“Enero 2–8. Mateo 1; Lucas 1: ‘Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Enero 2–8. Mateo 1; Lucas 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Enero 2–8
Mateo 1; Lucas 1
“Mangyari sa Akin ang Ayon sa Iyong Salita”
Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Mateo 1 at Lucas 1, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Anong mga katotohanan ukol sa doktrina ang nakikita mo? Anong mga mensahe ang magiging pinakamahalaga sa iyo at sa pamilya mo? Maaari kang matulungan ng mga ideya sa pag-aaral sa outline na ito na makatuklas ng karagdagang mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mula sa pananaw ng isang mortal, imposible ito. Ang isang dalaga ay hindi maaaring maglihi—ni ang isang matandang babaeng hindi na maaaring magkaanak. Pero may plano ang Diyos para sa pagsilang ng Kanyang Anak at ni Juan Bautista, kaya kapwa sina Maria at Elisabet, sa kabila ng anumang balakid sa mundo, ay parehong nagkaanak. Makakatulong na alalahanin ang kanilang mahimalang mga karanasan tuwing mahaharap tayo sa isang bagay na tila imposible. Madaraig ba natin ang ating mga kahinaan? Maaantig ba natin ang puso ng isang miyembro ng pamilya na hindi interesado sa ebanghelyo? Si Gabriel ay malamang na nagsasalita din sa atin nang ipaalala niya kay Maria na, “Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37). At ang sagot ni Maria ay maaaring siya ring sagot natin kapag inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban: “Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Sino sina Mateo at Lucas?
Si Mateo ay isang Judiong publikano, o maniningil ng buwis, na tinawag ni Jesus bilang isa sa Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mateo 10:3; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maniningil ng Buwis”). Isinulat ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo na higit sa lahat ay para sa kapwa mga Judio; kaya pinili niyang bigyang-diin ang mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas na natupad sa pamamagitan ng buhay at ministeryo ni Jesus.
Si Lucas ay isang Gentil (hindi Judio) na manggagamot na naglakbay kasama ni Apostol Pablo. Isinulat niya ang kanyang Ebanghelyo pagkamatay ng Tagapagligtas una sa lahat para sa mga mambabasang hindi Judio. Nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo bilang Tagapagligtas kapwa ng mga Gentil at ng mga Judio. Itinala niya ang mga salaysay ng mga nakasaksi sa mga pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas, at nagsama ng iba pang mga kuwento tungkol sa kababaihan kumpara sa ibang mga Ebanghelyo.
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, Mga,” “Mateo,” “Lucas.”
Si Jesucristo ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama.
Sa Mateo 1:18–25 at Lucas 1:26–35, pansinin kung paano inilarawan nina Mateo at Lucas ang himala ng pagsilang ni Jesus. Paano pinalalakas ng kanilang mga paglalarawan ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas? Bakit mahalaga na malaman ninyo na si Jesus ay kapwa anak ng Diyos at anak ni Maria?
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay “[nangailangan] ng personal na sakripisyo ng isang imortal na nilalang na hindi saklaw ng kamatayan. Gayunman kailangan Siyang mamatay at kuning muli ang Kanyang sariling katawan. Ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa nito. Mula sa Kanyang mortal na ina ay namana Niya ang katangiang mamatay. Mula sa Kanyang Ama ay natamo niya ang kapangyarihang daigin ang kamatayan” (“Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34).
Dumarating ang mga pagpapala ng Diyos sa Kanyang sariling panahon.
Kung natagpuan mo ang sarili mo na naghihintay sa isang pagpapala, o kung tila hindi naririnig ng Diyos ang iyong mga panalangin, ang kuwento nina Elisabet at Zacarias ay maaaring maging paalaala na hindi ka Niya nalilimutan. Tulad ng ipinangako ni Elder Jeffrey R. Holland: “Habang sama-sama tayong nagsisikap at naghihintay para sa mga sagot sa ilan sa ating mga panalangin, ibinibigay ko sa inyo ang aking pangako bilang apostol na ang mga ito ay dinirinig at sinasagot, bagaman maaaring hindi sa panahon o paraang nais natin. Ngunit ang mga ito ay palaging sinasagot sa panahon at paraang dapat sagutin ang mga ito ng isang magulang na nakaaalam ng lahat at mahabagin magpakailanman” (“Paghihintay sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 115–16). Paano nanatiling tapat sina Zacarias at Elisabet? (tingnan sa Lucas 1:5–25, 57–80). Natatagpuan mo ba ang sarili mo na naghihintay sa isang pagpapala? Ano sa palagay mo ang inaasahan ng Panginoon sa iyo habang naghihintay ka?
