Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 11: Mahal Ko ang Aking Pamilya


11

Mahal Ko ang Aking Pamilya

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Ang pamilya ang sentro ng plano ng kaligtasan. Itinatag ng Ama sa Langit ang mga pamilya upang magdulot sa atin ng kaligayahan at ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan. Sa isang pamilya ay matututuhan natin ang mga tamang alituntunin sa isang kapaligirang may pagmamahalan. Mahalaga sa magpapamilya ang magmahalan at pangalagaan ang isa’t isa. Nagpapakita tayo ng pagmamahal sa pagiging matulungin at magalang (tingnan sa Efeso 6:1–3). Tinuturuan tayo ng mga banal na kasulatan na “magmagandang-loob [tayo] sa isa’t isa [at maging] mahabagin” (Efeso 4:32; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102).

Paghahanda

Bakatin o gumawa ng kopya ng mga hugis ng miyembro ng pamilya sa pahina 51. Kulayan ang mga ito, kung gusto ninyo. Gupitin ang mga ito at ilagay sa isang sisidlan.

coloring page, Mahal Ko ang Aking Pamilya.

Mahal Ko ang Aking Pamilya

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Larawan

Ipakita ang larawan ng isang maligayang pamilya sa pahina 50. Sabihin sa mga bata na binigyan ng Ama sa Langit ng pamilya ang bawat isa sa atin. Ipaliwanag na mahal tayo ng ating pamilya at maipapakita natin ang ating pagmamahal sa pamilya sa pagiging mabait at matulungin.

parents with small boy

Dula-dulaan

Hawakan ang sisidlan at papiliin ng isang hugis ng miyembro ng pamilya ang isang bata. Sabihin sa mga bata kung sino ang miyembrong ito ng pamilya (ina, ama, kapatid na lalaki, kapatid na babae, o sanggol), at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit nito. Magmungkahi ng isang paraan kung paano nila maipapakita ang pagmamahal sa kapamilyang iyon (sa pagdampot ng mga laruan, pagbabahagi, pagngiti, at iba pa). Pagkunwariin silang ginagawa ang aksyon. Ulitin ang aktibidad na ito sa bawat hugis ng miyembro ng pamilya.

Awit

Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Isang Masayang Pamilya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 104) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Mahal ko ang nanay ko. (ipatong ang kamay sa dibdib)

Mahal ko ang tatay ko; (tumango-tango)

Ako’y mahal din nila, (iunat ang mga kamay)

Mag-anak nami’y kaysaya. (yakapin ang sarili)

Mahal ko ang ate ko, (ipatong ang kamay sa dibdib)

Mahal ko ang kuya ko; (tumango-tango)

Ako’y mahal din nila, (iunat ang mga kamay)

Mag-anak nami’y kaysaya. (yakapin ang sarili)

Katapusan

Hikayatin ang mga bata na maging mapagmahal at mabait sa kanilang mga kapamilya. Ipasambit sa kanila ang “Mahal ko ang aking pamilya.”

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa kuwento: Markahan ang pahina 18 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.

  • Para sa poster: Hingan ang mga magulang ng bawat bata sa nursery ng maliit na retrato na kasama ng bata ang kanyang pamilya (maaaring naibigay na nila ang retratong ito nang unang sumali sa klase ng nursery ang bata; tingnan sa pahina 7). Ilagay ang mga retrato sa isang poster board. Isulat sa itaas ang “Mahal Ko ang Aking Pamilya.”

Kuwento

Ipakita sa mga bata ang larawan ni Jesus at ng Kanyang ina (pahina 18). Ituro si Jesus at sabihin sa mga bata na ito ay larawan ni Jesus noong Siya ay bata pa. Ituro si Maria at sabihin na ito ang ina ni Jesus. Ipaliwanag na si Jesus ay may mapagmahal na pamilyang nagalaga nang mabuti sa Kanya noong bata pa Siya, at mahal na mahal Niya ang Kanyang pamilya. Magmungkahi ng mga paraan na maipapakita ng mga bata ang pagmamahal sa kanilang ina (sa pagngiti, pagtulong sa paglilinis, pagyakap, at iba pa). Pagkunwariin silang ginagawa ang mga bagay na iyon.

boy Jesus praying

Awit

Dagdagan ng bagong mga titik ang awiting “Masayang Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129) upang turuan ang mga bata ng ilang paraan na maipapakita nila ang pagmamahal sa kanilang pamilya. Halimbawa, sabihin sa mga bata, “Ipakita natin kung paano mahalin si Ate.” Kantahin ang “Ang magpahiram ng laruan ay masayang gawin” at gawin ang mga simpleng aksyon. Ang iba pang mga salitang magagamit ninyo ay, “Pagliligpit ng laruan ay masayang gawin,” “Paglilinis ng silid ay masayang gawin,” “Ang pagngiti ay masayang gawin,” “Pagtulong kay Itay ay masayang gawin,” at iba pa.

Poster

Idispley ang poster na inihanda ninyo. Ituro ang isang retrato at sabihing, “Ito ang pamilya ni [pangalan ng bata]. Narito si [pangalan ng bata].” Ulitin para sa bawat bata. Bigyang-diin na tayong lahat ay may mga pamilyang nagmamahal sa atin at mahal natin sila. Idispley ang poster bawat linggo at pasagutin ang mga bata sa mga tanong tungkol sa kanilang pamilya (“Nasaan ang pamilya ni [pangalan ng bata]?” “Nasaan si [pangalan ng bata]?” “Nasaan si Itay?” at iba pa). Magdagdag ng mga retrato sa poster tuwing may sasaling ibang mga bata sa nursery.