9
Ako ay May Katawang Katulad ng sa Ama sa Langit
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Bawat isa sa atin ay anak ng Diyos. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan” (Genesis 1:27; tingnan din sa Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27). Ibig sabihin nito ang ating mga katawan ay katulad ng sa Kanya. Nakita ni Propetang Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo, at itinuro niya na “ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din” (D at T 130:22).
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Awit
Kantahin ang unang taludtod ng “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2):
Ako ay Anak ng Diyos,
Dito’y isinilang,
Handog sa ‘kin ay tahana’t
Mabuting magulang.
Ulitin, at sabihin sa mga bata na pakinggan o sabayan kayo sa pagkanta. Sabihin sa kanila na kapag sinasabi nating “Diyos” ang ibig nating sabihin ay Ama sa Langit.
Kuwento sa Banal na Kasulatan
Ipakita ang larawan sa pahina 42. Ikuwento nang maikli ang Unang Pangitain ni Joseph Smith upang maituro sa mga bata na ang Ama sa Langit ay may katawang tulad ng sa atin (tingnan sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:17). Nasa ibaba ang isang halimbawa:
Noong bata pa si Joseph Smith (ituro si Joseph sa larawan), nagdasal siya sa Ama sa Langit. May nangyaring napakaganda. Nakita ni Joseph ang Ama sa Langit at si Jesucristo (ituro ang Ama sa Langit at si Jesus sa larawan). Pinuntahan at kinausap nila si Joseph. Nakita ni Joseph na ang Ama sa Langit ay katulad nating may katawan. Ang Ama sa Langit ay may mga bisig. Mayroon ba kayong mga bisig? Ipakita ninyo sa akin ang inyong mga bisig. Ang Ama sa Langit ay may mga kamay. Mayroon ba kayong mga kamay? Ipakita ninyo sa akin ang inyong mga kamay. Ang Ama sa Langit ay may mukha. Mayroon ba kayong mukha? Hipuin ang inyong mukha. Kayo ay tunay na tao. Ang Ama sa Langit ay tunay na tao. Nilikha Niya ang inyong katawan. Mayroon kayong katawan na katulad ng sa Ama sa Langit.
Activity Verse
Patayuin at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsasagawa ng sumusunod na activity verse:
Espesyal ang katawan ko
Ama sa Langit ang nagbigay nito. (ilagay ang kamay sa dibdib)
Upang makarinig binigyan Niya ako ng tainga (isalikop ang kamay sa tainga)
At mga mata upang makakita. (ituro ang mga mata)
Binigyan ng mga kamay upang pumalakpak, (pumalakpak)
Dalawang paa upang ipanyapak. (umikot)
At kapag gusto ko hinlalaki’y abot ko (yumukod at hipuin ang hinlalaki sa paa)
Habang ako’y nakayuko.
Kapag naiisip ko ang aking katawan, (ilagay ang daliri sa ulo)
Talaga namang napakainam
Na ito’y pinlano ng ating Ama
Na maging katulad ng sa Kanya. (tahimik na maupo)
Katapusan
Pasundan sa mga bata ang pagsambit ninyo, nang dahan-dahan, ng “Ako ay may katawang katulad ng sa Ama sa Langit.” Magpasalamat para sa inyong katawan.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa kuwentong gumagamit ng finger-puppet: Kopyahin, kulayan, at gupitin ang mga finger puppet na nasa pahina 91.
-
Para sa aktibidad sa pagbabakat: Magdala ng blangkong papel para sa bawat bata at panulat.
-
Para sa aktibidad sa larawang guhit: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 43 para sa bawat bata.
Awit
Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Ulo, Balikat, Tuhod, at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129) at ituro ang bawat bahagi ng katawan na babanggitin ninyo. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Ulo, balikat, tuhod, at paa,
Tainga, at bibig, ilong at mata.
Ulit-ulitin hangga’t gusto ng mga bata. Paalalahanan sila na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng katawan na katulad ng sa Kanya.
Kuwentong Gumagamit ng Finger-Puppet
Muling ikuwento ang Unang Pangitain, gamit ang ginawa ninyong mga finger puppet (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17; tingnan din ang halimbawa sa pahina 88). Bigyang-diin ang katotohanan na nakita ni Joseph Smith na may katawan ang Ama sa Langit at si Jesucristo na katulad ng sa atin.
Pagbabakat
Bakatin ang kamay ng bawat bata sa isang papel. Pakulayan sa kanila ang binakat na mga kamay. Isulat sa papel ang pangalan at edad ng bata at ang petsa.
Larawang Guhit
Idispley ang larawang guhit sa pahina 43 at bigyan ng kopya ang bawat bata. Ituro ang mukha ng batang lalaki at ipaalala sa mga bata na tayo ay mayroong mukha at gayundin ang Ama sa Langit. Ipaturo sa mga bata ang mukhang nasa kopya nila ng larawang guhit. Ulitin ito sa iba pang mga bahagi ng katawan. Pakulayan sa mga bata ang mga larawang guhit, kung gusto nila.