Pambungad
Ang Klase ng Nursery
Layunin
Ang layunin ng klase ng nursery ay tulungan ang mga bata na mapagaralan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ipamuhay ito. Dapat tulungan ng klase ng nursery ang mga bata na maragdagan ang kanilang pag-unawa at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, magkaroon ng mga positibong karanasan sa Simbahan, at lalong pahalagahan ang sarili.
Liham sa mga Magulang
Ilang linggo bago magsimulang dumalo sa klase ng nursery ang isang bata, dapat bigyan ng isang miyembro ng Primary presidency ang mga magulang ng bata ng isang kopya ng liham sa pahina 7.
Mga Nursery Leader
Di kukulangin sa dalawang tao (isang nursery leader at isang assistant nursery leader) ang dapat matawag para sa bawat nursery class. Kung hindi isang magasawa ang mga nursery leader, dapat ay pareho ang kanilang kasarian. Dapat magtulungan ang mga nursery leader sa buong oras ng nursery class upang matiyak na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang mga bata.
Pisikal na Kapaligiran
Dapat maglaan ang klase ng nursery ng kapaligirang may pagmamahal, ligtas, at organisado para matuto ang mga bata. Dapat ay malinis, masaya, at kaakit-akit ang silid at malapit sa toilet kung maaari. Dapat ay malinis, ligtas, at nasa mabuting kundisyon ang mga laruan. Hindi dapat gumamit ng mga laruang naaakyatan.
Iskedyul
Karaniwan ay nauubos ng klase ng nursery ang buong oras ng Primary. Ang oras na ito ay dapat hatiin sa ilang yugto, tulad ng oras para sa aralin, meryenda, musika, at laro.
Ang mga pangangailangan ng mga bata ay matutulungan kayong magpasiya sa pagkakasunud-sunod ng mga yugto at haba ng oras ng bawat yugto. Madaling umagapay ang mga bata kapag hindi kayo pabagubago, kaya sundin ang pagkakasunud-sunod na ito linggu-linggo.
-
Aralin: Simulan at wakasan ang aralin sa panalangin, na karaniwan ay dapat ialay ng isa sa mga bata (sa tulong ng isa sa mga nursery leader kung kailangan). Sa oras ng aralin, ituro ang alinman o lahat ng aktibidad mula sa isang aralin sa manwal na ito. Mauulit ninyo ang mga aktibidad na ito sa buong oras ng klase ng nursery. Makakatulong din ang ibang sangguniang gawa ng Simbahan, tulad ng Aklat ng mga Awit Pambata at mga magasin ng Simbahan.
-
Laro: Malayang ipalaro sa mga bata ang mga laruan, puzzle, at aklat. Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng paglalaro. Pagkatapos ng laro, tulungang magligpit ang mga bata.
-
Meryenda: Magbigay ng masustansyang meryendang madaling ihanda. Tanungin ang mga magulang kung may mga pagkaing hindi puwede sa kanilang mga anak. Tulungang maghugas ng mga kamay at magbasbas ng pagkain ang mga bata bago kumain. Ang pera para sa meryenda ay dapat manggaling sa badyet ng Primary.
-
Musika: Magkantahan, tumugtog ng mga simpleng instrumentong musikal, o gumalaw o magmartsa ayon sa musika (tingnan sa “Musika sa Klase ng Nursery,” sa pahina 4). Ang aktibidad na ito sa klase ng nursery ay maaaring gawing bahagi ng oras ng aralin, o ihiwalay para lamang sa musika.
Sa pagtatapos ng klase ng nursery, dapat tiyakin ng mga guro na mga magulang o iba pang miyembro ng kanilang pamilya lamang ang susundo sa mga bata. Hindi sila dapat pumayag na ibang tao ang kumuha sa mga bata maliban kung may pahintulot ng kanilang mga magulang.
Mga Pagbabago sa Aktibidad
Bigyan ang mga bata ng isang aktibidad na tutulong sa kanila na maisagawa ang isa pang aktibidad. Halimbawa, maaari ninyong kantahin ang “Masayang Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129), gamit ang mga katagang gaya ng, “Masayang magligpit ng mga laruan” o “Masayang maghugas ng mga kamay,” at iba pa.
Tungkol sa mga Aralin sa Manwal na Ito
Ang layunin ng mga aralin sa manwal na ito ay tulungan ang mga batang edad-nursery na matutuhan ang mga pangunahing doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Hilingin ang patnubay at hangarin ang impluwensya ng Espiritu sa paghahanda ninyong ituro ang mga araling ito (tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 125–29). Matuturuan ninyo sila anuman ang pagkakasunud-sunod, at maituturo ninyo ang iisang aralin nang sunudsunod na linggo. Maituturo din ninyo nang dalawang beses ang iisang aralin sa isang klase ng nursery, depende sa mga pangangailangan at interes ng mga bata.
