Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 13–19. Mosias 1–3: “Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao”


“Abril 13–19. Mosias 1–3: ‘Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Abril 13–19. Mosias 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagtuturo si Haring Benjamin sa kanyang mga tao

Minerva K. Teichert (1888–1976), King Benjamin’s Farewell Address, 1935, langis sa masonite, 36 x 48 pulgada. Brigham Young University of Art

Abril 13–19.

Mosias 1–3

“Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao”

Maraming alituntunin sa Mosias 1–3 na maaari mong talakayin sa klase mo. Ipagdasal na patnubayan kang malaman kung aling mga alituntunin ang magiging pinakamakabuluhan sa mga tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magkuwento tungkol sa pag-aaral nila o ng kanilang pamilya ng Mosias 1–3, anyayahan silang ibahagi sa isa pang tao ang isang talata na para sa kanila ay nagbibigay-inspirasyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mosias 2:1–9

Ang pagtanggap ng salita ng Diyos ay nangangailangan ng paghahanda.

  • Maaaring ang isang paraan para makapagsimula ng talakayan tungkol sa paghahandang matanggap ang salita ng Diyos ay pag-usapan ang mga bunga ng paghahanda—o hindi paghahanda—para sa iba pang mga bagay. Halimbawa, maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung paano naapektuhan ng kanilang paghahanda o hindi paghahanda ang isang karanasan nila sa eskuwela o sa trabaho o sa iba pang aktibidad. Pagkatapos nilang magbahagi, maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na basahin ang Mosias 2:1–9, na hinahanap ang mga ginawa ng mga tao ni Haring Benjamin para maghandang tanggapin ang salita ng Diyos. Maaaring saliksikin ng natitirang kalahati ang mga talata ring iyon, na hinahanap naman ang mga ginawa ni Haring Benjamin na nagpapakita ng kanyang damdamin tungkol sa salita ng Diyos at sa pangangailangang ibahagi ito. Pagkatapos ay hilingin sa bawat grupo na ibahagi ang kanilang mga ideya. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito na makakatulong sa atin na matanggap ang salita ng Diyos?

Mosias 2:10–26

Kapag naglilingkod tayo sa iba, naglilingkod din tayo sa Diyos.

  • Si Haring Benjamin ay isang ulirang lingkod ng Diyos at ng mga nasa paligid niya. Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng klase mo mula sa kanya para matulungan sila sa mga pagsisikap nilang maglingkod sa iba? Isiping magpasimula ng talakayan sa paghiling sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga balakid na kinakaharap ng mga tao sa paglilingkod sa iba—tulad ng mga dahilan kaya hindi tayo naglilingkod o mga dahilan kaya hindi gaanong nakakatulong ang ating paglilingkod gaya ng inaasahan. Pagkatapos ay maaari nilang pag-aralan ang Mosias 2:10–26 at ilista ang mga katotohanang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa paglilingkod sa iba na makakatulong para malagpasan nila ang mga balakid na inilista nila. Ano ang magagawa ng mga tao at pamilya para makapagtuon ng pansin sa paglilingkod sa pang-araw-araw nilang buhay? Isiping ibahagi ang kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources” bilang isang mungkahi.

  • Ang isang himnong tulad ng “Isang Taong Manlalakbay” (Mga Himno, blg. 22) ay maaaring makapagbigay-diin sa mensaheng matatagpuan sa Mosias 2:17—kapag naglilingkod tayo sa iba, naglilingkod tayo sa Diyos. Paano mo maaaring gamitin ang resources na iyon para mabigyang-diin ang mensahe ni Haring Benjamin? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang karanasan nila nang paglingkuran nila ang iba o paglingkuran sila ng isang tao nang katulad ni Cristo. Bilang bahagi ng inyong talakayan, isiping ibahagi ang siping ito mula kay Pangulong Henry B. Eyring: “Kapag tinulungan natin ang sinuman, nadarama ito ng Tagapagligtas na para bang Siya ang tinulungan natin” (“Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?Ensign o Liahona, Mayo 2015, 22). Sa palagay ninyo, bakit tayo naglilingkod sa Diyos kapag naglilingkod tayo sa ibang tao?

dalawang babaeng magkayakap

Ang paglilingkod sa iba ay nagpapadama sa atin ng pagmamahal ng Diyos.

Mosias 2:38–41

Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na “isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos,” maaaring makatulong na magsimula sa isang kahulugan ng kaligayahan. Paano ilalarawan ng mga miyembro ng klase ang kaligayahang nagmumula sa pagsunod sa Diyos? Marahil ay maaari nilang isipin na kunwari’y may kaibigan silang nagsasabi na masaya siya kahit hindi niya sundin ang mga kautusan. Anyayahan silang basahin ang Mosias 2:38–41 at talakayin kung paano nila maipauunawa sa kanilang kaibigan ang pagkakaiba ng makamundong kaligayahan sa walang-hanggang kaligayahan. Anong mga karanasan o halimbawa mula sa buhay ng mga tao ang maibabahagi ng mga miyembro ng klase na nagpapakita ng walang-hanggang kaligayahan?

