“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya
Para Kanino ang Resource na Ito?
Ang resource na ito ay para sa bawat indibiduwal at pamilya sa Simbahan. Layon nitong tulungan ka na matutuhan ang ebanghelyo—mag-isa ka man o kasama ang iyong pamilya. Kung hindi mo pa regular na napag-aralan ang ebanghelyo noon, matutulungan ka ng resource na ito na magsimula. Kung nakasanayan mo nang mag-aral ng ebanghelyo, matutulungan ka ng resource na ito na magkaroon ng mas makabuluhang mga karanasan.
Paano Ko Dapat Gamitin ang Resource na Ito?
Gamitin ang resource na ito sa anumang paraan na makakatulong sa iyo. Maaari itong makatulong sa iyo bilang gabay o tulong sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan. Magagamit mo rin ito para sa home evening. Ang mga outline ay nagtatampok ng mahahalagang alituntuning matatagpuan sa Bagong Tipan, nagmumungkahi ng mga ideya at aktibidad sa pag-aaral para sa mga indibiduwal at pamilya, at naglalaan ng mga lugar para maitala o maisulat ang iyong mga impresyon.
Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay hindi nilayon para palitan o makipagpaligsahan sa iba pang mabubuting bagay na ginagawa mo para matutuhan ang ebanghelyo. Sundin ang patnubay ng Espiritu upang malaman kung paano mo gagawin ang sarili mong pag-aaral ng salita ng Diyos.
Paano Nauugnay ang Resource na Ito sa Nangyayari sa Simbahan?
Ang mga outline sa resource na ito ay inorganisa ayon sa lingguhang iskedyul ng pagbabasa. Ang resources na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Primary, para sa Sunday School, at para sa mga korum ng Aaronic Priesthood at mga klase ng Young Women ay iisang iskedyul ang sinusunod. Para masuportahan ang mga pagsisikap mong matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo sa tahanan, bibigyan ka ng iyong mga guro sa simbahan ng mga pagkakataong ibahagi ang iyong mga karanasan, ideya, at tanong tungkol sa mga talata sa banal na kasulatan na pinag-aaralan mo na sa tahanan.
Dahil dalawang beses lang sa isang buwan itinuturo ang Sunday School, maaaring piliin ng mga guro sa Sunday School na laktawan o pagsamahin ang mga outline para makasabay sa lingguhang iskedyul. Maaaring kailangan din itong gawin (para sa kapwa Sunday School at Primary) sa mga linggo kung kailan hindi nagdaraos ng regular na mga miting ng Simbahan dahil sa stake conference o iba pang mga dahilan. Sa mga linggong ito, inaanyayahan ka na patuloy na pag-aralan ang Bagong Tipan sa tahanan.
Kailangan Ko Bang Sundin ang Iskedyul?
Ang iskedyul ay makakatulong sa iyo na mabasa ang Bagong Tipan bago matapos ang taon. Bukod pa rito, ang pagsunod sa iisang iskedyul na kasabay ng iba pa ay maaaring humantong sa makabuluhang mga karanasan sa tahanan, sa simbahan, at saanman. Ngunit hindi ka obligadong sundin ang iskedyul o pinipilit na basahin ang bawat talata; ang iskedyul ay isang gabay lamang para tulungan kang orasan ang sarili mo. Ang mahalaga ay natututuhan mo ang ebanghelyo nang mag-isa at bilang pamilya.