Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 7: Nilikha ni Jesucristo ang Daigdig para sa Akin


7

Nilikha ni Jesucristo ang Daigdig para sa Akin

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Sa patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang magandang daigdig na tinitirhan natin (tingnan sa Moises 2:1). Nilikha ang daigdig para bigyan tayo ng isang lugar kung saan maaari tayong subukan at magtamo ng mga karanasan upang higit tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Abraham 3:24–25). Ang kahanga-hangang mga kagandahan ng daigdig ay saksi sa kapangyarihan at malaking pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Moises 6:63).

Paghahanda

Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Genesis 1:1 para madali ninyo itong mabuklat.

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Awit

Kantahin o bigkasin ang mga salita sa “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

T’wing maririnig, huni ng ibon (isalikop ang kamay sa tainga)

O langit ay mamasdan, (tumingala, magkunwaring tinatabingan ng kamay ang mga mata)

T’wing madarama patak ng ulan (idantay ang dulo ng mga daliri ng kamay sa mukha)

At ang hangin na kay-inam, (ikaway ang mga kamay)

T’wing masasamyo ang bulaklak (pagsalikupin ang mga kamay)

O daraan sa puno, (“pagapangin” ang dalawang daliri paakyat sa kabilang bisig)

Anong ligaya ako’y mapabilang (ituro ang sarili)

Sa mundong likha ng Maylalang. (pagsalikupin nang pabilog ang mga kamay sa ulunan)

Banal na Kasulatan

Buklatin ang Biblia sa Genesis 1:1 at basahin ang, “Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa.” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit ng banal na kasulatang ito, nang dahan-dahan. Ipaliwanag na ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesucristo ang daigdig at lahat ng narito; nilikha rin ni Jesus ang araw para bigyan tayo ng liwanag. Ipasalikop sa mga bata nang pabilog ang kanilang mga kamay sa kanilang ulunan at ipasambit ang “araw.”

Sabihin sa mga bata na nilikha ni Jesus ang mga bituing nakikita natin sa gabi. Ipabukas-sara sa mga bata ang kanilang mga kamay na parang mga bituing kumikislap at ipasambit ang “mga bituin.”

Larawan

Ipakita ang larawan sa pahina 34. Ituro ang mga puno at sabihin sa mga bata na nilikha ni Jesus ang mga halaman. Patayuin ang mga bata at ipataas ang kanilang mga kamay, na nagkukunwaring mga punong hinihipan ng hangin. Ipasambit sa kanila ang “mga puno.”

plants and animals

Ituro ang mga hayop sa larawan at ipaliwanag na nilikha ni Jesus ang mga hayop. Magpabanggit at magpalikha sa mga bata ng tunog ng ilang hayop.

Katapusan

Ipaliwanag na nilikha ni Jesus ang lahat ng ito dahil mahal Niya tayo. Magpasalamat para sa ating magandang daigdig.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa aktibidad sa binhi: Dalhan ng basong plastik ang bawat bata. Magdala rin ng kaunting lupang ilalagay sa mga baso at ilang binhi (tulad ng binhi ng bins, mais, o trigo) na itatanim ng bawat bata. Sa bawat baso isulat ang, “Nilikha ni Jesucristo ang mga Binhi para sa Akin.” Maghanda ng isang maikling tagubiling maiuuwi ng mga bata na nagpapaliwanag kung paano alagaan ang binhi.

  • Para sa aktibidad sa aklat: Gumawa ng kopya ng pahina 35 para makulayan ng bawat bata. Magdala ng teyp o pandikit.

    coloring page, Creation book

    Nilikha ni Jesucristo ang Daigdig para sa Akin

    Nilikha ni Jesus ang araw.

    Nilikha Niya ang buwan at mga bituin.

    Nilikha Niya ang mga halaman.

    Nilikha Niya ang mga hayop.

    Nilikha Niya ang mga ibon.

Awit

Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Kayganda ng Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 123) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Kayganda ng mundo! Ako’y masaya (Diinan ang magkabilang sulok ng bibig)

Sa lahat ng para sa ‘ki’y nilikha— (ituro ang sarili)

Ang mga bulaklak, (magkunwaring sumasamyo ng bulaklak) araw, (pagsalikupin nang pabilog ang mga kamay sa ulunan) at bituin, (ibukas-sara ang mga kamay na parang mga bituing kumikislap)

Tahana’t pamilyang mahal sa akin. (yakapin ang sarili)

Aktibidad sa Binhi

Lagyan ng kaunting lupa ang bawat basong dala ninyo at pataniman ito ng binhi sa bawat bata. Habang ginagawa nila ito, sabihin sa kanila na kung didiligan nila ang kanilang mga binhi at ilalagay ang mga ito sa may sikat ng araw, lalago at magiging halaman ang mga binhi. Ipaalala sa kanila na nilikha ni Jesucristo ang mga binhi, lupa, ulan, at sikat ng araw. Ipauwi sa mga magulang ang baso ng kanilang mga anak para mabantayan nila ang paglago ng kanilang mga binhi. Angkop na angkop ang aktibidad na ito sa nakatatandang mga bata.

Aklat

Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng larawang guhit sa pahina 35. Habang nagkukulay sila, repasuhin ang mga bagay na itinuro ninyo sa aralin. Kapag natapos na sila, itupi ang larawang guhit at iteyp o idikit ito ayon sa mga tagubiling nasa larawan. Pagkatapos ay basahin ang aklat sa mga bata.

book diagram