13
Maaaring Magkasama-Sama ang Aking Pamilya Magpakailanman
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Ginawang posible ng Ama sa Langit na magpatuloy ang mga ugnayan ng pamilya hanggang sa kabilang buhay. Kung nabuklod ang magpapamilya sa templo at tapat nilang sinusunod ang mga kautusan, maaari silang magkasama-sama bilang pamilya magpasawalang-hanggan at mabuhay sa piling ng Ama sa Langit. (Tingnan sa Mateo 16:19; D at T 138:47–48.)
Paghahanda
Kung maaari, magdala ng isang larawan ng templo sa inyong lugar.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Larawan
Ipakita ang isang larawan ng templo sa inyong lugar (o ipakita ang larawan sa pahina 58). Sabihin sa mga bata na ito ay isang larawan ng templo. Ipaliwanag ang larawan sa kanila, na itinuturo ang tore, mga bintana, pinto, at iba pa. Ipaulit sa kanila ang salitang “templo” nang ilang beses. Pagkunwariin silang isang magandang templo sa pagsasalikop ng kanilang mga kamay sa kanilang ulunan para maghugis-tore ng templo.
Awit
Patayuin ang mga bata. Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Templo’y ibig makita. (pagdikitin ang dulo ng mga daliri sa kamay para magmukhang tore)
Doon ay pupunta (lumakad sa kinatatayuan)
Espiritu’y daramhin, (ipatong ang kamay sa tapat ng puso)
Alay ko’y dalangin. (humalukipkip)
Sabihin sa mga bata na ang templo ay bahay ng Panginoon. Ipasambit sa kanila ang, “Bahay ng Panginoon.” Bigyang-diin na ang templo ay napakaespesyal na lugar; dahil sa templo, maaaring magkasama-sama ang ating mga pamilya magpakailanman.
Activity Verse
Bigkasin ang sumusunod na activity verse at pasabayin sa inyo ang mga bata:
Ito si Inay. (itaas ang kamay; ituro ang hinlalaki)
Ito si Itay. (ituro ang hintuturo)
Ito si Kuyang matangkad. (ituro ang gitnang daliri)
Ito si Ate. (ituro ang palasingsingan)
Ito si Baby. (ituro ang kalingkingan)
Ah, mahal ko silang lahat. (ilagay ang dalawang kamay sa dibdib)
Awit
Kantahin o bigkasin ang unang dalawang linya ng koro ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98):
Mag-anak ay magsasama-sama
Sa plano ng Ama.
Pasabayin sa inyo ang mga bata sa pag-uulit ng mga linyang ito nang ilang beses at dahan-dahan.
Katapusan
Ibahagi nang maikli ang inyong damdamin tungkol sa templo. Magpatotoo na maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa activity verse: Kopyahin o gupitin ang mga finger puppet sa pahina 59 o gamitin ang mga puppet na ginawa ninyo para sa opsyonal na aktibidad sa aralin 12. Kulayan ang mga puppet kung gusto ninyo.
-
Para sa larong hulaan: Kopyahin at gupitin ang mga hugis ng mga miyembro ng pamilya sa pahina 51 o gamitin ang mga hugis na inihanda ninyo para sa aralin 11. Magdala ng pantakip sa mga hugis, tulad ng kumot o tela. Kung maaari, magdala ng isang larawan ng templo sa inyong lugar.
-
Para sa aktibidad sa pagkukulay: Kopyahin at gupitin ang mga bilog sa pahina 59 para sa bawat bata. Lagyan ng sinulid o pisi ang ibabaw ng bawat bilog para makagawa ng kuwintas.
Aktibidad sa Daliri
Sabihin sa mga bata na kailangan tayong maghanda sa pagpunta sa templo. Ipataas ang limang daliri nila, at tulungan silang maglista sa kanilang mga daliri ng limang bagay na magagawa nila para makapaghanda sa pagpunta sa templo kapag nasa edad na sila (manalangin, sumunod sa mga magulang, mahalin ang iba, magsimba, sundin ang propeta, at iba pa). Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.
Activity Verse
Ulitin ang activity verse sa pahina 56, gamit naman ngayon ang mga finger puppet.
Larong Hulaan
Ilapag ang mga hugis ng mga miyembro ng pamilya sa sahig sa tabi ng larawan ng templo (ang dala ninyo o ang nasa pahina 58). Takpan ng kumot o tela ang mga hugis. Alisin ang isa sa mga puppet. Alisin ang takip at pahulaan sa mga bata kung sino ang nawawala. Pagkatapos ay ibalik sa lugar ang nawawalang hugis at sabihin sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang lahat ng pamilya magpakailanman, na walang nawawala ni isa. Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.
Pagkukulay
Pakulayan sa mga bata ang mga kuwintas na inihanda ninyo. Habang nagkukulay sila, muling bigyang-diin ang alituntunin na dahil sa templo, maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.