Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 5: Ipinakita sa Atin ni Jesucristo Kung Paano Mahalin ang Iba


5

Ipinakita sa Atin ni Jesucristo Kung Paano Mahalin ang Iba

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Si Jesucristo ay nagpakita ng sakdal na halimbawa ng kabaitan at pagmamahal. Sa buong pagmiministeryo Niya sa lupa, nagpakita ng pagmamahal si Jesus sa iba sa pagbabasbas at paglilingkod sa mga dukha, maysakit, at namimighati. Sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo” (Juan 15:12; tingnan din sa Juan 13:34–35; Moroni 7:46–48).

Paghahanda

  • Markahan ang pahina 22 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.

  • Magdala ng isang kopya ng mga banal na kasulatan.

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Awit

Sabihin sa mga bata na nang manahan sa lupa si Jesucristo, tinuruan Niya tayong mahalin ang iba; ipinakita Niya ito sa atin sa mga bagay na Kanyang ginawa. Kantahin o bigkasin ang koro ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Magmahal ka nang tulad ni Jesus. (yakapin ang sarili at ibilingbiling ang katawan)

Ang kabutiha’y ‘pakitang lubos. (tumangu-tango)

Maging mahinahon sa diwa’t kilos, (yakapin ang sarili at ibilingbiling ang katawan)

Ito ang turo ni Jesus. (tumangu-tango)

Mga Kuwento sa Banal na Kasulatan

Ipakita sa mga bata ang isang kopya ng mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na nalalaman natin sa mga banal na kasulatan kung paano nagmahal si Jesus. Ikuwento nang maikli ang mga sumusunod:

Kuwento 1 (ipakita ang larawang guhit sa pahina 27): Maraming taong dumating para makinig sa pagtuturo ni Jesus. Matagal sila roon at nagutom sila nang husto (pagkunwariing nagugutom ang mga bata). Hindi sapat ang tinapay at isda para mapakain ang lahat ng tao. Binasbasan ni Jesus ang pagkain at sinabi sa Kanyang mga disipulo na ibigay ito sa mga tao. Lahat ay nakakain nang sapat, at marami pang pagkaing natira (pagkunwariing kumakain ang mga bata). (Tingnan sa Mateo 14:13–21.)

Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsambit ng, “Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano mahalin ang iba,” nang dahan-dahan.

coloring page, sharing basket of food

Ipinakita sa Atin ni Jesucristo Kung Paano Mahalin ang Iba

Kuwento 2 (ipakita ang larawan sa pahina 26): Isang araw nakita ni Jesus ang isang lalaking bulag—hindi ito makakita (patakpan sa mga bata ang kanilang mga mata). Binasbasan ni Jesus ang lalaki para makakita ito (ipaalis sa mga bata ang takip nila sa mga mata). (Tingnan sa Juan 9:1–12.)

Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsambit ng, “Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano mahalin ang iba.”

Jesus blessing blind man

Kuwento 3 (ipakita ang larawan sa pahina 22): Nang mabuhay na mag-uli si Jesus, dinalaw Niya ang mga Nephita. Dahil mahal Niya ang mga bata, binasbasan Niya ang bawat isa sa kanila (payakapin sa sarili ang mga bata). (Tingnan sa 3 Nephi 17:21–24.)

Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsambit ng, “Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano mahalin ang iba.”

Jesus with Nephite children

Awit

Muling kantahin o bigkasin ang koro ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus.” Pasabayin ang mga bata sa pagkanta at mga aksyon ninyo.

Katapusan

Magpatotoo na maaari nating mahalin ang iba tulad ng ginawa ni Jesus.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa puzzle: Magdala ng isang larawan ng Tagapagligtas (magagamit ninyo ang larawan sa pahina 106 kung gusto ninyo). Humanap ng papel na kasukat ng larawan (o gumupit ng papel na kasukat nito) at gupitin ang papel sa tatlo o apat na piraso para makagawa ng puzzle. Isulat ang “Mamahalin Ko ang Iba” sa likod ng bawat piraso.

    puzzle diagram
  • Para sa aktibidad sa banal na kasulatan: Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Juan 15:12 para madali ninyo itong mabuklat.

  • Para sa aktibidad sa larawang guhit: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 27 para sa bawat bata.

Puzzle

Takpan ng mga piraso ng puzzle ang larawan ni Jesus. Papiliin ng isang piraso ang isang bata. Basahin ang mga kataga sa papel at ipaulit ito sa lahat ng bata. Magtalakay ng isang paraan na maipapakita natin ang pagmamahal sa iba (magpasalamat, magbahagi, gawin ang ipinagagawa ni Inay o Itay, iligpit ang mga laruan, at iba pa). Ulitin gamit ang bawat piraso ng papel hanggang sa tuluyang mawalan ng takip ang larawang guhit. Pagtibayin ang konseptong ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano mahalin ang iba.

Banal na Kasulatan

Sabihin sa mga bata na itinuro sa atin ni Jesus sa mga banal na kasulatan na magmahalan tayo. Buklatin ang Biblia sa Juan 15:12 at basahin ang, “Kayo’y mangagibigan.” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit ng mga katagang ito.

Awit

Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Mahalin bawat tao; (iunat ang mga bisig)

Sabi ni Cristo. (tumangu-tango)

At sila’y magmamahal, (ilagay ang kamay sa tapat ng puso)

Nang lubos sa ‘yo. (yakapin ang sarili)

Larawang Guhit

Bigyan ang bawat bata ng isang kopya ng larawang guhit sa pahina 27. Tanungin ang mga bata tungkol sa larawang guhit para maipaalala sa kanila ang kuwento ninyo kanina. Halimbawa:

Nakikita ba ninyo si Jesus sa larawan? (ipaturo sa mga bata si Jesus sa mga kopya nila ng larawang guhit)

Ano ang nasa mga basket? (pagkunwariing kumakain ang mga bata)