26
Ako ay Magpapabinyag at Magpapakumpirma
Pambungad Para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-aralan ang sumusunod:
Nagpabinyag si Jesucristo para ipakita “sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan” at magpakita ng halimbawa sa atin (tingnan sa 2 Nephi 31:7, 9; tingnan din sa Mateo 3:13–17). Kapag nagpabinyag tayo, ipinapakita rin natin na handa tayong sumunod sa Tagapagligtas at susundin natin ang Kanyang mga utos. Matapos mabinyagan si Jesus, “ang Espiritu Santo ay bumaba sa kanya” (2 Nephi 31:8). Matapos tayong mabinyagan, ibinibigay sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon. Ibig sabihin makakapiling nating lagi ang Espiritu Santo kung susundin natin ang mga utos.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Larawan
Ipakita ang larawan ng pagbibinyag kay Jesucristo (pahina 110). Ituro ang mga detalye sa larawan (si Jesus, ang tubig, si Juan Bautista, at iba pa). Ipaliwanag na nagpabinyag si Jesus dahil mahal Niya ang Ama sa Langit at nais Niyang sundin Siya. Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsambit ng “Jesus” at “nagpabinyag.”
Tula
Ituro ang iba’t ibang bahagi ng larawan habang binibigkas ninyo ang mga titik sa unang taludtod ng “Pagbibinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55). Pasabayin ang mga bata sa inyong pagturo.
Nagtungo kay Juan Bautista, (ituro si Jesus, pagkatapos ay ituro si Juan Bautista)
Si Jesus sa Judea, (ituro si Jesus)
At siya ay sa Ilog Jordan
Nilubog, nabinyagan. (ituro ang tubig)
Maipapaliwanag ninyo na ang ibig sabihin ng “nilubog” ay inilubog si Jesus sa ilalim ng tubig nang Siya ay binyagan.
Larawan
Ipakita ang larawan ng batang babaeng binibinyagan (pahina 10) at tukuyin ang mga pagkakatulad ng dalawang larawan. Sabihin sa mga bata na maaari silang magpabinyag, na gaya ni Jesus, kapag walong taong gulang na sila. Itaas ang walong daliri, tig-apat sa bawat kamay, at bilangin. Ulitin, at pasabayin sa inyo ang mga bata. Bigyang-diin na ang pagpapabinyag ay isang paraan ng pagsunod natin kay Jesus; kapag nagpabinyag tayo ipinapakita natin na mahal natin ang Ama sa Langit at nais natin Siyang sundin.
Mga Larawang Guhit
Ipakita ang mga larawang guhit sa pahina 111. Sabihin sa mga bata ang nangyayari sa mga larawan. Ipaliwanag na matapos tayong binyagan, tayo ay kukumpirmahan. Ipasambit sa mga bata ang “kumpirmahan.” Sabihin sa kanila na ibig sabihin nito ay ipapatong ng mga lalaking may priesthood ang kanilang mga kamay sa ating ulunan para ibigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo.
Katapusan
Ipasambit sa mga bata ang, “Ako ay magpapabinyag at magpapakumpirma,” nang dahan-dahan. Ikuwento nang maikli sa mga bata kung ano ang naramdaman ninyo nang mabinyagan at makumpirma kayo.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa banal na kasulatan: Magdala ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Markahan ang 3 Nephi 12:1 para madali ninyo itong mabuklat.
-
Para sa larong hulaan: Kopyahin ang mga larawang guhit sa pahina 111 at kulayan ito kung gusto ninyo. Itupi sa gitna ang pahina para maipakita ang larawang guhit ng binyag sa isang panig at ang larawang guhit ng kumpirmasyon sa kabila.
-
Para sa aktibidad sa pagkukulay: Kopyahin ang mga larawang guhit sa pahina 111 para makulayan ng bawat bata.
Banal na Kasulatan
Sabihin sa mga bata na sinabi sa atin ni Jesus sa mga banal na kasulatan na nais Niyang mabinyagan tayo. Buklatin ang Aklat ni Mormon sa 3 Nephi 12:1 at sabihing, “Sinabi ni Jesus, ‘Maniwala kayo sa akin at magpabinyag.’ ” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit ng mga kataga, nang dahan-dahan. Ipaalala sa kanila na maaari silang mabinyagan kapag walong taong gulang na sila.
Larong Hulaan
Ipakita sa mga bata ang kopya ninyo ng larawang guhit ng binyag, basahin ang caption, at ipasambit sa mga bata ang “magpabinyag.” Italikod ang pahina, at ulitin para sa larawang guhit ng kumpirmasyon.
Itago sa likod ninyo ang mga larawang guhit. Pagkatapos ipakita sa mga bata ang isang panig ng pahina, at itanong, “Binibinyagan ba o kinukumpirma ang batang lalaking ito?” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pagsagot. Itagong muli sa likod ninyo ang mga larawang guhit at ulitin ang aktibidad hanggang gusto pa ng mga bata. Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.
Pagkukulay
Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng mga larawang guhit sa pahina 111. Habang nagkukulay sila, repasuhin ang mga alituntuning itinuro sa aralin. Ituro ang mga detalye sa larawan, basahin sa mga bata ang mga caption, at ipaliwanag sa kanila ang kanilang kinukulayan.