Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay: “Babangon Siya … na may Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”


“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nabuhay na mag-uling Cristo kasama ang Kanyang mga Apostol

Christ and the Apostles, ni Del Parson

Marso 30–Abril 12

Pasko ng Pagkabuhay

“Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”

Ang Linggo ng Pagkabuhay ay isang napakagandang pagkakataon para mapalakas ng mga miyembro ng klase mo ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli—at mapalakas ang patotoo ng isa’t isa. Isaisip ito habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan bilang paghahanda para sa lesson na ito. Humingi ng espirituwal na patnubay kung ano ang aantig sa puso ng mga tao sa klase mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring nagkaroon na ang mga miyembro ng klase mo ng mga makabuluhang karanasan sa nakalipas na dalawang linggo sa pagbasa sa itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bigyan sila ng ilang minuto para maghanap ng isang talata na nakaantig sa kanila, at pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang nakita nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Nephi 9:7–15; Alma 11:41–45; 40:21–23

Pagkabuhay na Mag-uli ang permanenteng pagsasanib na muli ng katawan at espiritu.

  • Maaaring maging epektibong paraan ang mga pagkukumpara para ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaari mo sigurong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang 2 Nephi 9:7–15 at Alma 11:41–45 at tukuyin ang mga salita at parirala sa mga talatang ito na nagtuturo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Saan ikinukumpara ang kamatayan? Paano inilarawan ang pagkabuhay na mag-uli? Bakit natin kailangan ang nabuhay na mag-uling katawan? (tingnan din sa D at T 93:33–34). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nila maaaring gamitin ang mga pagkukumparang ito para magturo sa isang tao tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga ideya sa klase, maaari mong talakayin sa kanila kung bakit nila pinahahalagahan ang mga katotohanang ito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga pagkakataon na nagpasalamat sila sa kanilang kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Paano mas regular na maiimpluwensyahan ng kaalamang iyon ang ating buhay? Maaari mong tulungan ang mga miyembro ng klase mo na sagutin ang tanong na ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa bawat isa sa kanila na saliksikin ang 2 Nephi 9:7–15; Alma 11:41–45; o Alma 40:21–23 at ilista sa pisara ang mga katotohanang makikita nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na dalawang pangungusap at hilingin sa mga miyembro ng klase na magnilay-nilay nang ilang minuto bago ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang mga ito: Kung hindi ko alam ang mga bagay na ito… at Dahil alam ko ang mga bagay na ito….

nagdarasal si Cristo sa Halamanan ng Getsemani

Gethsemane, ni Michael T. Malm

Mosias 3:5–7; 15:5–9; Alma 7:11–13

Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan, pasakit, at kahinaan.

  • Ang pagninilay at pagtalakay sa pagdurusa ng Tagapagligtas alang-alang sa atin ay mag-aanyaya sa Espiritu at maghihikayat ng damdamin ng pagmamahal at pasasalamat sa Tagapagligtas. Para mahikayat ang gayong pagninilay at talakayan, maaari kang magdrowing ng tsart sa pisara na katulad ng iminungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at anyayahan ang mga miyembro ng klase na kumpletuhin ito gamit ang Mosias 3:5–7; 15:5–9; at Alma 7:11–13 at ang sarili nilang mga karanasan. Ayon sa patnubay ng Espiritu, maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa nagawa ni Jesucristo para sa kanila.

  • Ang sagradong musika ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at magpatibay sa doktrinang itinuturo mo. Marahil ay maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Mosias 3:5–7; 15:5–9; at Alma 7:11–13 at hanapin at kantahin ang mga himno na nadarama nilang tumutugma sa mga mensahe sa mga talatang ito (maaari mo ring anyayahan ang isang tao na kantahin o tugtugin ang mga himno). Makakatulong ang scripture index na nasa likod ng himnaryo, at may iba pang mga himnong iminungkahi sa “Karagdagang Resources.” Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga parirala mula sa mga himno at talata sa banal na kasulatan na tutulong sa kanila na mas pahalagahan ang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Enos 1:1–19; Mosias 5:1–2; 27:8–28:4; Alma 24:7–19

Nililinis tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at tinutulungan tayong maging perpekto.

