Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 12: Maaari Kaming Manalangin ng Aking Pamilya


12

Maaari Kaming Manalangin ng Aking Pamilya

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Sabi ng Tagapagligtas, “Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga [pamilya] ay pagpalain” (3 Nephi 18:21). Sa pagdarasal nang sama-sama, mas mapapalapit ang mga pamilya sa Ama sa Langit at sa isa’t isa at maaanyayahan ang Espiritu Santo sa tahanan (tingnan sa D at T 19:38).

Paghahanda

  • Markahan ang pahina 106 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.

  • Magdala ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Markahan ang 3 Nephi 18:21 para madali ninyo itong mabuklat.

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Awit

Ipasambit sa mga bata ang mga salitang “panalangin ng pamilya” nang ilang beses. Sabihin sa kanila na pag-aaralan ninyo ang isang awitin tungkol sa panalangin ng pamilya. Bumuo ng bilog kasama ang mga bata, at maghawakan sa kamay. Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Panalangin ng Mag-anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 101) at tulungang makasabay sa inyo ang mga bata sa paggawa ng mga aksyon:

Ang mag-anak ay tipunin (lumakad nang pabilog)

Sa pananalangin (tumigil sa paglakad at lumuhod; pasundan sa mga bata ang pagsambit ninyo ng “panalangin”)

Ama’y pasalamatan (humalukipkip)

Sa biyayang nakamtan.

Larawan

Ipakita ang larawan ng isang pamilyang nagdarasal sa pahina 54. Tulungan ang mga bata na matukoy ang iba’t ibang miyembro ng pamilya, at ituro na sila ay nakaluhod at nakahalukipkip, nakayuko ang mga ulo, at nakapikit. Sabihin sa kanila na nagdarasal ang pamilya. Ipasambit sa mga bata ang mga salitang “panalangin ng pamilya.” Paluhurin sila, pahalukipkipkin, at pagyukuin ng mga ulo. Ipaliwanag na kapag nagdarasal ang ating pamilya, kausap natin ang Ama sa Langit. Pinasasalamatan natin Siya para sa ating mga biyaya, at hinihiling sa Kanya na tulungan at pagpalain ang ating pamilya.

family praying

Activity Verse

Bigkasin ang sumusunod na activity verse at pasabayin sa inyo ang mga bata:

Ito ang nanay ko, na tinutulungan akong maglaro. (itaas ang hinlalaki)

Ito ang tatay ko, na maghapong nagtatrabaho. (itaas ang ikalawang daliri)

Ito ang kuya ko, na matangkad at malakas din. (itaas ang ikatlong daliri)

Ito ang ate ko, na bola ang gustong laruin. (itaas ang ikaapat na daliri)

At ito naman ako; ako ay masaya (itaas ang ikalimang daliri)

Sama-samang nakaluhod at nagdarasal ang aming pamilya. (itikom ang kamao)

Banal na Kasulatan

Idispley ang larawan ni Jesucristo sa pahina 106. Buklatin ang Aklat ni Mormon sa 3 Nephi 18:21 at sabihing, “Sinabi ni Jesus, ‘Manalangin kayo sa inyong mag-anak.’ ” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa paguulit ng pahayag na ito, nang dahan-dahan.

Jesus Christ

Katapusan

Ipasambit sa mga bata ang, “Maaari akong manalangin na kasama ang aking pamilya,” nang dahan-dahan.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa kuwentong gumagamit ng finger-puppet: Kopyahin at gupitin ang mga finger puppet sa pahina 59. Kulayan ang mga ito kung gusto ninyo.

    coloring page, family circles and finger puppets

    Maaaring Magkasama-sama ang Aking Pamilya Magpakailanman

    Kopyahin ang pahinang ito at gupitin ang mga finger puppet sa tuwid na mga linya. Itupi sa tulduk-tuldok na mga linya. Pagkatapos ay lagyan ng teyp ang mga gilid, na iniiwang bukas ang mga gilid sa ibaba upang mailagay ng mga bata ang mga puppet sa kanilang mga daliri.

  • Para sa bag game: Sa apat na maliliit na bag isulat ang “Nagpapasalamat Tayo para sa Ating mga Biyaya.” Sa bawat bag maglagay ng larawan ng isang bagay na ipinagpapasalamat natin (tulad ng pagkain, damit, bahay, pamilya, at iba pa). Kung gusto ninyo, maaari kayong gumamit ng mga kopya ng mga larawang guhit sa pahina 55 o saanman sa manwal na ito.

    coloring page, I Can Pray

    Maaari Kaming Manalangin ng Aking Pamilya

    Nagpapasalamat tayo para sa ating pamilya.

    Nagpapasalamat tayo para sa ating tahanan.

    Nagpapasalamat tayo para sa pagkaing ating kinakain.

    Nagpapasalamat tayo para sa ating mga damit.

  • Para sa aktibidad sa pagkukulay: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 55 para makulayan ng bawat bata. Magdala ng gunting at teyp.

Kuwentong Gumagamit ng Finger-Puppet

Gamitin ang mga finger puppet para ikuwento ang sumusunod tungkol sa panalangin ng pamilya:

Narito ang isang pamilya. Ito ang tatay, at ito ang nanay. Narito ang ate at kuya. Ito si Peter, ang bunso (ituro ang puppet na sanggol). Isang araw naglalaro si Peter at nasaktan ang kanyang mata (patakpan ng kanilang kamay ang mata ng mga bata). Dinala siya nina Itay at Inay sa doktor (alisin ang puppet sa daliri at ihiga sa sahig). Lumuhod ang pamilya ni Peter at nanalangin (paluhurin ang mga bata). Hiniling nila sa Ama sa Langit na basbasan si Peter. Narinig ng Ama sa Langit ang kanilang dalangin. Tinulungan Niyang gumaling si Peter (muling isuot ang puppet sa daliri). At muling nanalangin si Peter at ang kanyang pamilya para pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagbabasbas kay Peter.

finger puppet diagram

Bag Game

Ilagay ang mga bag sa sahig. Sabihan ang lahat na maghawak-kamay, bumuo ng bilog sa palibot ng mga bag, at lumakad nang pabilog habang kinakanta ninyo ang “Panalangin ng Mag-anak.” Pagkatapos ay tumigil sa paglakad, at papiliin ng bag ang isang bata at ipakita niya ang larawang nasa loob. Sabihing, “Nagpapasalamat kami para sa [tawag sa bagay na nasa larawan].” Purihin ang mga bata sa kanilang paglahok. Ulitin hanggang matapos ang bawat batang gustong sumali.

Pagkukulay

Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng pahina 55. Kapag natapos na sila, gupitin ang mga papel, at pagdugtung-dugtungin ng teyp ang mga ito para makagawa ng kadenang papel na maiuuwi ng bawat bata.