“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon: Pinapatnubayan Niya Ako na Gawin ang Kanyang Kalooban,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 23–29. Enos–Mga Salita ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Marso 23–29.
Enos–Mga Salita ni Mormon
Pinapatnubayan Niya Ako na Gawin ang Kanyang Kalooban
Maghandang magturo sa pamamagitan ng pagbasa sa Enos–Mga Salita ni Mormon at paggawa ng isang teaching plan (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 19). Ang mga mungkahi at doktrina sa outline na ito ay makapagbibigay rin sa iyo ng mga ideya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa bahay, maaari mo silang igrupu-grupo at atasan ang bawat grupo na basahin ang isa sa mga kabanata sa Enos–Mga Salita ni Mormon. Hilingin na magmungkahi sila ng mga talata mula sa kabanatang iyon na sa tingin nila ay dapat talakayin ng klase. Ilista ang mga talatang ito sa pisara, at pumili ng ilang tatalakayin.
Ituro ang Doktrina
Mapapatawad tayo mula sa ating mga kasalanan kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo.
-
Narito ang ilang tanong na maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan at talakayin habang pinag-aaralan ninyo ang Enos 1:1–17: Ano ang matututuhan natin mula sa mga karanasan ni Enos tungkol sa pagtanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan? Paano ipinamalas ni Pablo ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo? Paano nakaapekto ang karanasang ito kay Enos at ano ang tingin niya sa kanyang sarili at sa iba?
Ang ating taos-pusong mga panalangin ay masasagot.
-
Para mapalalim ng mga miyembro ng klase ang kanilang pagkaunawa sa panalangin, maaari mo silang hatiin sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa sumusunod na mga talata mula sa Enos 1: mga talata 2–8, 9–11, o 12–17. Pagkatapos ay hilingin sa bawat grupo na ituro sa iba pa sa klase ang natutuhan nila tungkol sa panalangin mula sa mga talatang nakaatas sa kanila. Halimbawa, maaari mo silang anyayahan na magbahagi ng mga salita at parirala na naglalarawan kung paano nanalangin si Enos.
-
Bukod pa sa pag-aaral kung paano nanalangin si Enos, marami rin tayong matututuhan mula sa kung ano ang ipinagdasal ni Enos. Marahil ay maaaring tukuyin ng mga miyembro ng klase kung sino o kung ano ang ipinagdasal ni Enos sa Enos 1:4–17. Ayon sa mga talatang ito, bakit hinangad ni Enos na ipagdasal ang iba? Anong iba pang mga katotohanan tungkol sa panalangin ang matututuhan natin mula kay Enos?
Kung susundin natin ang mga utos, uunlad tayo.
-
Nagsulat si Jarom at ang mga manunulat ng Omni tungkol sa bansa ng mga Nephita, ngunit ang kanilang mga mensahe ay angkop din sa mga indibiduwal. Ano ang matututuhan natin mula sa mga aklat nina Jarom at Omni kung paano humahantong ang kabutihan sa kaunlaran? (halimbawa, tingnan sa Jarom 1:7–12 at Omni 1:5–7, 12–18). Maaaring makatulong na ipaliwanag ng mga miyembro ng klase kung ano ang kaunlaran gamit ang diksyunaryo at mga banal na kasulatan (halimbawa, tingnan sa Alma 37:13; 48:15). Paano maikukumpara ang pakahulugan ng mundo sa pakahulugan ng Panginoon? Paano tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na umunlad?
-
Tulad ng masigasig na pagsisikap ng mga propetang Nephita na ituro ang mga kautusan sa mga tao, nagtuturo din sa atin ang ating mga propeta sa mga huling araw tungkol sa mga kautusan. Matapos basahin ang Jarom 1:9–12, maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase ang mga turo ng mga pinuno ng Simbahan kamakailan na naghihikayat sa kanila na sundin ang mga kautusan. Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang mga mensahe sa nakaraang kumperensya sa mga magasin ng Simbahan o sa Gospel Library app. O kaya’y maaari nilang rebyuhin ang mga pamantayang tinalakay sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kung kailangan, maaari kang sumangguni sa listahan ng mga mensahe sa “Karagdagang Resources.” Paano tayo natutulungan ng pagsunod sa mga kautusan na “umunlad” sa buhay?
Dinala ng Panginoon ang maraming tao sa lupang pangako.
