2
May Plano ang Ama sa Langit para sa Akin
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Nabuhay tayo sa piling ng Ama sa Langit bilang mga espiritu bago tayo isinilang. Naghanda ng isang plano ang Ama sa Langit na nagtutulot sa ating pumarito sa lupa at magkaroon ng pisikal na katawan para maging katulad Niya at makabalik sa Kanyang kinaroroonan. Naging posible ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng ating pagsunod. Si Jesucristo ang hinirang na maging Tagapagligtas natin. (Tingnan sa Abraham 3:24–27; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.)
Paghahanda
Markahan ang pahina 98 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Kantahin ang Isang Kuwento
Gamitin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3) para ituro sa mga bata ang ilang mahahalagang detalye tungkol sa plano ng kaligtasan. Ang sumusunod na outline ay isang mungkahi:
Sabihin sa mga bata na nabuhay tayong lahat sa piling ng Ama sa Langit bago tayo isinilang.
Kantahin o bigkasin (pasabayin sa inyo ang mga bata):
Ako ay anak ng Diyos,
Dito’y isinilang.
Sabihin sa mga bata na may plano ang Ama sa Langit para sa atin. Sinabi Niya sa atin na maninirahan tayo sa mundo. Tuwang-tuwa tayo kaya humiyaw tayo sa galak. Pasigawin ang mga bata ng, “Yehey!”
Ipakita ang larawan ng isang pamilya sa pahina 14. Sabihin sa mga bata na pumarito tayo sa lupa upang manirahan sa piling ng isang pamilyang nagmamahal sa atin. Pahalukipkipin ang mga bata at payakapin sa sarili.
Kantahin o bigkasin:
Handog sa ‘kin ay tahana’t
Mabuting magulang.
Sabihin sa mga bata na habang narito tayo sa lupa, nais ng Ama sa Langit na maging maligaya tayo at sumunod sa Kanyang mga utos.
Kantahin o bigkasin:
Akayin at patnubayan,
Sa tamang daan.
Ipakita ang larawan ni Jesucristo sa pahina 98. Sabihin sa mga bata na pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo para tulungan tayong makabalik sa Kanya. Ipaliwanag na dahil kay Jesus, makakapiling natin ang Ama sa Langit at ating mga pamilya magpakailanman kung susundin natin ang mga kautusan.
Kantahin o bigkasin:
‘Turuan ng gagawin
Nang S’ya’y makapiling.
Kantahin ang buong awit, na ipinapakita ang mga larawan habang kumakanta kayo ng:
Ako ay Anak ng Diyos,
Dito’y isinilang,
Handog sa ‘kin ay tahana’t (ipakita ang larawan ng pamilya sa pahina 14)
Mabuting magulang.
Akayin at patnubayan,
Sa tamang daan.
‘Turuan ng gagawin (ipakita ang larawan ni Jesus sa pahina 98)
Nang S’ya’y makapiling.
Katapusan
Ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa atin.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa bag game: Kopyahin at gupitin ang mga larawang guhit sa pahina 15. Magdala ng pantakip sa mga larawang guhit, tulad ng maliit na bag o tela.
-
Para sa aktibidad sa pagkukulay: Kopyahin ang pahina 15 para sa bawat bata. Gupitin ang mga larawang guhit at wordstrip. Magdala ng pisi o sinulid at teyp para makagawa ng mga mobile para sa mga bata.
Bag Game
Ilagay ang mga larawang guhit sa bag. Papiliin ng isang larawan ang isang bata mula sa bag. Basahin o kantahin ang caption at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit o pagkanta ng mga salita. Ulitin hanggang matapos ang bawat batang gustong sumali.
Pagkukulay
Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng mga larawang guhit sa pahina 15 at ipauwi ito sa kanila para ipakita sa kanilang mga magulang ang natutuhan nila sa nursery. Kung may oras pa kayo, gamitin ang pisi o sinulid at teyp upang gumawa ng mga mobile para sa mga bata tulad ng nasa diagram sa kanan.