14
Susunod Ako
Pambungad para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Ibinigay ng Ama sa Langit sa mga magulang ang pangunahing responsibilidad na ituro sa kanilang mga anak ang mga kautusan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, at ilayo sila sa kapahamakan. Hinihikayat Niya tayong igalang at sundin ang ating mga magulang, at binibiyayaan Niya tayo ng kaligtasan at kaligayahan kapag ginagawa natin ito. (Tingnan sa Exodo 20:12; Efeso 6:1–3; Colosas 3:20; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102.)
Paghahanda
-
Magdala ng isang kopya ng Biblia. Markahan ang Efeso 6:1 para madali ninyo itong mabuklat.
-
Markahan ang pahina 106 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa isang aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Mga Aksyon
Pagawin ng lima o anim na aksyon ang mga bata, tulad ng pagtayo, pagtaas ng mga kamay, pag-ikot, pagpalakpak, at pag-upo. Purihin sila sa pagsunod sa inyo.
Larawan
Ipahawak sa isang bata ang larawan sa pahina 62. Ituro ang ama at ina sa larawan. Ipaliwanag na pinatulong ng ama at ina ang mga anak sa hardin, at sinabi ng mga bata, “Susunod ako.” Ituro ang mga batang nasa larawan at bigyang-diin na tinutulungan nila ang kanilang mga magulang.
Banal na Kasulatan
Sabihin sa mga bata na nalaman natin sa mga banal na kasulatan na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na sundin natin ang ating mga magulang. Buklatin ang Biblia sa Efeso 6:1 at basahin ang, “Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka’t ito’y matuwid.” Ipasambit sa mga bata ang, “Susunod ako.” (Paalala: Maaaring ang ilang mga bata ay pinalalaki ng mga lolo’t lola o ng iba pang mga kamaganak. Maging sensitibo sa gayong mga kalagayan sa araling ito.)
Awit
Patayuin ang mga bata. Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Susunod Ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 71) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Pagtawag ni nanay, (isalikop ang kamay sa bibig)
Susunod ako. (tahimik na tumakbo sa kinalalagyan)
Araw-araw kong gagawin (tumangu-tango)
Ang tama’t wasto.
Pagtawag ni tatay, (isalikop ang kamay sa bibig)
Susunod ako. (tahimik na tumakbo sa kinalalagyan)
Araw-araw kong gagawin (tumangu-tango)
Ang tama’t wasto.
Ang Ama sa Langit, (yakapin ang sarili)
Mahal N’ya ako. (patuloy na yakapin ang sarili habang ibinibilingbiling ang katawan)
Araw-araw kong gagawin (tumangu-tango)
Ang tama’t wasto.
Larawan
Ipakita ang larawan ni Jesus sa pahina 106. Sabihin sa mga bata na sumunod si Jesus sa Ama sa Langit, at nais din Niyang sumunod tayo.
Katapusan
Magpatotoo na liligaya tayo kung tayo ay susunod.
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa isang bagay: Magdala ng isang kahon, basket, o ibang sisidlan na may lamang ilang bagay na nagbibigay ng proteksyon, tulad ng payong, sapatos, sumbrero, pangginaw, o guwantes. Sikaping makapagdala ng isang bagay na mahahawakan ng bawat bata.
-
Para sa aktibidad sa puppet: Kopyahin at gupitin ang larawang guhit sa pahina 63 para makulayan ng bawat bata. Idikit o iteyp sa mga patpat o supot na papel ang mga ito para makagawa ng mga puppet.
Dula-dulaan
Sabihin o gawin ninyo ng mga bata ang sumusunod:
Sabi ni Inay, “Sige na, magbihis na kayo.” Magbihis na tayo (magkunwaring nagbibihis).
Sabi ni Itay, “Sige na, maghilamos na kayo.” Maghilamos na tayo (magkunwaring naghihilamos).
Ulitin sa iba pang aksyon, tulad ng “mag-almusal na kayo,” “matulog na kayo,” at iba ba. Purihin ang mga bata sa pagsunod.
Aktibidad sa Isang Bagay
Papiliin ang isang bata ng isang bagay mula sa kahon at ipasuot ito. Sabihin sa mga bata kung anong uri ng proteksyon ang ibinibigay ng bagay na iyon (halimbawa, hindi narurumihan o nasasaktan ang ating mga paa dahil sa sapatos; hindi tayo nauulanan o naiinitan dahil sa mga payong; at iba pa). Ipaliwanag na pinananatili tayong ligtas ng mga bagay na ito; magiging ligtas at masaya rin tayo kapag sumunod tayo sa ating mga magulang.
Aktibidad sa Puppet
Pakulayan sa mga bata ang mga puppet na inihanda ninyo. Basahin ang mga tagpong ito (o lumikha ng sarili ninyo). Pagkatapos ng bawat isa, ipagamit sa mga bata ang kanilang puppet sa pagsagot ng, “Susunod ako.”
Sabi ni Inay, “Maging mabait ka sana sa kapatid mong babae.” Ano ang sasabihin ninyo?
Sabi ni Itay, “Oras na para matulog.” Ano ang sasabihin ninyo?
Sabi ni Lola, “Halinang kumain.” Ano ang sasabihin ninyo?
Sabi ng guro, “Maghanda na tayong magdasal.” Ano ang sasabihin ninyo?
Sabi ni Jesus, “Mahalin ninyo ang isa’t isa.” Ano ang sasabihin ninyo?
Mas angkop sa nakatatandang mga bata ang aktibidad na ito.