1
Ako ay Anak ng Diyos
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Bawat isa sa atin ay pinakamamahal na espiritung anak ng mga magulang sa langit. Nakapiling natin sila bago tayo isinilang. Lubos tayong kilala ng ating Ama sa Langit at mahal Niya tayo. (Tingnan sa Awit 82:6; Mga Gawa 17:28–29; Mga Hebreo 12:9.)
Paghahanda
-
Magdala ng isang kopya ng mga banal na kasulatan. Markahan ang Awit 82:6 at Moises 1:4 para madali ninyo itong mabuklat.
-
Markahan ang pahina 99 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Awit
Kantahin o bigkasin ang unang taludtod ng “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2):
Ako ay Anak ng Diyos,
Dito’y isinilang;
Ulitin nang dalawa o tatlong beses, at pasabayin ang mga bata sa inyong pagkanta.
Banal na Kasulatan
Sabihin sa mga bata na mayroon silang mga ina at ama sa mundo na nagmamahal sa kanila. Sabihin sa kanila na mayroon din silang Ama sa Langit na kilala at mahal sila. Buklatin ang Biblia sa Awit 82:6 at basahin ang, “Kayong lahat ay mga anak ng [Diyos.”
Kuwento sa Banal na Kasulatan
Ipakita ang larawang guhit ni Moises sa pahina 99 (takpan ang ibang mga larawang guhit sa pahinang ito para mapagmasdang mabuti ng mga bata si Moises). Ipaliwanag na si Moises ay isang dakilang propetang nabuhay noong unang panahon. Sabihin sa mga bata na si Moises ay nagtungo sa bundok upang manalangin. Pagkunwariin ang mga bata na umaakyat sila ng bundok; pagkatapos ay pahalukipkipin sila na parang nagdarasal. Buklatin ang Mahalagang Perlas sa Moises 1:4 at sabihing, “Sinabi ng Diyos kay Moises, ‘Masdan, ikaw ay aking anak.’ ” Ipaliwanag na nalaman ni Moises na siya ay anak ng Diyos.
Aktibidad sa Pag-uulit
Patayuin ang isang bata sa tabi ninyo sa harapan ng klase.
Sabihin: “Ito si [pangalan ng bata].”
Ipaulit sa mga bata ang [pangalan ng bata].
Sabihin: “Si [pangalan ng bata] ay anak ng Diyos.”
Ipaulit sa mga bata ang: “Si [pangalan ng bata] ay anak ng Diyos.”
Ulitin ang aktibidad para sa bawat bata sa nursery. Kung malaki ang klase ng nursery, maaari ninyong ipakilala nang sabay ang dalawang bata o iklian ang aktibidad kung kailangan.
Larawan
Ipakita ang larawan sa pahina 10, ituro ang isang batang nasa larawan, at itanong, “Ang bata bang ito ay anak ng Diyos?” Tumango at sabihing oo. Ulitin para sa bawat batang nasa larawan. Pagkatapos ay ituro ang sarili ninyo at itanong, “Ako ba ay anak ng Diyos?” Tumango at sabihing oo. Bigyang-diin na lahat ay anak ng Diyos at kilala at mahal Niya tayong lahat.
Katapusan
Ibahagi ang inyong patotoo na tayong lahat ay anak ng Diyos at kilala at mahal Niya tayo.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa poster): Pagdalhin ang mga magulang ng isang retrato ng anak nila sa nursery (maaaring nagbigay na sila ng retrato nang unang dumalo sa klase ng nursery ang bata; tingnan sa pahina 7. Sa itaas ng isang poster board, isulat, “Ako ay Anak ng Diyos.” Mag-iwan ng malaking puwang para sa mga retrato ng mga bata.
-
Para sa aktibidad sa larawang guhit: Kopyahin ang mga larawang guhit sa pahina 11 para mabigyan ng isa ang bawat bata.
Activity Verse (Pagtula at Pag-awit na May Aksyon)
Patayuin at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsasagawa ng sumusunod na activity verse:
Kung napakatangkad mo, (umunat at itaas ang mga bisig)
Kilala at mahal ka ng Ama sa Langit.
Kung napakaliit mo, (umupo at mamaluktot)
Kilala at mahal ka ng Ama sa Langit.
Matangkad, (umunat)
Maliit, (mamaluktot)
Matangkad, (umunat)
Maliit, (mamaluktot)
Kilala at mahal tayong lahat ng Ama sa Langit.
Poster
Idikit ang mga retrato ng mga bata sa poster na inihanda ninyo. Basahin sa mga bata ang pamagat ng poster at ipaalala sa kanila na tayong lahat ay anak ng Diyos. Idispley ang poster linggu-linggo at dagdagan iyon ng mga retrato ng ibang mga batang sumasali sa nursery.
Larawang Guhit
Bigyan ang bawat bata ng isang kopya ng isa sa mga larawang guhit sa pahina 11. Ipaturo sa mga bata ang iba’t ibang bahagi ng mukha (tulad ng mga mata, bibig, at iba pa). Pakulayan sa mga bata ang mga larawang guhit, kung gusto nila.