Karagdagang Resources sa Pagtuturo sa mga Bata
Aralin 29: Nabuhay na Mag-uli si Jesucristo (Paskua)


29

Nabuhay na Mag-uli si Jesucristo (Paskua)

Pambungad para sa Guro

Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:

Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, lahat ay magdaranas ng pisikal na kamatayan. Pagkamatay natin, humihiwalay ang ating espiritu sa ating katawan. Nang mabuhay na mag-uli si Jesucristo, muling nagsama ang Kanyang katawan at espiritu, at hindi na kailanman maghihiwalay. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22; Alma 11:42–45). Ang pag-unawa at patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng galak at pag-asa (tingnan sa Isaias 25:8; Alma 22:14).

Mga Aktibidad sa Pag-Aaral

Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.

Panalangin

Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.

Kuwento

Ipakita ang larawan sa pahina 122. Ituro ang mga detalye sa larawan habang ikinukuwento ninyo sa napakasimpleng paraan ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa Juan 19:41–42; 20:1, 11–16). Ang sumusunod ay isang halimbawa:

Pagkamatay ni Jesus, nalungkot nang husto ang Kanyang mga kaibigan (sabihin sa mga bata na palungkutin ang kanilang mukha). Inilagak nila ang katawan ni Jesus sa isang libingan, na parang isang kuweba (ituro ang libingan sa larawan). Isang malaking bato ang iginulong sa harapan ng pasukan nito (pagkunwariin ang mga bata na nagpapagulong ng malaki at mabigat na bato). Pagkaraan ng tatlong araw (ipataas sa mga bata ang tatlong daliri), inalis ng dalawang anghel ang bato. Muling nabuhay si Jesus! (Ituro si Jesus sa larawan.) Siya ay nabuhay na mag-uli (tulungan ang mga bata sa pagsambit ng “nabuhay na mag-uli”). Tuwang-tuwa ang mga kaibigan ni Jesus! Siya ay buhay, at hindi na Siya muling mamamatay! Si Maria ay isa sa mga kaibigan ni Jesus (ituro si Maria sa larawan). Nalungkot siya nang mamatay si Jesus. Nang mabuhay na mag-uli si Jesus, si Maria ang unang taong nakakita sa Kanya. Tuwang-tuwa siya dahil buhay si Jesus (sabihin sa mga bata na pasayahin ang kanilang mukha).

Sabihin sa mga bata na dahil kay Jesus, lahat ay mabubuhay na maguli at mabubuhay magpakailanman. Sabihin sa mga bata na pasayahing muli ang kanilang mukha.

Jesus and Mary by the tomb

Awit

Kantahin o bigkasin ang unang taludtod ng “Si Jesus Ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.

Si Jesus ba ay nagbangon?

Sa ikatlong araw, (itaas ang tatlong daliri)

Nabuhay muli’t

Nilisan Kanyang libingan. (humalukipkip)

Katapusan

Ipasambit sa mga bata ang, “Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli,” nang paisa-isa o padala-dalawang salita. Magbigay ng maikling patotoo sa mga bata na nabuhay na mag-uli si Jesucristo.

Panalangin

Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.

opsyonal na Mga Aktibidad

Paghahanda

  • Para sa kuwento: Kopyahin ang mga larawang guhit sa pahina 123. Kulayan ang mga ito at idikit sa makapal na papel, kung gusto ninyo. Gupitin ang bawat hugis at gupitin ang pasukan sa libingan sa tulduk-tuldok na linya.

    coloring page, Resurrection illustration
  • Para sa aktibidad sa pagkukulay: Gawan ng kopya ang pahina 123 para sa bawat bata. Gupitin ang bawat hugis at gupitin ang pasukan sa libingan.

Awit

Patayuin ang mga bata nang pabilog at paghawakin ng mga kamay. Kantahin o bigkasin ang sumusunod na mga titik sa “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 44) at gawin ang mga aksyon sa ibaba:

Si Jesucristo ay nagbangon, (lumakad nang pabilog)

Muling nabuhay.

O kaysaya; (huminto at ilagay ang mga kamay sa dibdib)

Siya ay nagbangon.

Ulitin hanggang gusto ng mga bata.

Kuwento

Muling ikuwento ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, sa pagkakataong ito gamitin ang mga larawang ginupit ninyo. Nasa ibaba ang isang halimbawa:

(Magsimula sa hugis ni Jesus na nakatayo at ang bato ay inalis mula sa pasukan ng libingan.) Pagkamatay ni Jesus, inilagak ang kanyang katawan sa isang libingan (ihiga ang hugis ni Jesus sa [likuran] ng libingan). Isang malaking bato ang pinagulong sa harapan ng pasukan (pagulungin ang bato sa pasukan ng libingan). Sa ikatlong araw dalawang anghel ang dumating at inalis ang bato (pagulungin ang bato palayo sa pasukan). Si Jesus ay nabuhay na mag-uli (ipatayo ang hugis ni Jesus). Ang Kanyang espiritu at katawan ay muling nagkasama! [Tingnan sa Susan Payson, “Easter Story,” Friend, Abr. 1995, 32–33.]

illustration diagram

Pagkukulay

Ibigay sa mga bata ang mga larawang guhit na ginupit ninyo para sa kanila. Ipakita sa kanila kung paano magagamit ang mga larawang guhit para marepaso ang kuwento ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus. Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.