19
Maaari Akong Sumaya
Pambungad Para sa Guro
Para espirituwal na maihanda ang inyong sarili sa pagtuturo ng araling ito, basahin at pag-isipan ang sumusunod:
Gusto ng ating Ama sa langit na maging masaya tayo; ang planong nilikha Niya para sa atin ay madalas tawaging “dakilang plano ng kaligayahan”(Alma 42:8). Bagaman mahalagang bahagi ng buhay ang paghihirap, mapipili nating gandahan ang ating pananaw, at mas gaganda rin ang pananaw ng iba kapag masaya tayo.
Mga Aktibidad sa Pag-Aaral
Magsimula sa aktibidad sa pagtitipon. Para sa mga ideya, tingnan sa pahina 3.
Panalangin
Pag-alayin ng pambungad na panalangin ang isang bata.
Kuwento
Ipahawak sa isang bata ang larawan sa pahina 82. Ikuwento ang sumusunod:
Mamamasyal si Mary at ang mommy niya (ituro si Mary at ang Mommy niya sa larawan). Nakasimangot ang ilang taong nadaanan nila (pasimangutin ang mga bata). Tinanong ni Mary ang Mommy niya, “Bakit lungkot na lungkot sila?” Sabi ng Mommy niya, “Ewan ko, pero siguro puwede natin silang ngitian para sumaya sila.”
Habang namamasyal, nakita ni Mary ang isang babaeng papalapit sa kanila. Ngumiti nang husto si Mary (pangitiin nang husto ang mga bata). Pagkakita ng babae sa masayang mukha ni Mary, nginitian siya nito. Sabi ni Mary, “Totoo nga!” Sabi ng Mommy niya, “Kapag pinili nating maging masaya, sumasaya rin ang iba.”
Pangitiin ang mga bata para sa inyo. Sabihin sa kanila na nagpapasaya sa iba ang kanilang ngiti. Ipasambit sa mga bata ang “masaya.”
Awit
Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Mga Ngiti” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Kung nakasimangot ka, (batakin pababa ang sulok ng bibig para makasimangot)
Huwag patagalin. (umiling-iling)
Agad itong baliktarin
At pagngiti’y gawin. (diinan ang mga sulok ng bibig para makangiti)
Huwag nang magsimangot pa, (hataking pababa ang mga sulok ng bibig para makasimangot)
Ngumiti ka na. (diinan ang mga sulok ng bibig para makangiti)
Ang mundo ay gaganda
‘Pag laging masaya. (tumangu-tango)
Laro
Patayuin sa bilog ang mga bata. Sabihin sa kanila na magpapraktis kayong magngitian. Tumayo sa harapan ng isang bata at ngitian siya. Pangitiin ang bata. Pagkatapos ay sabihing, “Ngitian natin ang iba.” Hawakan sa kamay ang bata, puntahan ang isa pang bata, at ngumiti. Pahawakan sa pangalawang bata ang kamay ng unang bata at ngitian ang isa pang bata. Magpatuloy hanggang magkakahawak-kamay na ang lahat ng bata.
Katapusan
Sabihin sa mga bata na kapag pinipili nating maging masaya, mapapasaya rin natin ang iba. Ipasambit sa mga bata ang, “Maaari akong sumaya!”
Panalangin
Pag-alayin ng pangwakas na panalangin ang isang bata.
Opsyonal na Mga Aktibidad
Paghahanda
-
Para sa aktibidad sa pagrerepaso: • Markahan ang pahina 67 sa manwal na ito para madali ninyo itong mabuklat. Magdala ng mga larawan ng mga bagay na ipinagpapasalamat ninyo; magagamit ninyo ang mga larawan sa manwal na ito o sa mga magasin ng Simbahan, o gumawa ng sarili ninyo.
-
Para sa aktibidad sa larawang guhit: Kopyahin ang larawang guhit sa pahina 83 para sa bawat bata.
Awit
Kantahin o bigkasin ang mga titik sa “Kung Ikaw ay Masaya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 125) at gawin ang mga aksyon sa ibaba. Pasabayin sa inyo ang mga bata.
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak. (klap, klap)
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak. (klap, klap)
Kung ikaw ay masaya,
Buhay mo ay sisigla. (ngumiti; ituro ang mukha)
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak. (klap, klap)
Ulitin, at palitan ang “pumalakpak” ng ibang aksyon, tulad ng “umikot ka,” “pumadyak ka,” at iba pa.
Activity Verse
Bigkasin ang sumusunod na activity verse at pasabayin sa inyo ang mga bata:
Pagngiti’y nakakahawa. (diinan ang mga sulok ng bibig para makangiti)
Kaya ‘pag malungkot ako. (batakin ang mga sulok ng bibig para makasimangot)
Nginingitian ko ang iba, (diinan ang mga sulok ng bibig para makangiti)
At sumasaya ako! (ilagay ang dalawang kamay sa dibdib)
Pagrerepaso
Ulitin ang dalawang aktibidad sa larawan mula sa aralin 15 (mga pahina 64 at 65). Ipaliwanag na ang pag-alaala sa lahat ng magagandang bagay na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ay magpapasaya sa atin.
Larawang Guhit
Bigyan ang bawat bata ng mukhang nakangiti at nakasimangot na nasa pahina 83. Patingnan sa mga bata ang kopya nila ng mga larawan habang kinakanta ninyong muli ang awit na “Mga Ngiti.” Ipabaligtad sa kanila ang mga mukhang nakasimangot para lumitaw ang mukhang nakangiti sa mga angkop na oras ng awitin.