-
Ang Aklat ni Mormon ay may isang masalimuot na kasaysayan, at mahirap subaybayan ang iba’t ibang grupo ng mga tao na inilalarawan nito. Maaaring ang isang paraan para malaman ang tungkol sa bawat isa sa mga tao sa Aklat ni Mormon ay gumawa ng isang tsart sa pisara at anyayahan ang klase na punan ito ng impormasyon tungkol sa bawat grupo ng mga tao (tulad ng mga Nephita, Lamanita, at mga mamamayan ng Zarahemla). Halimbawa, maaaring isulat sa tsart ang sumusunod na mga heading: Pangalan ng grupo, Kailan at paano sila dumating, at Ano ang nangyari sa kanila. Sama-samang talakayin kung bakit makakatulong na maunawaan ang mga bagay na natutuhan ninyo tungkol sa bawat grupo. Makakatulong ang mga entry na ito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (ChurchofJesusChrist.org): “Coriantumer,” “Jaredita, mga,” “Lamanita, mga,” “Mulek,” “Nephita, mga,” at “Zarahemla.”
Kikilos ang Diyos sa pamamagitan natin kung susunod tayo sa Kanyang patnubay.
-
Bilang bahagi ng isang talakayan tungkol sa Mga Salita ni Mormon, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na pumasok na handang ibahagi kung bakit nahikayat si Mormon na isama ang maliliit na lamina (1 Nephi–Omni) sa Aklat ni Mormon. Maaaring maghanda ang miyembrong ito ng klase sa pamamagitan ng pagbasa sa Mga Salita ni Mormon at iba pang resources, tulad ng Doktrina at mga Tipan 10:8–19, 39–45; outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya; at kabanata 5 ng Mga Banal, tomo 1. Hikayatin siyang isama ang kaugnay na mga detalye tungkol sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon at kung bakit kinailangang ipalit ang maliliit na lamina sa nawalang mga pahina. Anong mga katotohanan ang matututuhan ng mga miyembro ng klase mula rito kung paano kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng tao? Ano ang nakita ng mga miyembro ng klase sa Mga Salita ni Mormon 1:1–8 na naghihikayat sa kanila na sundin ang patnubay ng Diyos kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang mga dahilan?
-
Pinagpala ni Mormon ang buhay ng milyun-milyon dahil sinunod niya ang mga paramdam ng Espiritu tungkol sa maliliit na lamina (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:7). Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang mga miyembro ng klase mo na maunawaan na mapagpapala rin nila ang iba kapag hinangad nilang maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at sinunod nila ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Paano kumilos ang Diyos sa pamamagitan ni Mormon? Ano ang nakita ng mga miyembro ng klase na ginawa ng Panginoon sa pamamagitan nila o ng iba nang dinggin nila ang Espiritu at hinangad nilang gawin ang kalooban ng Diyos? Ang kuwento tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson sa “Karagdagang Resources” ay naglalaan ng isang halimbawa na maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga halimbawa mula sa sarili nilang buhay.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Dahil paparating na pareho ang pangkalahatang kumperensya at Pasko ng Pagkabuhay sa susunod na ilang linggo, hikayatin ang mga miyembro ng klase na pakinggan ang mga mensahe kung saan ibinabahagi ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang espesyal na pagsaksi kay Jesucristo.
Karagdagang Resources
Mga Video ng Aklat ni Mormon tungkol kay Enos.
Maghanap ng mga video na nagpapakita ng mga salaysay mula sa aklat ni Enos sa Book of Mormon video collections sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagsunod sa mga kautusan.
-
Thomas S. Monson, “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 83–85
-
Dieter F. Uchtdorf, “Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 120–23
-
Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 72–75
“Kamayan ang bawat bata.”
Samantalang naglilingkod si Pangulong Thomas S. Monson bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nagsalita siya sa isang pagtitipon ng mga batang Primary sa isang nayon sa Samoa. Pagkatapos, nahikayat siyang batiin nang personal ang bawat isa sa 247 batang dumalo. Gayunman, natanto niya na wala na siyang oras; sinubukan niyang kalimutan ang pagbati sa mga bata ngunit hindi niya magawa.
Sa huli ay bumaling siya sa guro ng mga bata at nagsabing, “Gustung-gusto kong kamayan ang bawat bata. Posible kaya?”
Ngumiti ang guro at kinausap ang mga bata sa wikang Samoan. Sabik silang nagtanguan. Pagkatapos ay sinabi ng guro kay Elder Monson na nang malaman niya na bibisita ang isa sa Labindalawang Apostol sa Samoa, nangako siya sa mga bata na kung taimtim silang magdarasal at mananampalataya, bibisita si Elder Monson sa kanilang nayon at hihikayatin ng Espiritu Santo na kamayan ang bawat bata (tingnan sa Thomas S. Monson, “Friend to Friend: Talofa Lava,” Friend, Mayo 1972, 12–13).