  • Ang isang mabisang paraan para matuto tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na baguhin ang ating buhay ay pag-aralan ang mga halimbawa kung paano Niya nabago ang buhay ng iba nang magsisi sila at lumapit sa Kanya. Maraming gayong halimbawa sa Aklat ni Mormon. Marahil ay maaari mong atasan ang bawat miyembro ng klase na magbasa tungkol sa isa sa mga halimbawang ito, tulad ni Enos (tingnan sa Enos 1:1–19), mga tao ni Haring Benjamin (tingnan sa Mosias 5:1–2), Nakababatang Alma (tingnan sa Mosias 27:8–28:4), o mga Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 24:7–19), o maaari silang mag-isip ng iba pang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay maaaring ibuod ng ilang miyembro ng klase ang mga karanasang nababasa nila. Marahil ay masisiyahan ang klase mo na gawin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga clue para mahulaan ng iba pa sa klase kung sino ang inilalarawan nila. Maaari din nilang talakayin ang mga tanong na gaya nito: Paano nagbago ang mga tao sa mga halimbawang ito? Ano ang papel na ginampanan ng Tagapagligtas sa kanilang pagbabago? Marahil ay maaaring ikuwento ng ilang miyembro ng klase kung paano nakagawa ang Tagapagligtas ng “malaking pagbabago … sa [kanilang] puso” (Mosias 5:2). Para malaman ang iba pa kung paano tayo binabago ng Tagapagligtas—at kung bakit napakahalaga ng pagbabagong iyon—maaari mong ibahagi sa klase ang analohiyang ibinigay ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources.”

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Mosias 1–3, maaari mo silang anyayahan na pagnilayan ang isang pagkakataon na nadama nila ang hangaring magalak matapos basahin o pakinggan ang isang mensahe ng ebanghelyo. Anyayahan silang maghanap ng mga katotohanang ikagagalak nila kapag binasa nila ang Mosias 1–3.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga himno tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang mga video ng Tabernacle Choir at Temple Square na kumakanta ng ilan sa mga himnong ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Analohiya: Kailangan ay hindi lang tayo malinis.

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang analohiya para ipaliwanag kung paano tayo inihahanda ng Tagapagligtas na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos:

“[Iniisip] nating ang mga bunga ng pagsisisi ay paglilinis lamang sa atin mula sa kasalanan, ngunit kulang ang pananaw na iyan. … Ang taong nagkakasala ay tulad ng isang puno na madaling humapay dahil sa hangin. Kapag mahangin at maulan, ang puno ay humahapay hanggang sa lupa kaya’t ang mga dahon ay napuputikan, tulad ng kasalanan. Kung nakatuon lamang tayo sa paglilinis ng mga dahon, ang kahinaan ng puno kaya ito humahapay at nadurumihan ang mga dahon nito ay naroon pa rin. Gayundin na ang isang taong nalulungkot lamang sa duming dulot ng kasalanan ay magkakasalang muli sa susunod na pag-ihip ng hangin. Patuloy pa rin ang paghapay nito hangga’t hindi napapalakas ang puno.

“Kapag ang tao ay dumaan sa proseso na nagbubunga ng tinatawag sa banal na kasulatan na ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu,’ hindi lamang nililinis ng Tagapagligtas ang taong iyon mula sa kasalanan. Binibigyan Niya ito ng panibagong lakas. Ang pagpapalakas ay kailangan natin upang matanto ang layunin ng paglilinis, ang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Para makapasok sa Kanyang kinaroroonan, kailangang hindi lang tayo basta malinis. Kailangan din tayong magbago mula sa isang taong mahina na nagkasala at maging isang taong malakas at may espirituwal na kakayahang mamuhay sa piling ng Diyos” (“Ang Pagbabayad-sala at Pananampalataya,” Liahona, Abr. 2008, 12–13).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mamuhay nang marapat sa patnubay ng Espiritu. Kapag ipinamumuhay mo ang ebanghelyo, karapat-dapat ka sa patnubay ng Espiritu, na siyang tunay na guro. Kapag hinangad mo ang Kanyang patnubay, bibigyan ka ng Espiritu Santo ng mga ideya at impresyon kung paano tutugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga tinuturuan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 5.)