Bagong Tipan 2023
Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Narito ang ilang simpleng paraan para mapagbuti ang iyong pag-aaral ng salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan.

Maghanap ng mga Katotohanan tungkol kay Jesucristo

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na lahat ng bagay ay nagpapatotoo kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Moises 6:63), kaya isiping isulat o markahan ang mga talatang nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano susunod sa Kanya.

Maghanap ng Nagbibigay-Inspirasyong mga Salita at Parirala

Maaaring makintal sa iyong isipan ang partikular na mga salita at parirala sa mga banal na kasulatan, na para bang partikular na isinulat ang mga ito para sa iyo. Maaaring madama mo na angkop ito sa iyo mismo at magbigay-inspirasyon at makaganyak sa iyo. Isiping markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o isulat ang mga ito sa isang study journal.

Maghanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Kung minsa’y diretsahan ang pagkasabi sa mga katotohanan ng ebanghelyo (na madalas tawaging doktrina o mga alituntunin), at kung minsa’y nakapahiwatig ang mga ito sa pamamagitan ng halimbawa o kuwento. Itanong sa iyong sarili, “Anong mga walang-hanggang katotohanan ang itinuturo sa mga talatang ito?”

Makinig sa Espiritu

Bigyang-pansin ang iyong mga iniisip at nadarama, kahit walang kaugnayan ang mga iyon sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon mismo ang mga bagay na nais ng iyong Ama sa Langit na matutuhan mo.

Ihalintulad ang mga Banal na Kasulatan sa Buhay Mo

Isipin kung paanong angkop sa buhay mo ang mga kuwento at turong binabasa mo. Halimbawa, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang mga naranasan ko na kahalintulad ng binabasa ko?” o “Paano ko masusunod ang halimbawa ng taong ito sa mga banal na kasulatan?”

Magtanong Habang Nag-aaral Ka

Habang nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan, may mga tanong na maaaring pumasok sa isipan mo. Ang mga tanong na ito ay maaaring nauugnay sa binabasa mo o sa buhay mo sa pangkalahatan. Pagnilayan ang mga tanong na ito at hanapin ang mga sagot habang patuloy mong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan.

binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Gamitin ang Mga Tulong sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Para magkaroon ng mga karagdagang kabatiran sa mga talatang binabasa mo, gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org), at iba pang mga tulong sa pag-aaral.

Isipin ang Konteksto ng mga Talata sa Banal na Kasulatan

Maaari kang makakita ng mga makabuluhang kabatiran tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan kung iisipin mo ang konteksto nito—ang mga sitwasyon o tagpo sa talata. Halimbawa, ang malaman ang kasaysayan at mga paniniwala ng mga tao na kinausap ng isang propeta ay makakatulong para maunawaan mo ang layon ng kanyang mga salita.

Itala ang mga Iniisip at Nadarama Mo

Maraming paraan para maitala ang mga impresyong dumarating habang nag-aaral ka. Halimbawa, maaari mong markahan ang isang makabuluhang salita o parirala at isulat ang mga iniisip mo bilang tala sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat sa journal ang mga kabatiran, damdamin, at impresyong natatanggap mo.

Pag-aralan ang mga Salita ng mga Propeta at Apostol sa mga Huling Araw

Basahin ang itinuro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga alituntuning nakikita mo sa mga banal na kasulatan (halimbawa, tingnan ang conference.ChurchofJesusChrist.org at mga magasin ng Simbahan).

Magbahagi ng mga Ideya

Ang pagtalakay sa mga ideya mula sa iyong personal na pag-aaral ay hindi lang mabuting paraan para turuan ang iba, kundi tumutulong din itong palalalimin ang pagkaunawa mo sa iyong nabasa.

Ipamuhay ang Natututuhan Mo

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay hindi lamang dapat magbigay-inspirasyon sa atin kundi dapat akayin din tayong baguhin ang ating pamumuhay. Pakinggan ang ipinahihiwatig ng Espiritu na gawin mo habang nagbabasa ka, at pagkatapos ay mangakong kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyon.

Sabi ni Elder David A. Bednar: “Hindi natin dapat asahan ang Simbahan bilang isang organisasyon na magtuturo o magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na kailangan nating malaman at gawin para maging matatapat na disipulo at magiting na makapagtiis hanggang sa wakas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:29]. Sa halip, ang ating personal na responsibilidad ay matutuhan kung ano ang dapat nating matutuhan, mamuhay sa paraang alam nating nararapat, at maging uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin. At ang ating mga tahanan ang pinakaangkop na lugar para matuto, mamuhay nang nararapat, at maging ang uri ng tao na dapat nating kahinatnan” (“Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Liahona, Mayo 2019, 102).