilang ng Tagapagligtas.

Kinasabikan ng mga propeta at mga mananampalataya sa loob ng maraming siglo ang pagsilang ng Tagapagligtas. Ang pag-unawa sa katotohanang ito ay makakatulong sa mga bata na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa buhay at misyon ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng tungkol sa mga bagay na kinasasabikan nila, tulad ng birthday o iba pang pista-opisyal. Ipabasa sa mga bata ang Helaman 14:2–5 upang malaman ang isang bagay na kinasabikan ng mga propeta.

  • Sama-samang basahin ang ilang propesiya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Isaias 7:14; 9:6; 1 Nephi 11:18; Helaman 14:5). Tulungan ang mga bata na ilista ang mga detalyeng nilalaman ng mga propesiyang ito at hanapin ang katuparan ng mga ito sa Lucas 2:1–21 at Mateo 2:1–12.

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang larawan ng isang bagay mula sa Mateo 2:1–12 o Lucas 2:1–21 at ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat na isinilang si Jesus.

sina Maria, Jose, at Simeon kasama ang sanggol na si Jesus

Simeon Reverencing the Christ Child [Nagbigay-galang si Simeon sa Batang Cristo], ni Greg K. Olsen

Lucas 2:40, 52

Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Tulad ni Jesus, ang mga batang tinuturuan mo ay may mahalagang misyong dapat paghandaan. Ano ang maaari nilang matutuhan mula sa halimbawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga bagay na ginawa ni Jesus habang binabasa mo ang Lucas 2:40, 52. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na sila ay lumago mula noong maliliit pa sila. Ibahagi ang iyong sariling karanasan sa pag-aaral ng ebanghelyo nang paunti-unti. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Gumawa ng mga aktibidad na nagpapakita ng mga parirala sa Lucas 2:40, 52. Halimbawa, maaari mong sukatin ang taas ng bawat bata (“lumago [si Jesus] sa … pangangatawan”) o hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang paboritong banal na kasulatan (“lumakas [sa espiritu]”). Tulungan ang mga bata na mapansin ang mga pamamaraan na sila ay lumalaki at ibahagi ito sa kanilang pamilya.

  • Matapos rebyuhin ang Lucas 2:40, 52, anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano sa palagay nila ang pagkatao ni Jesus noong Siya ay kaedad nila. Paano kaya Niya tinrato ang Kanyang ina? Ang Kanyang mga kapatid?

Lucas 2:41–52

Kaya kong tularan ang halimbawa ni Jesus.

Kahit binatilyo pa lamang, itinuro na ni Jesus ang ebanghelyo sa templo. Tulad Niya, ang mga bata sa iyong klase ay maraming maituturo sa mga nasa paligid nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na dumalo sa klase na handang ibuod ang kuwento sa Lucas 2:41–52. Upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang kuwento, ituro ang kahulugan ng “[gawain ng] Ama” (talata 49). Halimbawa, maaari mong sabihin sa mga bata kung ano ang trabaho mo o ng iyong mga magulang. Ano ang naging trabaho o “gawain” ni Jose, ang ama ni Jesus sa lupa? (tingnan sa Mateo 13:55). Ano ang gawain ng Kanyang Ama sa Langit? (tingnan sa Lucas 2:46–49; tingnan din sa Moises 1:39).

  • Sama-sama ninyong basahin ng mga bata ang Lucas 2:46–49, at itanong, “Paano ginagawa ni Jesus ang ‘gawain ng Kanyang Ama’?” Tulungan ang mga bata na ilista o idrowing sa pisara ang mga paraan na maaari din silang makatulong sa gawain ng Ama sa Langit.

  • Upang matulungan ang mga bata na magkaroon ng mas mataas na tiwala sa sarili na maituturo din nila ang ebanghelyo gaya ni Jesus noong Siya ay bata pa, tulungan silang mag-ensayong magturo ng isang tuntunin mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan .

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ituro sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa pagsilang ni Cristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang mga bata ay mausisa at natututo sa maraming paraan. Nagiging masaya ang pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan ng mga bago at iba’t ibang karanasan. Gamitin ang mga aktibidad na tumutulong sa kanilang kumilos, gamitin ang lahat ng kanilang mga pandama, magsiyasat, at sumubok ng mga bagong bagay. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)