“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25: ‘Nagagalak Tayo kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Pebrero 17–23. 2 Nephi 11–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Pebrero 17–23
2 Nephi 11–25
“Nagagalak Tayo kay Cristo”
Bukod sa paghahalintulad ng 2 Nephi 11–25 sa sarili mo, isipin kung paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na ihalintulad ang mga kabanatang ito sa kanilang sarili (tingnan sa 2 Nephi 11:8). Kapag may ipinararating sa iyo ang Espiritu na mga kaisipan at ideya, isulat ang mga ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bago talakayin ang partikular na mga talata mula sa 2 Nephi 11–25, maaaring makatulong na hilingin sa mga miyembro ng klase na magkunwari na may kaibigan sila na nahihirapang makahanap ng anumang kabuluhan o inspirasyon sa mga isinulat ni Isaias. Ano kayang mga talata ang ibabahagi nila sa kaibigang ito?
Ituro ang Doktrina
Pinatotohanan ni Isaias si Jesucristo.
-
Maaaring mas madaling maunawaan ang mga propesiya ni Isaias kapag alam natin kung bakit isinulat ang mga ito. Para magpasimula ng talakayan tungkol sa mga propesiya ni Isaias sa 2 Nephi, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang kabanata 11 at ilista ang ilan sa mga layunin ni Nephi sa kanyang malawak na pagsipi kay Isaias. Maaari din silang magbahagi ng mga talatang natagpuan nila sa personal na pag-aaral nila o ng kanilang pamilya ng 2 Nephi 12–24 na pakiramdam nila ay tumupad sa mga layuning iyon. Paano nakatulong sa mga miyembro ng klase ang pag-unawa sa mga layunin ni Nephi para mas maunawaan ang mga isinulat ni Isaias? Hikayatin silang isaisip ang mga layuning ito habang tinatalakay nila ang mga isinulat ni Isaias sa klase.
-
Dahil gumamit si Isaias ng maraming simbolismo, madaling hindi mapuna ang kanyang malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo. Narito ang isang aktibidad na makakatulong sa klase na magtuon ng pansin sa patotoong ito. Maaari kang maghanda ng ilang papel na sinulatan ng mga scripture reference mula sa 2 Nephi 12–24 na nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas (halimbawa, 2 Nephi 13:13; 14:4–6; 15:1–7; 16:1–7; 17:14; 18:14–15; 19:6–7; 21:1–5; 22:2). Bawat miyembro ng klase ay maaaring pumili ng isa sa mga papel, pag-aralan ang mga talatang nakasulat dito, at isulat sa papel ang natutuhan niya tungkol kay Jesucristo. Pagkatapos ay maaaring magpalitan ng papel ang mga miyembro ng klase at magdagdag ng iba pang kaisipan o kabatiran na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talata ring iyon. Pagkatapos ay maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila mula sa Isaias at sa isa’t isa na nagpalalim sa pagpapahalaga nila kay Jesucristo.
-
Nakalista sa propesiya sa 2 Nephi 19:6 ang ilang titulo ni Jesucristo. Isiping hilingin sa isang tao na ilista ang mga ito sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin kung bakit bawat isa sa mga titulong ito ay akmang paglalarawan sa Tagapagligtas. Paano Niya nagampanan ang mga papel na ito sa ating buhay? Para malaman ang iba pa tungkol sa ilan sa mga titulong ito, maaaring makatulong na hanapin ang mga reperensya sa mga talababa para sa 2 Nephi 19:6.
Sa mga huling araw, titipunin ng Diyos ang mga tao at magtatamasa sila ng kapayapaan.
-
Ang ilang bahagi ng mga propesiya ni Isaias ay lalong mahalaga sa atin dahil inilalarawan ng mga ito ang mga aspeto ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Halimbawa, maaari mong suriin ang 2 Nephi 21:10–12, na naglalarawan ng “pinakasagisag” (watawat o bandila) na itataas upang tipunin ang mga tao ng Diyos. Paano natin nakitang espirituwal na tinipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao? Maaari sigurong pag-usapan ng ilang miyembro ng klase kung bakit nila gustong makitipon o makiisa sa mga tao ng Diyos sa Simbahan. Baka ikasiya pa nilang gumawa ng sarili nilang mga bandila na naglilista o naglalarawan ng ilan sa mga katotohanan ng ebanghelyo na sa pakiramdam nila ay “hinahanap” ng mga tao at makakatulong sa kanila na “tipunin” at “sama-samang tipunin” (mga talata 10 at 12) ang mga anak ng Diyos sa ating panahon. Paano tayo tumutulong sa pagtitipon?
