Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 18: Mamahalin Ko ang Iba


18

Mamahalin Ko ang Iba

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Ang pagmamahal sa iba, kahit sa mga taong naiiba sa atin, ay isa sa pinakamahahalagang paraan na masusunod natin ang Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa Juan 13:34–35). Nagpapakita tayo ng pagmamahal sa iba kapag mabait, nakikinig, nag-aaliw, at naglilingkod tayo sa kanila. (Tingnan sa Mateo 25:34–40; Mosias 18:8–9.)

Paghahanda

  • Basahin ang Lucas 10:25–37, at paghandaang isalaysay nang napakasimple ang kuwento ng mabuting Samaritano.

  • Magdala ng isang kopya ng Biblia.

  • Markahan ang pahina 74 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Mga Larawan

Ipakita ang mga larawan sa pahina 74. Ipaliwanag na ang mga bata sa mga larawang ito ay mabait na nakikipaglaro sa isa’t isa. Kapag mabait tayo sa iba, ipinapakita nating mahal natin sila.

girls playing
boys playing

Awit

Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Mahalin bawat tao; (iunat ang mga bisig)

Sabi ni Cristo.

At sila’y magmamahal, (ilagay ang kamay sa dibdib)

Nang lubos sa ‘yo. (yakapin ang sarili)

Kuwento sa Banal na Kasulatan

Idispley ang larawan ng mabuting Smaritano sa pahina 78. Buklatin ang Biblia at sabihin sa mga bata na isasalaysay ninyo ang kuwento ni Jesus tungkol sa pagmamahal sa iba. Gamit ang simpleng mga salita, ikuwento ang mabuting Samaritano. Nasa ibaba ang halimbawa:

Isang araw may isang lalaking nakahiga sa daan (ituro ang nakabulagtang lalaki sa larawan). Siya ay sugatan. Dalawang lalaki ang nagdaan. Nakita nila ito, pero hindi sila tumulong. Dumating ang ikatlong lalaki (ituro ang mabuting Samaritano sa larawan). Nakita niya ang nakahigang lalaki, at tinulungan ito. Nagpakita siya ng pagmamahal.

good Samaritan

Dula-dulaan

Sabihin sa mga bata na sinabi ni Jesus na magpakita rin tayo ng pagmamahal. Pagkunwariin silang naglalakad, at bigyan sila ng mga pagkakataong magkunwaring nagpapakita ng pagmamahal sa iba. Halimbawa:

Maglakad tayo (lumakad sa kinatatayuan). Tingnan ninyo, may isang kaibigang natumba. Tulungan natin siyang makatayo (magkunwaring tinutulungang makatayo ang kaibigan). Magpatuloy tayo sa paglakad. May nakita tayong kaibigang nauuhaw. Painumin natin ang ating kaibigan (magkunwaring nagpapainom ng tubig). Magpatuloy tayo sa paglakad. Nakita natin sina mommy at daddy. Yakapin natin sila at sabihing, “Mahal ko kayo” (yakapin ang sarili at sabihing, “Mahal ko kayo”).

Katapusan

Sabihin nang taimtim sa mga bata na mahal ninyo sila. Sabihin sa kanila kung gaano kayo kasaya kapag minamahal ninyo ang iba.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa aktibidad sa banal na kasulatan: Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Juan 15:12 para madali ninyo itong mabuklat.

  • Para sa aktbidad sa pagkukulay at aktibidad sa pusong papel: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 79 para makulayan ng bawat bata.

    coloring page, children in heart

    Mamahalin Ko ang Iba

Banal na Kasulatan

Sabihin sa mga bata na nalalaman natin sa mga banal na kasulatan na itinuro sa atin ni Jesus na magmahalan tayo. Basahin ang Juan 15:12 at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Ito ang aking utos,

Na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, (ilagay ang dalawang kamay sa dibdib) na gaya ng pagibig ko sa inyo. (iunat ang mga bisig)

Pagkukulay

Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng larawang guhit sa pahina 79. Habang nagkukulay sila, ipaunawa sa kanila na tayong lahat ay mga anak ng Diyos at espesyal ang bawat isa sa atin. Ipaalala sa kanila na gusto ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahalin natin ang lahat ng tao.

Aktibidad sa Pusong Papel

Basahin ang sumusunod na mga halimbawa (o gumawa ng sarili ninyo), at itanong, “Nagpapakita ba ito ng pagmamahal?” Pagkatapos ng bawat halimbawa, ipataas sa mga bata ang kanilang mga pusong papel at sabihing, “Pagmamahal.”

Kapag tumutulong kayong maglinis.

Kapag nagsasabi kayo ng “paki” at “salamat.”

Kapag nagpapahiram kayo ng laruan.

Kapag tinutulungan ninyo ang isang taong nasaktan.

Purihin ang mga bata sa paglahok. Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.