Mga sangguniang gawa lamang ng Simbahan ang gamitin sa klase ng nursery. Bukod pa sa mga aktibidad sa manwal na ito, maaari kayong gumamit ng mga laro, larawan, awit, kuwento, at iba pang aktibidad mula sa mga magasin ng Simbahan.
Gamitin ang mga banal na kasulatan sa pagtuturo ninyo sa mga bata. Kapag iminungkahi sa aralin na magkuwento kayo mula sa mga banal na kasulatan, buklatin ang mga banal na kasulatan at ituro kung saan mababasa ang kuwento. Ipinauunawa nito sa mga bata na ang itinuturo ninyo ay mula sa mga banal na kasulatan. Turuan silang pahalagahan at pagpitaganan ang mga banal na kasulatan. Kung wala kayong sariling kopya ng mga banal na kasulatan, tanungin ang inyong bishop o branch president kung paano kayo makakakuha ng kopya.
Sa pagtuturo ninyo ng mga araling ito, maging sensitibo sa mga sitwasyon ng mga bata sa bahay at pamilya. Kapag ang isang aralin ay patungkol sa mga magulang o pamilya ng mga bata, isaalang-alang ang damdamin ng sinumang mga batang pinalaki ng nag-iisang magulang, ng mga lolo’t lola, o ng ibang kamag-anak.
Maging sensitibo rin sa damdamin ng sinumang mga bata sa inyong nursery na may pisikal na kapansanan. Magtuon sa mga bagay na kayang gawin ng mga bata, huwag sa hindi nila kayang gawin. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtuturo sa mga may kapansanan, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 47–49.
Ang mga pangunahing bahagi ng mga aralin ay ipinaliliwanag sa ibaba:
Pambungad para sa Guro
Bawat aralin ay nagsisimula sa maikling paliwanag sa doktrinang ituturo, pati na mga reperensya sa banal na kasulatan. Ang pagbabasa at pagninilay sa pambungad na ito at sa kaugnay na mga banal na kasulatan ay makakatulong sa espirituwal na paghahanda ninyo sa pagtuturo ng doktrina sa mga bata sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi nilayong basahin ang pambungad na ito sa mga batang edad-nursery.
Mga Aktibidad sa Pag-aaral
Layon ng mga aktibidad sa pag-aaral na ituro ang ebanghelyo sa mga bata sa pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong:
-
Makinig tungkol sa doktrina.
-
Makakita ng isang biswal tungkol sa doktrina.
-
Kantahin (o makinig sa isang awit) tungkol sa doktrina.
-
Gumawa ng isang pisikal na aktibidad tungkol sa doktrina.
-
Magpahayag ng anuman tungkol sa doktrina.
Maghanda ng isang espesyal na lugar sa silid ng nursery na matitipon nang malapit sa inyo ang mga bata para sa mga aktibidad sa pag-aaral. Maaaring sa isang kumot o banig sa sahig, o sa mga silyang nakaayos nang pabilog. Umupo o lumuhod para malapit kayo sa mga bata at matitingnan ninyo sila sa mata. (Paalala: Manamit nang angkop para makaluhod, makaupo sa sahig, at makadukwang.)
Mga Aktibidad sa Pagtitipon: Simulan ang bawat aralin sa pagtitipon sa mga bata gamit ang isang awit o iba pang aktibidad na inaprubahan ng Simbahan. Habang iyon at iyon din ang ginagamit ninyong aktibidad sa pagtitipon linggu-linggo, malalaman ng mga bata na ang aktibidad ay tanda na nagsisimula na ang aralin, at maihahanda sila nito para sa aralin. Ang isang aktibidad sa pagtitipon ay maaaring kasingsimple ng pagpalakpak nang may ritmo at pag-anyaya sa mga bata na sabayan kayong pumalakpak. Mabisa ang halos anumang awit o aktibidad na inaprubahan ng Simbahan kung ito ay simple at lagi ninyong gagamitin linggu-linggo.
Narito ang ilang iba pang halimbawa ng mga aktibidad sa pagtitipon:
-
Kumanta ng isang awiting gusto ng mga bata, tulad ng “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3) o “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74).
-
Kantahin ang “Kung Ikaw ay Masaya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 125), gamit ang sumusunod na mga kataga:
Kung ikaw ay handa na, umupo ka.
