Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 23: Mahal Ko ang mga Banal na Kasulatan


23

Mahal Ko ang mga Banal na Kasulatan

Pambungad Para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Tinatanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Biblia, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan. Layunin ng mga banal na kasulatan na patotohanan si Jesucristo, tulungan tayong lumapit sa Kanya at tumanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 25:26; Helaman 3:29–30). Ang mga banal na kasulatan ay may mga kuwento rin tungkol sa mga taong pinagpala dahil sa pagsunod sa Ama sa Langit. Ipinahayag ni Nephi ang pagmamahal niya sa mga banal na kasulatan sa ganitong paraan: “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon” (2 Nephi 4:15).

Paghahanda

  • Basahin ang Marcos 10:13–16 at 1 Nephi 17:7–10; 18:1–4. Maghandang ibuod nang maikli ang mga kuwentong ito sa mga bata.

  • Dalhin ang kopya ninyo ng mga banal na kasulatan.

  • Markahan ang pahina 70 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.

Mga Aktibidad Sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Pagtuturo ng Doktrina

Ipakita sa mga bata ang inyong mga banal na kasulatan at sabihin sa kanila kung gaano ninyo kamahal ang mga banal na kasulatan. Ipasambit sa mga bata ang “mga banal na kasulatan.” Sabihin sa kanila na nalalaman natin ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan; nalalaman natin na mahal Nila tayo at hangad Nila ang ating kaligayahan.

Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan

Idispley ang larawan sa pahina 98 at ituro si Jesus. Ipaliwanag na tinuturuan tayo ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesus. Buklatin ang Biblia at ibuod nang maikli ang kuwento ng pagbabasbas ni Jesus sa mga bata (tingnan sa Marcos 10:13–16). Ang sumusunod ay isang halimbawa:

Mahal ni Jesus ang mga bata. Isang araw dinala ng ilang tao ang mga anak nilang paslit kay Jesus (ituro ang mga bata sa larawan). Kinarga Niya sila at binasbasan.

Jesus Christ with children

Idispley ang larawan sa pahina 70. Ipaliwanag na ikinukuwento sa atin sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga taong pinagpala nang sundin nila ang Ama sa Langit. Buklatin ang Aklat ni Mormon at ibuod nang maikli ang kuwento ng paggawa ni Nephi ng barko (tingnan sa 1 Nephi 17:7–10; 18:1–4). Ang sumusunod ay isang halimbawa:

Ito si Nephi (ituro si Nephi sa larawan). Pinagawa ng Panginoon ng barko si Nephi. Hindi pa nakagawa ng barko si Nephi kahit kailan, pero sumunod siya. Ipinakita sa kanya ng Panginoon kung paano gawin ang barko. (Pagkunwariing gumagawa ng barko ang mga bata.)

Nephi building a ship

Awit

Kantahin o bigkasin ang koro sa “Babasahin, Uunawain at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Babasahin ko, (magkunwaring binubuklat ang mga banal na kasulatan)

Uunawaing husto (ituro ang ulo)

Mananalangin; (humalukipkip)

At patotoo’y kakamtin ko. (ilagay ang kamay sa dibdib)

Katapusan

Ipaulit sa mga bata ang mga salitang, “Mahal ko ang mga banal na kasulatan.” Ibahagi ang pagmamahal ninyo sa mga banal na kasulatan at ang patotoo ninyo na ang mga ito ay totoo.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

Opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa aktibidad sa puppet: Kopyahin at gupitin ang mga hugis sa pahina 99 para sa bawat bata at gumawa ng dagdag na kopya para sa inyong sarili. Iteyp o idikit ang isang patpat sa likuran ng bawat hugis para makagawa ng mga stick puppet.

    coloring page, Adam and Eve, Noah, Moses

    Adan at Eva

    Noe

    Moises

Aktibidad sa Puppet

Pakulayan sa mga bata ang ginupit ninyong mga hugis. Kapag tapos na sila, itaas ang inyong puppet na Adan at Eva at ipataas din sa mga bata ang sa kanila. Ipasambit sa kanila ang “Adan at Eva.” Buklatin ang Lumang Tipan at sabihin sa mga bata na sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na sina Adan at Eva ang unang tao sa mundo; nanirahan sila sa Halamanan ng Eden. Pagkunwariin ang mga bata na pinalalakad ang mga puppet nila sa halamanan.

Adam and Eve puppet diagram

Itaas ang inyong puppet na Noe at ipataas din sa mga bata ang sa kanila. Ipasambit sa kanila ang “Noe.” Sabihan sila na sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na gumawa ng arka si Noe at nagtipon ng mga hayop sa kanyang arka. Pagkunwariing mga hayop ang mga bata.

Noah puppet diagram

Itaas ang inyong puppet na Moises at ipataas din sa mga bata ang sa kanila. Ipasambit sa kanila ang “Moises.” Sabihan sila na sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na binigyan ng Panginoon ng 10 utos si Moises. Ipataas sa mga bata ang 10 daliri nila habang nagbibilang kayo hanggang 10.

Moses puppet diagram

Activity Verse

Bigkasin ang sumusunod na activity verse, at pasabayin sa inyo ang mga bata:

Ituro sa akin ang mga banal na kasulatan; (magkunwaring nagbabasa ng mga banal na kasulatan)

Katotohanan ang sinasabi nito sa akin. (ituro ang sarili)

Ituro sa akin kung paano sumusunod ang mga propeta.

Ituro sa akin ang mga banal na kasulatan; (magkunwaring nagbabasa ng mga banal na kasulatan)

Kailangan kong malaman ang katotohanan. (ituro ang sarili)

Turuan ako para malaman ko ang daan.