“Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2023 (2022)
“Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo
Ang pagkanta ng mga awitin sa Primary at mga himno ay magpapala sa iyo at sa inyong pamilya sa maraming paraan. Ang mga ideyang ito ay makakatulong sa iyo na gamitin ang sagradong musika sa pagsisikap mong matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo.
-
Matuto ng mga alituntunin ng doktrina. Hanapin ang mga katotohanang itinuturo sa mga awiting kinakanta o pinakikinggan mo. Maaaring humantong ito sa mga talakayan sa ebanghelyo tungkol sa mga katotohanang ito sa buong maghapon. Kantahin o pakinggan ang mga awitin sa Primary o mga himno na nagtuturo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Bigyang-pansin ang mga paraan na nagpapatotoo ang Espiritu Santo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.
-
Kilalanin ang kapangyarihan ng musika. Ang pagkanta o pakikinig sa mga awitin sa Primary at mga himno ay maaaring maging pagpapala sa mga oras ng pangangailangan. Halimbawa, ang pagkanta ng isang awitin ay maaaring magpanatag sa isang bata sa oras ng pagtulog, magpagalak habang nagtutulungan ang inyong pamilya, magpasigla sa isang kapitbahay na maysakit, o mag-alo sa isang taong nababalisa.
-
Magbahagi ng mga karanasan. Magbahagi ng mga personal na karanasan at karanasan ng pamilya na nauugnay sa mga mensahe ng mga awitin. Maaari din kayong magbahagi ng kaugnay na mga kuwento sa banal na kasulatan.
-
Isali ang iyong pamilya. Mas maraming matututuhan ang inyong pamilya mula sa mga awitin kung aktibo silang nakikilahok. Para maisali ang mga miyembro ng pamilya, maaari mong anyayahan ang isang nakatatandang kapatid na tumulong na ituro ang isang awitin sa nakababatang mga kapatid o anyayahan ang mga bata na ituro sa pamilya ang isang awiting natutuhan nila sa Primary. Maaari mo ring hayaang maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pamumuno sa pagkanta.
-
Maging malikhain. Gumamit ng iba’t ibang paraan para matuto ng sagradong musika bilang pamilya. Halimbawa, maaari kayong gumamit ng mga galaw na tugma sa mga salita at parirala sa isang awitin. O maaari kayong maghalinhinan sa paggalaw ayon sa mga bahagi ng isang awitin habang sinisikap ng ibang mga miyembro ng pamilya na hulaan ang awitin. Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagkanta ng mga awitin sa iba’t ibang bilis o lakas. Ang Gospel Library app at ang Gospel for Kids app ay may mga audio recording at video na makakatulong sa inyo na matutuhan ang mga awitin. Maaari din kayong gumawa ng mga playlist ng sagradong musika na pakikinggan.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga bahaging “Paggamit ng Musika sa Pagtuturo ng Doktrina” at “Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Matandaan ang mga Awitin sa Primary at mga Himno,” na matatagpuan sa “Mga Tagubilin sa Oras ng Pagkanta at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.