Kung ikaw ay handa na, umupo ka.
Kung ikaw ay handa na, tiyak ang pagpapala.
Kung ikaw ay handa na, umupo ka.
-
Bigkasin ang sumusunod na activity verse (pagtula at pag-awit na may aksyon), at pasabayin ang mga bata sa mga aksyon ninyo:
Nagagalak akong makasimba ngayon, (pagdikitin ang dulo ng mga daliri sa kamay para maghugis-tore)
Para makilala si Jesus, kumanta, (isalikop ang mga kamay sa bibig) at magdasal. (humalukipkip)
Opsyonal na mga Aktibidad
Bawat aralin ay nagmumungkahi ng 2 hanggang 4 na opsyonal na mga aktibidad na mapagpipilian ninyo para idagdag sa aralin kung gusto ninyo. Magagamit din ninyo ang mga aktibidad na ito sa ibang mga pagkakataon sa klase ng nursery. Marami sa mga aktibidad na ito ang nangangailangan ng dagdag na paghahanda. Kung wala kayong mapagkunan ng mga kailangan, gumamit ng mga kahalintulad nito. Maaaring manggaling sa Primary budget ang pera para sa mga suplay na ito.
Mga Biswal
Bawat aralin ay may dalawang pahina ng mga biswal: isang larawang may kulay at isang drowing. Layon nitong suportahan ang mga alituntuning itinuturo sa aralin sa pamamagitan ng mga larawan. May mga mungkahi sa paggamit ng mga biswal sa mga aralin.
Mga Tip sa Pagtuturo
Sa gawing kanan ng bawat pahina ay may mga mungkahi at ideyang makakatulong para matagumpay ninyong maituro ang aralin. Ilan dito ay mga mungkahi tungkol sa pagtuturo ng isang partikular na aktibidad, pero karamihan ay mga pangkalahatang alituntuning magagamit anumang oras kayo magturo sa mga batang paslit.
Musika sa Klase ng Nursery
Ang mga batang edad-nursery ay handa at sabik matuto tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at makakatulong ang musika para matuto sila. Ang musika ay nag-aanyaya sa Espiritu, at makalilikha ito ng kapaligirang may pagmamahal, na magpapasaya sa klase ng nursery.
Huwag mag-alala kung hindi kayo mahusay kumanta. Pakikinggan ng mga bata ang mga kataga, mamasdan ang inyong mukha, at masisiyahan sa himig sa halip na magtuon sa kakayahan ninyong kumanta.
Mga Paraan sa Paggamit ng Musika
Iba’t iba ang mga layunin ng musika sa klase ng nursery. Magagamit ninyo ito para:
-
Batiin ang mga bata. Halimbawa, makakapagpatugtog kayo nang mahina habang papasok ang mga bata sa nursery.
-
Ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Karamihan sa mga aralin sa manwal na ito ay nagmumungkahi ng mga awiting nauugnay sa paksa ng aralin.
-
Tulungang maghanda ang mga bata sa pagsisimula ng ibang aktibidad— halimbawa, para magkaroon ng mapitagang kapaligiran sa paghahanda para sa oras ng aralin.
-
Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na gumalaw at magsaya.
-
Sanayin ang mga bata sa mga awiting kakantahin nila sa Primary.
Pagtulong na Makalahok ang mga Bata
Para maituro sa mga bata ang isang awit, kantahin nang dalawang beses ang isang maikling linya pagkatapos ay pasabayin sila sa inyong pagkanta. Purihin sila sa kanilang mga pagsisikap. Sa una maaaring isa o dalawang kataga lamang ang kantahin nila, at baka nga hindi pa kumanta ang mga batang musmos, pero matututo at matutuwa pa rin silang makinig sa inyong pagkanta. Matutuwa rin silang gumawa ng mga simpleng aksyon na babagay sa mga awit. Kalaunan matututuhan nila ang mga titik at sasabayan na kayo sa pagkanta, lalo na kung uulitin ninyo ang mga kanta.
Iba pang mga Sanggunian
Ang mga titik sa ilang awit ay kasama sa mga aralin sa manwal na ito. Magagamit din ninyo:
-
Ang Aklat ng mga Awit Pambata at mga audio recording ng mga awit sa Primary. Mas angkop sa mga batang edad-nursery ang mga awiting simple at paulit-ulit ang mga kataga. Maaari kayong magdagdag ng mga simpleng aksyon na iminumungkahi ng mga titik.
-
Ang Web site ng musika ng Simbahan, www.lds.org/churchmusic. Dito ay maririnig ninyo ang tugtog sa mga awit sa Aklat ng mga Awit Pambata at sa himnaryo.
