15
Magpapasalamat Ako
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Iniutos ng Panginoon, “Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay” (D at T 59:7). Dapat tayong magpakita ng pasasalamat sa Diyos sa maraming biyayang ibinibigay Niya sa atin. Dapat din tayong magpasalamat sa mga magulang, guro, kaibigan, at iba pa na tumutulong sa atin sa anumang paraan. (Tingnan din sa Mga Awit 100:3–4.)
Paghahanda
-
Basahin ang Lucas 17:11–19, at maghandang ibuod nang maikli ang kuwento tungkol sa 10 ketongin.
-
Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Lucas 17:11–19 para madali ninyo itong mabuklat.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Pagtuturo ng Doktrina
Sabihin sa mga bata na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng maraming biyaya, tulad ng ating katawan, mga halaman at hayop, ating pamilya, at Simbahan. Ipaliwanag na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya sa pagsasabi ng “salamat po” at maaari din nating sabihan ng “salamat” ang ating pamilya at mga kaibigan at sinumang may ginawang kabutihan sa atin.
Kuwento sa Banal na Kasulatan
Idispley ang larawan sa pahina 66. Ituro si Jesus at ang mga taong may matinding karamdaman. Buklatin ang Biblia sa Lucas 17:11–19 at ikuwento ang tungkol sa 10 ketongin. Narito ang isang halimbawa:
May 10 lalaki na may matinding karamdaman. Pinagaling sila ni Jesus at bumuti ang kanilang pakiramdam (ituro si Jesus sa larawan). Napakasaya nilang lahat (ituro ang mga ketongin sa larawan). Ngunit isang tao lamang ang nagsabing “salamat” kay Jesus (ituro ang nagpasalamat na ketongin sa larawan). Maaari nating sabihing “salamat” (ipasambit sa mga bata ang “salamat”).
Larawan
Ipakita ang larawang guhit sa pahina 67. Sabihin sa mga bata na nagpapakita tayo ng pagmamahal sa Ama sa Langit sa pasasalamat sa Kanya sa lahat ng bagay na ibinibigay Niya sa atin. Ituro ang isa sa mga larawang guhit at ipagawa sa mga bata ang isang aksyong nauugnay roon (tulad ng pagsalikop ng kanilang mga kamay sa kanilang ulunan para maghugis-bubong ng bahay, pagkunwariin silang namimitas ng prutas mula sa isang puno at kainin ito, pagkunwariin silang nagsusuot ng sapatos, at iba pa). Ulitin ito para sa bawat larawang guhit.
Awit
Kantahin o bigkasin ang mga titik sa mga talata 1 at 2 ng “Pasasalamat sa Ating Ama” (Aklat ng mga Awit Pambata, 15) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Salamat sa ‘ting Ama, ang ating hatid, (humalukipkip)
Sapagkat bawat bagay, ay kanyang alay. (iunat ang mga kamay)
Ang mga mata’t tainga, kamay at paa, (ituro ang mga mata, tainga, kamay, at paa)
Kasuotang kayganda, (ituro ang damit) at pagkain pa. (magkunwaring kumakain)
Katapusan
Ipabigkas sa mga bata ang “salamat.” Ibahagi nang maikli ang pasasalamat ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa mga larawan: Magdala ng mga larawan ng mga bagay na ipinagpapasalamat ninyo; magagamit ninyo ang mga larawan sa manwal na ito o sa mga magasin ng Simbahan, o magdrowing ng sarili ninyong larawan.
-
Para sa akibidad sa pagkukulay at sa larong pagtutugma-tugma: Kopyahin ang mga larawang guhit sa pahina 67 para makulayan ng bawat bata. Magdala ng maliliit na piraso ng papel o ng isang bagay na katulad nito para magamit na pangmarka ng mga bata sa larong pagtutugma-tugma; magdala ng sapat para may apat na pangmarka ang bawat bata.
Activity Verse
Sabihin sa mga bata na nagpapasalamat tayo sa Ama sa Langit para sa ating mga katawan. Patayuin at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsasagawa ng sumusunod na activity verse. Mag-isip ng mga aksyong iminumungkahi sa mga kataga.
Hipuin ang ilong, hipuin ang mata,
Hipuin ang tainga, hipuin ang paa,
Iunat ang kamay nang napakataas,
Na halos abot ang alapaap.
Ilagay ang inyong kamay sa inyong buhok.
Tahimik na maupo sa inyong bangko.
Ituro ang inyong bibig at sabihing, “Salamat at may bibig ako.” Ipaulit sa mga bata ang mga kataga at ang aksyon. Ulitin para sa mga mata, ilong, tainga, kamay, at paa. Magpamungkahi sa mga bata ng mga bagay na ipinagpapasalamat nila, at ipaulit ang mga kataga para sa mga bagay na babanggitin nila.
Mga Larawan
Ipakita sa mga bata ang mga larawang dala ninyo at ipaliwanag nang maikli kung bakit kayo nagpapasalamat para sa mga bagay na ito. Pabanggitin ang mga bata ng isang bagay na ipinagpapasalamat nila.
Pagkukulay
Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng pahina 67. Habang nagkukulay sila, ituro ang mga detalye sa mga larawan at ipaliwanag sa mga bata ang kanilang kinukulayan. Basahin sa kanila ang mga salita sa larawang guhit.
Larong Pagtutugmatugma
Bigyan ng apat na maliliit na papel ang bawat bata. Idispley ang mga larawang guhit sa pahina 67, ituro ang larawang guhit ng pamilya, at basahin sa mga bata ang caption. Magpalagay sa mga bata ng maliit na papel sa pamilya sa sarili nilang kopya. Pasabayin sila sa inyo sa pag-uulit ng mga kataga sa larawang guhit. Ulitin ang aktibidad na ito para sa iba pang mga larawang guhit.