10
Aalagaan Ko ang Aking Katawan
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Ang isa sa mga dakilang biyaya ng plano ng kaligtasan ay ang pagkakataong tumanggap ng pisikal na katawan. Nais ng Panginoon na igalang natin ang ating katawan at pangalagaan ang mga ito. Pinagpapala Niya tayo kapag ginagawa natin ito (tingnan sa 1 Corinto 3:16; D at T 89:18–21).
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Larawan
Sabihin sa mga bata na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang ating katawan at marami tayong magagawang kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng ating katawan. Ipakita ang larawan sa pahina 46. Ituro ang bawat miyembro ng pamilya na nasa larawan; kapag itinuro ninyo ang sanggol, magtanong na katulad ng nasa ibaba. Pagkatapos ng bawat tanong, pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsagot ng “Hindi” habang umiiling-iling kayo nang sobra.
-
Makakalakad ba ang isang sanggol?
-
Makakapagsalita ba ang isang sanggol?
-
Maihahagis ba ng isang sanggol ang bola?
Sabihin sa mga bata na dati silang mga sanggol, ngunit ngayon ay lumalaki na sila.
Awit
Patayuin ang mga bata. Kantahin o bigkasin ang sumusunod na mga titik sa himig ng “May Isang Taong Niyebe” (Aklat ng mga Awit Pambata, 121) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Dati ako’y sanggol, sanggol, sanggol. (magkunwaring naghehele ng sanggol)
Dati ako’y sanggol, maliit. (unti-unting bumaluktot)
Ngayo’y malaki na, malaki na. (dahan-dahang tumayo)
Ngayo’y malaki na’t matangkad. (iunat ang mga kamay sa ulunan)
Larawan
Ipakita muli ang larawan at ituro ang batang nakikipaglaro sa kanyang ama. Sabihin sa mga bata na halos kasinlaki nila ang batang ito. Magtanong sa mga bata ng katulad ng nakalista sa ibaba. Pagkatapos ng bawat tanong, pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsagot ng “Oo” habang tumatangu-tango kayo nang sobra.
-
Makakalakad ba kayo? (palakarin ang mga bata sa kanilang kinatatayuan)
-
Makakapagsalita ba kayo? (magbilang kayo ng mga bata hanggang lima)
-
Maihahagis ba ninyo ang isang bola? (pagkunwariin ang mga bata na naghahagis ng bola at saluhin ito)
Sabihin sa mga bata na lumalaki sila dahil kumakain sila ng masusustansyang pagkain, nahihiga at natutulog, at hinuhugasan ang sarili para manatiling malinis.
Dula-dulaan
Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 47. Ituro ang larawan ng batang babaeng natutulog at ipaliwanag na ang pagtulog ay isang paraan ng pag-aalaga sa ating katawan. Pagkunwariin ang mga bata na natutulog. Ulitin para sa iba pang mga larawan sa larawang guhit.
Katapusan
Magpasalamat para sa katawang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit. Ipasambit sa mga bata ang, “Aalagaan ko ang aking katawan,” nang dahan-dahan.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa larong hulaan: Magdala ng tatlo o apat na masustansyang pagkain, tulad ng mga prutas at gulay, sa isang plato. Magdala ng pantakip sa plato ng pagkain, tulad ng malaking tela.
-
Para sa aktibidad sa pagkukulay: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 47 para makulayan ng bawat bata.
Larong Hulaan
Ipakita sa mga bata ang platong may pagkain. Ituro ang bawat pagkain, at tulungan ang mga bata na ibigay ang pangalan ng mga ito. Takpan ng tela ang pagkain; pagkatapos ay bawasan ito ng isa at saka alisan ng takip. Pahulaan sa mga bata kung alin ang nawawala. Angkop na angkop ang aktibidad na ito sa nakatatandang mga bata.
Activity Verse
Bigkasin ang sumusunod na activity verse at pasabayin sa inyo ang mga bata:
Matutulog na itong munting bata. (itaas ang isang daliri)
Doon sa unan siya’y mahihiga. (ilagay ang daliri sa palad ng kabilang kamay)
Ibabalot ang sarili sa makapal na kumot, (takpan ng kamay ang daliri)
At sa ganitong paraan magdamag na matutulog.
Mata niya’y nakamulat na pagsapit ng umaga.
Masiglang inalis ang kumot sa kanya. (buksan ang kamay upang ipakita ang daliring nagpapahinga)
At siya’y titindig at magbibihis at hahayo, (itayo ang daliri)
Handa nang ngumiti at magtrabaho at maglaro.
Pagkukulay
Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng larawang guhit sa pahina 47. Habang nagkukulay sila, ituro na ipinapakita sa larawang guhit ang mga paraan ng pag-aalaga sa ating katawan.