-
Ang tulong ng inyong Primary music leader.
Mga Magiging Problema at mga Posibleng Solusyon
Ang sumusunod ay ilang karaniwang problemang maaaring mangyari sa klase ng nursery at ilang mungkahi sa paglutas sa mga ito. Sa lahat ng sitwasyon, taos na purihin ang bata kapag angkop ang kanyang pag-uugali. Ang piliting sumunod ang mga bata ay hindi solusyon sa mga problema sa pag-uugali. Tandaan na mahalagang makaranas ang bawat bata ng pagmamahal at kasayahan sa klase ng nursery.
Problema |
Posibleng Solusyon |
---|---|
Inihatid ng magulang ang anak sa klase ng nursery, at umiyak ang bata nang tangkaing umalis ng magulang. |
Papanatilihin ang magulang hanggang tumahan at mapanatag ang bata. Sikaping akitin ang bata sa aktibidad na idinaraos sa klase ng nursery, at pasalihin siya. |
Ang isang bata ay parang takot sa inyo o sa ibang mga bata, pagala-gala sa nursery, o ayaw makihalubilo kaninuman. |
Magpasensya; huwag piliting sumali ang bata. Hayaang makilala muna niya kayo, ang ibang mga bata, at ang paligid. Paminsan-minsan ay aliwin ang bata, at patuloy siyang pasalihin sa aktibidad. Magbigay-katiyakan na mamahalin at masisiyahan ang mga bata sa klase ng nursery. |
Nakakapit sa inyo ang isang bata at laging nagpapapansin sa inyo. |
Ang mga batang musmos ay nangangailangan ng pagmamahal at pansin. Ang pagkausap at pakikihalubilo sa bata nang may pagmamahal ay madalas makasiya sa kanya. Pagkatapos ay hikayatin ang bata na sumali sa mga aktibidad sa nursery. |
Ayaw maupo nang tahimik at makinig ang isang bata sa aralin. Ginugulo o iniinis niya ang ibang mga bata. |
Maitutuon ng isang nursery leader ang pansin ng bata sa aktibidad habang nagtuturo ang isa pang lider. Ang pagbibigay sa bata ng isang bagay na mahahawakan ay makakatulong para aktibo siyang makalahok sa aralin. Maaaring kailanganin ninyong patabihin ang bata sa pangalawang guro para ligtas ang ibang mga bata at matuto sila sa aralin. Laging tandaang makihalubilo sa mga bata nang may pagmamahal at pagsuporta. |
Tumayo at lumakad ang isang bata palayo bago natapos ang isang aktibidad. |
Maging listo at alamin ang mga pangangailangan, gusto, at ikli ng pansin ng bawat bata. Abangan ang mga palatandaan na naiinip na ang bata para maiakma ninyo ang aktibidad sa kanyang mga pangangailangan. Habang nangangasiwa ang isang guro sa aktibidad, mayayaya at mahihikayat ng isa pang guro ang isang batang nawalan ng gana. Huwag piliting makilahok ang isang bata sa anumang aktibidad. |
Pinag-aawayan ng mga bata ang isang laruan. |
Mahirap magbigayan ang mga batang musmos. Maaaring kailanganin ninyong mamagitan para tulungan silang lutasin ang problema o pigilin silang magsakitan. Magmungkahi ng mga paraan para sabay nilang malaro ang laruan, o ibaling ang kanilang pansin sa ibang mga laruan at aktibidad. Tiyaking may sapat na mga laruan para sa bawat bata. Purihin ang mga bata sa paglalaro nang maayos. |
Nagsimulang maglaro nang magulo ang isang bata— ibinabato, iwinawasiwas, o pinupukpok ang mga laruan. |
Kailangan ninyong makialam sa pag-uugaling ito. Kailangang maging ligtas ang kapaligiran ng klase ng nursery para sa mga bata. Magiliw na ipaliwanag sa bata na hindi siya maaaring maglaro nang ganito, at ituon ang kanyang pansin sa ibang laro. Purihin ang bata sa kanyang wastong pag-uugali. |
Nagsimulang umiyak at umungot ang isang bata. Nang subukan ninyo siyang patahanin, sabi niya, “Ayaw ko sa iyo” o “Hindi ikaw ang nanay ko” at nagpipiglas. |
Ibaling ang pansin ng bata sa mga bagay na nangyayari sa nursery o sa isang laruan o aklat. Maaari nitong mapatahan ang bata. Kung hindi siya mapatahan, dalhin ang bata sa kanyang magulang. |