Bagong Tipan 2023
Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

mag-inang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya

Ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay mabisang paraan para maipadama sa inyong pamilya ang impluwensya ng Espiritu Santo at matutuhan ang ebanghelyo. Mas mahalaga ang inyong tuluy-tuloy na pagsisikap kaysa sa kung gaano karami at gaano katagal kayo magbasa bilang pamilya. Kapag ginawa ninyong mahalagang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, matutulungan mo ang mga miyembro ng inyong pamilya na maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at isalig ang kanilang patotoo sa salita ng Diyos. Isiping sama-samang pag-usapan ang sumusunod na mga tanong:

  • Paano mahihikayat ng mga miyembro ng inyong pamilya ang isa’t isa na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa?

  • Ano ang magagawa ng mga miyembro ng inyong pamilya para hikayatin ang bawat tao na ibahagi ang kanilang natututuhan?

  • Paano mo mabibigyang-diin ang mga alituntuning natututuhan mo sa Bagong Tipan sa araw-araw na mga sandali ng pagtuturo?

Alalahanin na ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Maaari mong matutuhan at ituro ang ebanghelyo sa tahanan sa mga paraang hindi posible sa isang klase sa Simbahan. Maging malikhain sa pag-iisip ng mga paraan para matulungan ang inyong pamilya na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Isiping gamitin ang ilan sa sumusunod na mga ideya para mapahusay ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng inyong pamilya.

pamilya at mga lider ng Simbahan na sama-samang kumakanta sa isang tahanan

Gumamit ng Musika

Kumanta ng mga awiting nagpapatibay sa mga alituntuning itinuturo sa mga banal na kasulatan. Isang iminumungkahing himno o awiting pambata ang nakalista sa bawat lingguhang outline. Maaari kang magtanong sa mga kapamilya tungkol sa mga salita o parirala sa mga lyrics ng kanta. Bukod sa pagkanta, maaaring gumawa ng mga galaw ang inyong pamilya na nababagay sa mga awitin o makinig sa mga awitin bilang background music habang gumagawa sila ng iba pang mga aktibidad. Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang “Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo” sa resource na ito.

Magbahagi ng Makabuluhang mga Talata sa Banal na Kasulatan

Bigyan ng oras ang kapamilya na ibahagi ang mga talatang naging makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral.

Gamitin ang Sarili Ninyong mga Salita

Anyayahan ang kapamilya na ibuod sa sarili nilang mga salita ang natututuhan nila mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.

Iangkop ang mga Banal na Kasulatan sa Inyong Buhay

Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga kapamilya na magbahagi ng mga paraan na umaangkop ang talata sa buhay nila.

Magtanong

Anyayahan ang mga kapamilya na magtanong tungkol sa ebanghelyo, at pagkatapos ay mag-ukol ng oras na maghanap ng mga talatang makakatulong na masagot ang tanong.

Magdispley ng Isang Talata sa Banal na Kasulatan

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa iyo, at idispley ito kung saan madalas itong makikita ng mga kapamilya. Anyayahan ang iba pang mga kapamilya na maghalinhinan sa pagpili ng talatang ididispley.

mag-inang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Gumawa ng Isang Listahan ng mga Talata ng Banal na Kasulatan

Bilang pamilya, pumili ng ilang talatang gusto ninyong talakayin sa darating na linggo.

Magsaulo ng mga Talata

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit dito araw-araw o paglalaro ng memorization game.

Magbahagi ng mga Object lesson

Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nasa mga talatang binabasa ninyo bilang pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.

Pumili ng Isang Paksa

Sabihin sa mga kapamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang paksa na sama-samang pag-aaralan ng pamilya. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) para makahanap ng mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa paksa.

Gumuhit ng Isang Larawan

Basahin ang ilang talata bilang pamilya, at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga kapamilya na gumuhit ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga iginuhit ng isa’t isa.

Magsadula ng Isang Kuwento

Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang mga kapamilya na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo bilang indibiduwal at bilang pamilya.

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kalaban sa inyong buhay at tahanan ay mababawasan. Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113).