Ang matatapat ay kusang sumusunod sa kalooban ng Diyos.
Tulad ni Maria, kung minsa’y nakikita natin na ang plano ng Diyos para sa ating buhay ay medyo naiiba sa plano natin. Ano ang natututuhan mo mula kay Maria tungkol sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos? Sa sumusunod na mga table, isulat ang mga pahayag mula sa anghel at kay Maria (tingnan sa Lucas 1:26–38), pati na ang mga mensaheng makikita mo sa kanilang mga pahayag:
Mga sinabi ng anghel kay Maria |
Mensahe para sa akin |
---|---|
Mga sinabi ng anghel kay Maria “Ang Panginoon ay sumasaiyo” (talata 28). | Mensahe para sa akin Batid ng Panginoon ang aking sitwasyon at mga pakikibaka. |
Mga sinabi ng anghel kay Maria
| Mensahe para sa akin
|
Mga sinabi ng anghel kay Maria
| Mensahe para sa akin
|
Mga reaksyon ni Maria |
Mensahe para sa akin |
---|---|
Mga reaksyon ni Maria “Paanong mangyayari ito?” (talata 34). | Mensahe para sa akin OK lang magtanong para mas maunawaan ang kalooban ng Diyos. |
Mga reaksyon ni Maria
| Mensahe para sa akin
|
Mga reaksyon ni Maria
| Mensahe para sa akin
|
Habang nagbabasa ka tungkol sa mabuting halimbawa ni Jose sa Mateo 1:18–25, ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos? Anong karagdagang mga kabatiran ang natututuhan mo mula sa mga karanasan nina Zacarias at Elisabet? (tingnan sa Lucas 1).
Tingnan din sa Lucas 22:42; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gabriel.”
Pinatotohanan ni Maria ang misyon ni Jesucristo.
Ipinropesiya sa mga salita ni Maria sa Lucas 1:46–55 ang mga aspeto ng misyon ng Tagapagligtas. Ano ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga pahayag ni Maria? Maaari mong ikumpara ang mga talatang ito sa mga salita ni Ana sa 1 Samuel 2:1–10 at sa mga Pagpapalang ipinahayag ni Jesus sa Mateo 5:3–12. Ano ang itinuturo sa iyo ng Espiritu habang pinagninilayan mo ang mga talatang ito?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mateo 1:1–17.Habang binabasa ng inyong pamilya ang genealogy ni Jesus, maaari ninyong talakayin ang kasaysayan ng sarili ninyong pamilya at isalaysay ang ilang kuwento tungkol sa inyong mga ninuno. Paano pinagpapala ng pagkaalam tungkol sa inyong family history ang inyong pamilya? Para sa iba pang mga aktibidad sa kasaysayan ng pamilya, tingnan sa FamilySearch.org/discovery.
-
Mateo 1:20; Lucas 1:11–13, 30.Bakit takot na takot ang mga tao sa mga talatang ito? Ano ang mga dahilan ng ating pagkatakot? Paano tayo inaanyayahan ng Diyos na “huwag matakot”?
-
Lucas 1:37.Para matulungan ang inyong pamilya na magkaroon ng pananampalataya na “sa Diyos ay walang [imposible],” maaari ninyong sama-samang saliksikin ang Lucas 1 at hanapin ang mga bagay na ginawa ng Diyos na maaaring ituring na imposible. Anong iba pang mga kuwento ang maibabahagi natin—mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili nating buhay—kung saan gumawa ang Diyos ng mga bagay na tila imposible? Ang pagsasaliksik sa mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay maaaring magbigay ng mga ideya.
-
Lucas 1:46–55.Ano ang ilan sa “mga dakilang bagay” na nagawa ng Tagapagligtas para sa atin? Ano ang maaaring ibig sabihin ng “[dakilain ng ating kaluluwa] ang Panginoon”?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21.