6
Tinutulungan Ako ng Espiritu Santo
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos, kasama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Siya ay isang personaheng espiritu (tingnan sa D at T 130:22). Ang misyon ng Espiritu Santo ay patotohanan ang Ama at ang Anak at ang katotohanan ng lahat ng bagay (tingnan sa 3 Nephi 11:36; Moroni 10:5). Maaari din Niya tayong gabayan sa paggawa ng mga matwid na desisyon at aliwin (tingnan sa D at T 31:11). Ang paraan ng pakikipag-usap sa atin ng Espiritu Santo ay inilarawan sa mga banal na kasulatan bilang “marahang bulong na tinig” (tingnan sa I Mga Hari 19:11–12).
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Awit
Sabihin sa mga bata na kakanta kayo tungkol sa Ama sa Langit. Kantahin o bigkasin ang mga titik sa unang taludtod ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Aking Ama’y buhay Mahal N’ya ako. (ilagay ang kamay sa dibdib)
Espiritu’y bumubulong: “Ito ay totoo, (isalikop ang kamay sa tainga)
Ito ay totoo.”.
Aktibidad sa Pag-uulit
Ipasambit sa mga bata ang “Espiritu.” Sabihin sa kanila na ang isa pang tawag sa Espiritu ng Diyos ay Espiritu Santo. Ipasambit sa mga bata ang “Espiritu Santo.” Ipaliwanag na ipinaaalam sa atin ng Espiritu Santo na mahal tayo ng Ama sa Langit.
Dula-dulaan
Sabihin sa mga bata na kapag ginagawa natin ang tama, ipinaaalam sa atin ng Espiritu Santo na tama ang ating pasiya. Pasalihin ang mga bata sa pagdudula-dulaan ninyo ng pagsasagawa ng mga bagay na tama. Halimbawa:
Tama lamang ang magsimba. Magkunwari tayong naglalakad papunta sa simbahan (iimbay ang mga kamay habang naglalakad nang pabilog).
Ulitin sa iba pang mga halimbawa, tulad ng pagpapahiram ng laruan, pagtulong kay Inay sa pagwawalis ng sahig, at iba pa.
Kuwento
Ipaliwanag na matutulungan din tayo ng Espiritu Santo kapag natatakot tayo. Ikuwento ang sumusunod:
Isang araw may malakas na bagyo sa lugar nina David. Malakas ang kulog (patakpan sa mga bata ang kanilang mga tainga) at hangin (paihipin ang mga bata na parang hangin) at ulan (ipagaya sa mga bata ang ulan gamit ang kanilang mga daliri). Natakot si David. Sabi ng kanyang ina, tuwing matatakot siya nagdarasal siya sa Ama sa Langit (ipakita ang larawan sa pahina 30. Ipinagdasal ni David at ng kanyang ina na panatilihin silang ligtas ng Ama sa Langit. Sa gayon ay hindi na natakot si David at sumaya na siya. Sabi ng kanyang ina, ipinadala ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo para madama niya iyon at hindi siya matakot.
Ipasambit sa mga bata ang “Espiritu Santo.”
Katapusan
Magpatotoo tungkol sa Espiritu Santo. Maaaring ibilang dito ang isang simple at maikling karanasan ninyo sa buhay nang kayo ay gabayan ng Espiritu Santo.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa banal na kasulatan: Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Juan 14:26 para madali ninyo itong mabuklat.
-
Para sa aktibidad sa larawang guhit: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 31 para sa bawat bata.
-
Para sa cube game: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 31 at kulayan ito kung gusto ninyo. Gupitin sa tuwid na mga linya at itupi sa tulduk-tuldok na mga linya. Iteyp o idikit ang mga pananda para makagawa ng isang cube.
Activity Verse
Bumuo ng bilog kasama ang mga bata at bigkasin ang sumusunod na activity verse:
Mahina ang bulong ng Espiritu Santo. (idantay ang daliri sa mga labi)
Hindi Siya sumisigaw, iyan ay totoo. (isalikop ang mga palad sa bibig na parang sumisigaw)
Babasbasan at tutulungan at gagabayan niya kayo (maghawakan sa kamay at maglakad nang pabilog)
Sa lahat ng bagay na ginagawa ninyo. (umupo)
Banal na Kasulatan
Sabihin sa mga bata na itinuro ni Jesus sa mga banal na kasulatan na tuturuan tayo ng Espiritu Santo. Buklatin ang Biblia sa Juan 14:26 at basahin ang, “Ang Espiritu Santo … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay.” Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit ng mga katagang ito, nang dahan-dahan.
Larawang Guhit
Idispley ang larawang guhit sa pahina 31 at bigyan ang bawat bata ng kopya nito. Ituro ang larawan ng gusali ng Simbahan at ipaliwanag na ipinaaalam sa atin ng Espiritu Santo na tama lamang ang magsimba. Ipaturo sa mga bata ang gusali ng Simbahan sa kanilang kopya. Ulitin para sa iba pang mga larawang guhit.
Cube Game
Pagulungin ang cube na ginawa ninyo. Basahin ang caption sa ibabaw ng cube, at pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit nito. Pagkatapos ay magpagawa sa mga bata ng ilang simpleng aksyong akma sa larawan. Kapag lumitaw ang bahaging may nakasulat na “Tinutulungan Ako ng Espiritu Santo,” sabihin sa mga bata na ipinaaalam sa atin ng Espiritu Santo kapag nakagawa tayo ng kabutihan. Ulitin, at bigyan ang bawat bata ng pagkakataong pagulungin ang cube.