“Marso 9–15. Jacob 1–4: ‘Makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 9–15. Jacob 1–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Marso 9–15
Jacob 1–4
Makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo
Maraming turo sa Jacob 1–4 na angkop sa ating panahon. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, isipin kung paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na mamuhay ayon sa doktrinang itinuro ni Jacob.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para makapagbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga kabatiran mula sa Jacob 1–4, maaari mo silang bigyan ng maliliit na papel at anyayahan silang isulat ang isang scripture reference mula sa mga kabanatang ito na makabuluhan sa kanila. Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan, dumukot ng ilan, at anyayahan ang mga taong sumulat sa mga reperensya na ibahagi ang kanilang mga kabatiran.
Ituro ang Doktrina
Jacob 1:6–8, 15–19; 2:1–11; 4:18
Ang mabubuting pinuno ay masigasig na nagsisikap para sa kapakanan ng mga kaluluwa.
-
Maaari kang magpasimula ng talakayan tungkol sa masigasig na mga pagsisikap ni Jacob sa kanyang mga tao sa paghiling sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na napagpala sila ng paglilingkod ng isang pinuno ng Simbahan. O kaya’y hilingin sa isang lokal na lider ng Simbahan—noon o ngayon—na ikuwento ang isang pagkakataon na naging inspirado siyang paglingkuran ang isang tao. Pagkatapos ay maaaring hanapin ng mga miyembro ng klase ang mga salita at parirala sa Jacob 1:6–8, 15–19; 2:1–11; at 4:18 na nagpapaunawa sa atin kung ano ang nadama ni Jacob tungkol sa kanyang calling at sa mga taong pinaglingkuran niya. Paano natin nakita na ginagampanang mabuti ng ating mga lider ang kanilang tungkulin? Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito tungkol sa paraan na dapat nating suportahan ang ating mga lider?
Dapat nating iwasan ang kapalaluan at tulungan ang mga nangangailangan.
-
Matindi ang mga babala ng Panginoon sa mga Nephita tungkol sa kapalaluan. Para mapasimulan ang talakayan tungkol sa paksang ito, maaari mong kontakin nang maaga ang ilang miyembro ng klase at hilingin na humanap sila ng mga paraan na hinihikayat ni Satanas ang pagmamahal sa kayamanan sa ating mundo ngayon. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi sa klase ang napansin nila. Maaaring magpares-pares ang mga miyembro ng klase sa pagbabasa ng Jacob 2:12–21 at hanapin kung ano ang itinuro ng Panginoon kung paano natin dapat ituring ang materyal na yaman. Pagkatapos ay maaari silang gumawa at magbahagi ng isang poster na nagtataguyod sa alituntuning iyon. Magbigay ng oras para mapagnilayan ng bawat miyembro ng klase kung ano ang magagawa nila para magamit ang natutuhan nila mula sa mga mensahe ni Jacob.
-
Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase mo ang Jacob 2:12–21 at isulat ang sarili nilang mga tanong na idaragdag sa listahan ni Elder Perry. Ano ang idinaragdag ng pahayag ni Elder Perry sa “Karagdagang Resources” sa pagkaunawa natin sa mga turo ni Jacob?
Nalulugod ang Panginoon sa kalinisang-puri.
-
Itinuro ni Elder David A. Bednar na nabubuhay tayo “sa daigdig na lumalait sa kasagraduhan ng kapangyarihang lumikha ng buhay at humahamak sa kahalagahan ng buhay ng tao” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 41–44). Paano mo maaaring tulungan ang mga miyembro ng klase na gamitin ang Jacob 2:23–35 para labanan ang mga mensahe ng mundo tungkol sa kalinisang-puri? Maaaring ang isang paraan ay isulat sa pisara ang Ano ang pakiramdam ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri? at anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga sagot sa tanong. Ang ilan sa kanila ay maaaring magsaliksik sa Jacob 2:23–35, at ang iba naman ay sa mensahe ni Elder Bednar na binanggit sa itaas. Maaari nilang ilista sa pisara ang mga sagot na nakita nila. Para matalakay ang mga pamantayan at pagpapalang kaakibat ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, maaari mong rebyuhin ang “Kadalisayan ng Puri” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37) o ipakita ang isa sa mga video na nakalista sa “Karagdagang Resources.” Ano ang mga pagpapala ng malinis na pamumuhay?
Naniwala ang mga Nephita kay Jesucristo.
