“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30: ‘Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Pebrero 24–Marso 1. 2 Nephi 26–30,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Pebrero 24–Marso 1
2 Nephi 26–30
“Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”
Alalahanin na ang tahanan ang dapat maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Ang personal na pag-aaral mo at pag-aaral ng iyong pamilya ng 2 Nephi 26–30 ang dapat maging batayan ng paghahanda mong magturo. Magplano ng mga paraan para mapagbatayan, mapatibay, at mahikayat ang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga tao sa klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sa simula ng lesson, bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay mula sa 2 Nephi 26–30 na natagpuan nilang makabuluhan nang mag-aral sila sa tahanan. Halimbawa, maaari mong hilingin na ibahagi nila nang maikli ang isang talatang nakatulong sa kanila na maunawaan ang ating panahon at mga hamong kinakaharap natin.
Ituro ang Doktrina
Lahat ng bagay na ginagawa ng Panginoon ay dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin.
-
Kung inspirado kang talakayin ang mga turo ni Nephi tungkol sa pagmamahal ng Panginoon, maaari mo ring subukan ito: Matapos ninyong sama-samang basahin ang 2 Nephi 26:24, anyayahan ang mga miyembro ng klase na gumawa ng listahan ng mga bagay na nagawa ni Jesucristo para sa kanila nang dahil sa pagmamahal. Paano Niya “[inilalapit] ang lahat ng tao sa kanya”? Ano ang inspirado tayong gawin bilang tugon sa Kanyang mga pagpapahayag ng pagmamahal?
-
Ang mga paanyaya ng Panginoon sa 2 Nephi 26:24–28, 33 ay malalakas na katibayan ng Kanyang pagmamahal. Ang isang paraan na maaari mong matulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang mga paanyayang ito ay hilingan silang ibuod ang mensahe ng Panginoon sa mga talatang ito sa isang pangungusap. Marahil ay handang ibahagi ng ilang miyembro ng klase ang kanilang buod. Paano maaaring makaimpluwensya ang mga talatang ito sa paraan ng pag-anyaya natin sa iba na lumapit kay Cristo? Hikayatin ang klase na itala ang ilan sa kanilang mga naiisip at nadarama. Para maanyayahan ang Espiritu, isiping magpatugtog ng recording ng isang himno tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas, tulad ng “Magsipaglapit kay Jesucristo” (Mga Himno, blg. 68), habang nagninilay ang mga miyembro ng klase.
Ang Aklat ni Mormon ay mahalaga sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.
-
Ang mga tao sa klase mo ay maaaring mangailangan ng kaunting tulong sa pag-unawa sa propesiya sa 2 Nephi 27 tungkol sa isang aklat na mahigpit na nakasara at sa isang taong marunong. Maaaring makatulong ang kuwento sa kasaysayan sa “Karagdagang Resources.” Aakma ba sa klase mo kung isasadula nang maikli ng ilang miyembro ng klase ang mga pangyayaring inilarawan sa salaysay na ito at sa 2 Nephi 27:15–22? Bakit kaya ipinakita kay Nephi ang mga pangyayaring ito nang napakaaga? Ano ang itinuturo sa atin ng propesiya ni Nephi tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isa’t isa kung paano sila nagkaroon ng sariling patotoo sa Aklat ni Mormon.
-
Mayroon ba sa klase mo na maaaring magbahagi ng isang karanasan nang mag-anyaya sila ng isang tao na basahin ang Aklat ni Mormon? Ano ang ilang dahilan para hindi tanggapin ng isang tao ang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon? Ang tugon ng Panginoon sa gayong dahilan ay matatagpuan sa 2 Nephi 29:6–11. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga talatang ito at pagkatapos ay isadula kung paano sila maaaring tumugon nang may pagmamahal sa isang taong nagsasabi na hindi kailangan ang Aklat ni Mormon. Ano ang iba pang mga ideya ng mga miyembro ng klase kung paano nila matutulungan ang iba na “[malaman] na pagpapala [ang Aklat ni Mormon] sa kanila mula sa kamay ng Diyos”? (2 Nephi 30:6).
Hangad ni Satanas na manlinlang.