Mosias 3:1–20

Dumarating ang kaligtasan “sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoon.”

  • Kasama sa mensahe ni Haring Benjamin ang malakas at malinaw na mga propesiya tungkol sa pagsilang, ministeryo, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata mula sa Mosias 3:1–20 na partikular na nakaaantig at nagpapaunawa sa kanila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Hilingin na ibahagi nila kung bakit sila naaantig sa mga talatang ito.

  • Itinuturo sa pambungad sa Aklat ni Mormon na ang aklat ay “nagbabanghay ng plano ng kaligtasan.” Para makita ng mga miyembro ng klase kung paano nakakatulong ang sermon ni Haring Benjamin na isakatuparan ang layuning ito ng Aklat ni Mormon, maaari mong isulat sa pisara ang Ginagawang Posible ni Jesucristo ang Kaligtasan. Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Mosias 3:1–20, at pagkatapos ay maaaring ilista mo o nila sa pisara ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa plano ng kaligtasan. Itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang natutuhan nila kung paano ginagawang posible ni Jesucristo ang plano ng kaligtasan. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mosias 3:18–19 at ibahagi kung ano ang kailangan nating gawin para maging mga banal at tumanggap ng kaligtasan. Paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na isakatuparan ito? Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Naranasan na ba ng mga miyembro ng klase mo na binago sila ng isang doktrinang itinuro sa isang mensahe, lesson, o talata sa banal na kasulatan? Sabihin sa kanila na mababasa nila sa Mosias 4–6 ang malaking epekto ng mga katotohanang itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Paglilingkod sa iba.

Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ilang taon na ang nakalilipas nabasa ko ang isang artikulong isinulat ni Jack McConnell, MD. Lumaki siya sa mga burol ng timog-kanlurang Virginia sa Estados Unidos bilang isa sa pitong anak ng isang ministrong Metodista at inang namamalagi sa tahanan. Simple lang ang buhay nila noon. Naaalala niya na noong bata pa siya, sa araw-araw na pag-upo ng pamilya sa paligid ng mesa ay itinatanong ng tatay niya [sa bawat isa], ‘At ano ang ginawa [mo] ngayon para sa isang tao?’ Ang mga bata ay determinadong gumawa ng mabuti araw-araw para makapag-ulat sa kanilang ama na may natulungan sila. Para kay Dr. McConnell ang gawaing ito na pinakamahalagang pamana ng kanyang ama, dahil ang ekspektasyon na iyon at mga salitang iyon ang naging inspirasyon niya at ng kanyang mga kapatid sa pagtulong sa iba sa buong buhay nila. Nang tumanda na sila, ang kagustuhan nilang makapaglingkod ay nagbago at naging marubdob na hangaring tulungan ang iba.

“Bukod sa pagiging bantog na doktor ni Dr. McConnell … bumuo siya ng samahan na tinatawag niyang Volunteers in Medicine, na nagbigay ng pagkakataon sa mga retiradong tauhan ng medisina na magboluntaryo sa mga free clinic na naglilingkod sa mga taong walang [insurance]. Sinabi ni Dr. McConnell na ang oras niya sa paglilibang simula nang magretiro ay ‘naging 60-oras bawat linggo ng libreng pagtatrabaho, na ang [kanyang] enerhiya ay nadagdagan at may nadarama siyang kasiyahan sa [kanyang] buhay na wala doon noon.’ [Jack McConnell, “And What Did You Do for Someone Today?” Newsweek, Hunyo 18, 2001, 13.] …

“Siyempre, hindi puwedeng maging Dr. McConnells tayong lahat, na nagtatatag ng mga medical clinic para tulungan ang mahihirap; kaya lang, laging nariyan ang mga pangangailangan ng iba, at may magagawa ang bawat isa sa atin para makatulong sa iba. …

“Mga kapatid, napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala, o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin. … Nawa ay itanong natin sa sarili ang tanong na bumungad kay Dr. Jack McConnell at sa kanyang mga kapatid sa bawat gabi sa hapunan: ‘Ano ang nagawa ko ngayon para sa isang tao?’” (“Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?Ensign o Liahona, Nob. 2009, 84–87).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging kasangkapan ng Espiritu. Ang layunin mo bilang guro ay hindi para maglahad kundi para tulungan ang iba na matanggap ang impluwensya ng Espiritu Santo—ang tunay na guro. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10.)