-
Gustong ipaalam sa atin ni Jacob na kahit nabuhay sila ng kanyang mga tao nang daan-daang taon bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, alam nila ang tungkol sa Kanya at inasam na mailigtas Niya. Ayon sa Jacob 4:4–5, bakit sinunod ng mga Nephita ang batas ni Moises? Ano ang mayroon tayo sa ating panahon na nagtutuon ng ating mga kaluluwa sa Tagapagligtas? Anong mga simbolo o pagkakatulad ang ginamit ni Jacob para magturo tungkol kay Jesucristo? (tingnan din sa Genesis 22:1–13).
Maiiwasan ko ang espirituwal na pagkabulag sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa Tagapagligtas.
-
Mayroon bang sinuman sa klase mo na nagpasuri sa mata kamakailan? Kung mayroon, maaari mong hilingin sa taong iyon na ilarawan kung paano sinuri ng doktor ang kanyang paningin. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng maging espirituwal na bulag. Paano naging katulad ng pisikal na pagkabulag ang espirituwal na pagkabulag? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga paraan na masusuri natin kung tayo ay espirituwal na bulag. Maaari din nilang rebyuhin ang Jacob 4:8–18 at magmungkahi sila ng ilang bagay na magagawa natin para pag-ibayuhin ang ating kakayahang “makita” ang mga espirituwal na bagay.
-
Nagbalangkas si Elder Quentin L. Cook ng apat na paraan na maaaring tumingin ang mga tao “nang lampas sa tanda” sa ating panahon (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Ano ang idinaragdag ng kanyang sinabi sa pagkaunawa natin sa Jacob 4:13–15? Ano ang ibig sabihin ng tumingin nang lampas sa tanda? Paano natin maiiwasang tumingin nang lampas sa tanda?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang Jacob 5–7, sabihin sa kanila na makikita nila ang sagot sa tanong sa Jacob 4:17 kapag binasa nila nang may panalangin ang susunod na tatlong kabanata.
Karagdagang Resources
Ang ating saloobin sa materyal na kayamanan
Sa pagtukoy sa Jacob 2:13–19, itinuro ni Elder L. Tom Perry: “Kailangan nating isapuso ang payo ni Jacob. Dapat nating basahin ang talatang ito sa banal na kasulatan na para bang isinulat ito talaga para sa atin sa mga panahong ito, dahil totoo iyan. Ang kanyang mga salita ay dapat maging dahilan para masusi nating tanungin ang ating sarili. Nasa tamang ayos ba ang mga bagay-bagay sa sarili nating buhay? Namumuhunan ba tayo, una sa lahat, sa mga bagay na likas na walang hanggan? Mayroon ba tayong walang-hanggang pananaw? O kaya’y nahulog na ba tayo sa bitag na mamuhunan muna sa mga bagay ng mundong ito at pagkatapos ay kalimutan ang Panginoon?” (“United in Building the Kingdom of God,” Ensign, Mayo 1987, 34).
Pagtingin nang lampas sa tanda
Nagbalangkas si Elder Quentin L. Cook kung paano tayo maaaring tumingin “nang lampas sa tanda”:
“Pagpapalit sa mga katotohanan ng ebanghelyo ng mga pilosopiya ng tao”
“Ang ilang tao ay tila ikinahihiya ang kapayakan ng mensahe ng Tagapagligtas. Ninanais nila na dagdagan ng kasalimuutan at maging ng kalabuan ang katotohanan upang ito ay maging mapanghamon sa intelektuwal o mas maging bagay sa kasalukuyang mga paniniwala sa akademya. … Tumitingin tayo nang lampas sa tanda kapag tumatanggi tayo na tanggapin ang payak na mga katotohanan ng ebanghelyo sa kung ano talaga ang mga ito.”
“Panatismo sa ebanghelyo”
“Tumitingin tayo nang lampas sa tanda kapag iniaangat natin ang anuman sa mga alituntunin, gaano man kahalaga ito, sa isang antas na magpapahina sa ating [katapatan] sa iba pang kasing-halagang alituntunin o kapag tayo ay naninindigan nang laban sa mga turo ng mga Kapatid.”
“Mga diumano ay gawang kabayanihan bilang kapalit ng pang-araw-araw na paglalaan”
“May mga miyembro na nagsasabi na ilalaan nila ang kanilang sarili nang may kasiglahan kapag binigyan ng mataas na katungkulan, ngunit nakikita nila ang home teaching o visiting teaching [tinatawag na ngayong ministering] na hindi maituturing na kabayanihan upang paglaanan ng ganap na paglilingkod.”
“Pagturing sa mga patakaran nang higit sa doktrina”
“Ang mga nakahandang sumunod sa mga patakaran nang walang pagtukoy sa doktrina at alituntunin ay madaling makagawa, lalung-lalo na, ng pagtingin nang lampas sa tanda” (“Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Ensign o Liahona, Mar. 2003, 21–24).