-
Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagmumungkahing saliksikin ang mga kasinungalingan ni Satanas na inilarawan sa 2 Nephi 28. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila, o maaari nilang suriing mabuti ang 2 Nephi 28 sa klase at ilista ang mga kasinungalingan ni Satanas na natukoy nila. Maaari ding makatulong na hayaan silang magbuo ng maliliit na grupo para hanapin ang mga banal na kasulatan na pinasisinungalingan ang mga panlilinlang na ito (kung kailangan nila ng tulong, maaari mong ibahagi ang mga mungkahi sa “Karagdagang Resources”). Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga grupo sa isa’t isa ang natuklasan nila at talakayin kung paano nila mapapansin ang “mali at palalo at mga hangal na doktrina” ng kaaway (2 Nephi 28:9).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaaring mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 2 Nephi 31–33 kung alam nila na nasa mga kabanatang ito ang huling nakatalang mga salita ni Nephi, kabilang na ang isa sa pinakasimple ngunit napakalinaw na mga paliwanag tungkol sa doktrina ni Cristo.
Karagdagang Resources
“Pagkatapos ay sasabihin ng marunong: Hindi ko ito mababasa” (2 Nephi 27:8).
Noong Pebrero 1828, si Martin Harris, isang kaibigan ni Joseph Smith, ay “naglakbay pasilangan patungong New York City na dala ang isang kopya ng ilan sa mga letrang nakatitik sa [ginintuang] mga lamina para ipakita ito sa mga iskolar. Marahil ay gusto niya ng dagdag na katiyakan na ang mga lamina ay tunay, o maaaring naisip niya na matutulungan sila ng isang patunay para maipangutang ang paglalathala ng pagsasalin. Ano’t anuman, iginiit niya na ang Panginoon ang nagtulak sa kanya na magbiyahe.
“Noon, si Joseph man o si Martin ay walang gaanong alam tungkol sa wika sa mga lamina. Ang alam lang nila ay ang sinabi ng anghel na si Moroni kay Joseph: na iyon ay talaan ng sinaunang Amerika. Sa gayon, sa halip na maghanap ng isang iskolar na nakakaalam ng wika ng mga taga-Egipto (kalaunan ay nalaman ni Joseph na ang wika sa mga lamina ay tinatawag na ‘binagong wika ng mga taga-Egipto’), binisita ni Martin ang ilang iskolar na interesado sa mga bagay na sinauna, lalo na ang mga sinaunang bagay sa Amerika.
“… [Kabilang sa mga iskolar na binisita ni Martin si] Charles Anthon, isang batang propesor ng grammar and linguistics sa Columbia College. Matagal nang nangongolekta si Anthon ng mga kuwento at talumpating mailalathala tungkol sa mga Indian sa Amerika at sabik siyang masiyasat ang dokumentong dala ni Martin sa kanya.
“Sabi ni Martin, sinabi raw ni Anthon na tunay ang mga letrang nakatitik hanggang sa malaman nito kung paano ito nakuha ni Joseph Smith. Iminungkahi nito na dalhin ni Martin sa kanya ang mga lamina. Tumanggi si Martin, at sumagot si Anthon, na sinasabi sa ibang mga salita ang isang talata sa Isaias, ‘Hindi ako makakabasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara.’ Bagama’t itinanggi ni Anthon kalaunan ang mga detalye ng salaysay ni Martin tungkol sa kanilang pagkikita, ito ang alam natin: tumigil si Martin sa kanyang pagbisita sa mga iskolar sa silangan na mas kumbinsido kaysa rati na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos at na ang mga lamina at ang mga letrang nakatitik doon ay sinauna. Itinuring nila ni Joseph ang pagbisita kay Anthon na katuparan ng propesiya ni Isaias (binanggit din sa Aklat ni Mormon mismo) na tungkol sa isang ‘aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabing, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka’t natatatakan’ [Isaias 29:11; tingnan din sa 2 Nephi 27:15–18]” (“The Contributions of Martin Harris,” Revelations in Context [2016], 3–4, history.ChurchofJesusChrist.org).
Mga talata sa banal na kasulatan na pinasisinungalingan ang mga panlilinlang ni Satanas.
Maling doktrina |
Tunay na doktrina |
---|---|
“Sa araw na ito ay hindi na siya Diyos ng mga himala; tapos na ang kanyang gawain” (2 Nephi 28:6). | |
“[Ang] Diyos … [ay] bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan” (2 Nephi 28:8). | |
“Mainam ang lahat sa Sion” (2 Nephi 28:21). | |
“Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo” (2 Nephi 28:22). | |
“Hindi na namin kailangan pa ng salita ng Diyos, sapagkat sapat na ang kaalaman namin” (2 Nephi 28:29). |