-
Ang isa pang paraan ng pagtalakay sa doktrinang ito ay sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na mga tema: Pagkalat ng Israel, Pagtitipon ng Israel, at Mga Propesiya ni Cristo. Maaari kang mag-atas ng mga kabanata mula sa 2 Nephi 12–24 sa mga grupo ng mga miyembro ng klase at anyayahan silang hanapin ang mga talata na nagtuturo tungkol sa mga bagay na ito at isulat ang mga talatang ito sa ilalim ng tamang heading sa pisara. Ano ang mga mensahe ng mga talatang ito para sa atin? (Maaaring makatulong na sabihin sa mga miyembro ng klase na matutulungan sila ng Doktrina at mga Tipan 113:1–6 na maunawaan ang 2 Nephi 21:1–5, 10.)
-
Ang mga himnong tulad ng “Sa Tuktok ng Bundok” (Mga Himno, blg. 4) o “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49), na ang ilang bahagi ay batay sa mga propesiya sa 2 Nephi 12:2–5 at 2 Nephi 22, ay makapagbibigay-diin sa mga mensahe at diwa ng mga salita ni Isaias.
Ang ating tahanan at “mga pagtitipon” ng Sion ay maaaring maging mga lugar ng kaligtasan at kanlungan.
-
Sa 2 Nephi 14:4–6 ay nagpropesiya si Isaias tungkol sa kaligtasan at kapayapaang tatamasahin ng mabubuti kapag “nahugasan” at “nalinisan” na ng Panginoon ang kanilang mga kasalanan. Bagama’t inilalarawan sa mga talatang ito ang mga kondisyong iiral sa Milenyo, maaaring makatulong ang mga ito sa mga miyembro ng klase habang naghahangad sila ng espirituwal na kaligtasan sa gitna ng kasamaan sa mga huling araw. Anyayahan silang pagnilayan at talakayin ang ibig sabihin ng magkaroon ng “isang ulap at usok” at “isang nagniningas na apoy” sa kanilang “pook” at “mga pagtitipon” (talata 5; tingnan din sa Exodo 13:21–22). Ano ang ilang bagay na maaaring ikumpara sa init, bagyo, at ulan na binanggit sa talata 6? Paano tayo makakahanap ng kanlungan? (tingnan din sa D at T 115:6). Marahil ay maaaring magmungkahi ng mga paraan ang mga miyembro ng klase para matiyak na ang ating tahanan at mga pagtitipon sa Simbahan ay mga lugar ng espirituwal na proteksyon.
“Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo.”
-
Ang mga miyembro ng klase mo ay malamang na makaugnay sa hangarin ni Nephi na “hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo.” Paano “masigasig [na gumawa]” si Nephi para maisakatuparan ang mithiing ito? (2 Nephi 25:23). Maaari sigurong saliksikin ng mga miyembro ng klase ang 2 Nephi 25:19–29 para makita ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo na gusto ni Nephi na malaman ng kanyang mga tao. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang nagawa nila para maituro ang mga katotohanang ito sa kanilang pamilya o mga kaibigan. Halimbawa, paano nila naituro ang katotohanan na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa”? (Ang pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources” ay makapagbibigay ng ilang ideya tungkol sa katotohanang ito.) Paano nila natulungan ang iba na “magalak kay Cristo”?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Maaaring maging interesado ang mga miyembro ng klase na malaman na matutulungan sila ng 2 Nephi 26–30 na tumugon sa mga tao na nagsasabing, “Hindi namin kailangan ang Aklat ni Mormon.”
Karagdagang Resources
“Sapagka’t sa atin ay isinilang ang isang bata.”
Para makaragdag sa talakayan ninyo tungkol sa 2 Nephi 19:6, panoorin o pakinggan ang pag-awit ng Tabernacle Choir at Temple Square ng “For Unto Us A Child Is Born” (ChurchofJesusChrist.org).
“Naliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”
Sa pagbibigay ng komentaryo tungkol sa mga salita ni Nephi sa 2 Nephi 25:23, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Kung minsa’y naiisip ko kung nagkakamali tayo sa pag-unawa sa mga katagang ‘sa kabila ng lahat ng ating magagawa.’ Kailangan nating maunawaan na ang ‘sa kabila’ ay hindi katumbas ng ‘dahil.’
“Hindi tayo naliligtas ‘dahil’ sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? Naghihintay ba ang Diyos hanggang sa maubos natin ang lahat ng pagsisikap bago Siya makialam sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya? …
“Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala [tingnan sa 2 Nephi 4:19–35; Alma 34:31]. Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid ‘na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos’ [2 Nephi 25:23].
“Kunsabagay, iyan ang ating magagawa! At iyan ang ating gawain sa mortalidad!” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 110).