Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 16–22. Jacob 5–7: “Gumagawa ang Panginoon na Kasama Natin”


“Marso 16–22. Jacob 5–7: ‘Gumagawa ang Panginoon na Kasama Natin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 16–22. Jacob 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

mga lalaking nagtatrabaho sa isang kakahuyan ng mga punong olibo

Alegoriya ng Punong Olibo, ni Brad Teare

Marso 16–22

Jacob 5–7

Gumagawa ang Panginoon na Kasama Natin

Simulan ang paghahanda mong magturo sa pagbasa sa Jacob 5–7 nang personal at kasama ang pamilya mo. Ano ang natutuhan mo na lubos na makakatulong sa mga tinuturuan mo? Ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng iba pang mga ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ano ang nakita ng mga miyembro ng klase sa Jacob 5–7 na naghikayat sa kanila na “makagawa sa olibohan” kung saan sila nakatira? (Jacob 5:15).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Jacob 5

Inaanyayahan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod na gumawang kasama Niya sa Kanyang olibohan.

  • Dahil mahaba at medyo kumplikado ang talinghaga ng mga puno ng olibo, maaari kayong magtulungan bilang isang klase na gumawa ng maikling buod ng talinghaga. Halimbawa, maaari mong idrowing ang mga pangunahing bahagi ng talinghaga sa pisara o gumawa ka ng time line ng mga pangyayari (para sa halimbawa, tingnan ang diagram sa dulo ng outline na ito). Maaaring dagdagan ng mga miyembro ng klase ng mga scripture reference o paglalarawan ang drowing at talakayin kung ano ang kahulugan ng ilan sa mga simbolo, tulad ng likas at ligaw na mga puno ng olibo, Panginoon ng olibohan, tagapagsilbi, at mabuti at masamang bunga. Sa talakayang ito, rebyuhin ang mga talata 61–75, na naglalarawan sa gawain ng Panginoon sa ating panahon. Paano tayo naglilingkod sa olibohan ng Panginoon? Paano nauugnay ang mga talatang ito sa gawaing ginagawa natin?

  • Ang mga salita ng “Panginoon ng olibohan” ay maaaring magpalubag ng loob ng mga magulang ng suwail na mga anak. Halimbawa, ano ang iminumungkahi sa Jacob 5:41, 46–47 tungkol sa nadarama ng ating Ama sa Langit tungkol sa Kanyang mga anak na naliligaw ng landas? Paano Niya sinisikap na iligtas sila? (tingnan sa mga talata 61–75).

  • Itinuturo sa Jacob 5:61–75 na ang Panginoon ay gumagawa na kasama ng Kanyang mga tagapagsilbi sa Kanyang olibohan. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito sa maliliit na grupo at talakayin ang mga karanasan na nagpakita sa kanila na ang Panginoon ay gumagawa na kasama ng Kanyang mga lingkod para isulong ang Kanyang gawain. Anong iba pang mga kabatiran ang maidaragdag ng mga miyembro ng klase sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan”? (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 81–84).

    matandang mag-asawa sa harap ng computer kasama ng iba

    Makakagawa tayo na kasama ng “Panginoon ng olibohan” dito sa lupa.

Jacob 6:3–13

Naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga tao nang may pagmamahal at awa.

  • Inaanyayahan tayo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ang Jacob 6:3–5 para sa mga mensaheng gustong bigyang-diin ni Jacob at pagkatapos ay hanapin sa mga mensaheng iyon ang talinghaga ng mga puno ng olibo (tingnan sa Jacob 5). Marahil ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na makinig mula sa mga taong gumawa ng aktibidad na ito o mula sa paggawa ng aktibidad na ito bilang isang klase. Maaari nilang ilista sa pisara ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nakita nila sa Jacob 6. Pagkatapos, sa ilalim ng bawat katotohanan, maaari nilang ilista ang mga talata mula sa talinghaga sa Jacob 5 na nagpaparating ng mensaheng iyon. Paano nailarawan ng mga miyembro ng klase ang mga mensaheng ito sa kanilang sariling buhay?

  • Ang isang kahulugan ng salitang mangunyapit ay kumapit nang mahigpit, mabuti, at walang pag-aalinlangan. Maaari mong ibahagi ang kahulugang ito sa klase mo at itanong kung anong mga kabatiran ang ibinibigay nito sa kanila tungkol sa Jacob 6:5.

Jacob 7:1–23

Makapaninindigan tayong mabuti kapag hinahamon ng iba ang ating pananampalataya.

  • Karamihan sa atin ay nakaranas na ng oposisyon sa ating pananampalataya tulad ni Jacob nang makausap niya si Serem. Ang isang paraan para matulungang maghanda ang mga miyembro ng klase para sa gayong oposisyon ay ipasaliksik sa kanila ang Jacob 7:1–23 para sa mga alituntunin na nakatulong kay Jacob na manindigan. Anong iba pang mga halimbawa ng matatag na paninindigan sa ating pananampalataya ang maibabahagi natin—mula sa mga banal na kasulatan, sa kasaysayan ng ating pamilya, o sa sarili nating buhay? Marahil ay may mga mensahe mula sa mga pinuno ng Simbahan na nakatulong sa atin nang hangarin ng iba na mawalan tayo ng pananampalataya (tingnan, halimbawa, sa Quentin L. Cook, “Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 40–43). Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga mensaheng nakatulong sa kanila.

    7:33
  • Nang harapin ni Serem si Jacob, hinangad niyang mawalan ng pananampalataya si Jacob, ngunit di-natinag ang pananampalataya ni Jacob (tingnan sa Jacob 7:5). Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng klase na isadula ang pag-uusap nina Jacob at Serem, gamit ang Jacob 7:1–23 bilang script. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga taktika at turo ng mga taong kumakalaban sa gawain ng Diyos? Ano ang matututuhan natin mula kay Jacob kung paano maging mas matatag ang ating pananampalataya?

Jacob 7:24–25

Maaari tayong magtiwala sa Diyos.

  • Nabuhay ang mga Nephita na palaging may banta ng pagsalakay ng mga Lamanita. Bagama’t maaaring hindi tayo maharap sa araw-araw na banta ng pisikal na pakikipaglaban, anong espirituwal na mga panganib ang kinakaharap natin? Ano ang matututuhan natin mula sa pagtugon ng mga Nephita sa kanilang sitwasyon, na inilarawan sa Jacob 7:24–25? Maaari mong kantahin o basahin at pagkatapos ay talakayin ang mga himno ng Simbahan na gumagamit ng mga labanan bilang metapora, tulad ng “O mga Sundalong Sakop ni Cristo” o “Masdan! Hukbong Kaygiting” (Mga Himno, blg. 149, 153).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang aklat ni Enos, sabihin sa kanila na matuturuan sila nitong gawing mas makabuluhan ang kanilang mga dalangin.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isentro ang iyong pagtuturo sa doktrina. Tiyaking nakatuon ang mga talakayan ng klase mo sa batayang doktrina sa mga banal na kasulatan. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paghiling sa mga miyembro ng klase na basahin ang mga banal na kasulatan at pagkatapos ay ibahagi ang mga katotohanang nakita nila, pati na rin ang mga karanasan nila sa pamumuhay ayon sa mga katotohanang iyon. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20–21.)