Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: “Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”


“Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: ‘Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nakatingin si Lehi sa Liahona

Si Lehi at ang Liahona, ni Joseph Brickey

Enero 27–Pebrero 2

1 Nephi 16–22

“Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”

Habang binabasa mo ang 1 Nephi 16–22, pag-isipan kung paano maaaring makatulong sa mga tao sa klase mo ang halimbawa ni Nephi sa pagharap sa mga hamon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Nakita ni Nephi ang kahalagahan ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa kanyang sarili at sa kanyang mga tao (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga alituntunin na natutuhan nila mula sa salaysay tungkol sa paglalakbay ni Nephi patungo sa lupang pangako na may kaugnayan sa sarili nilang buhay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

1 Nephi 16:10–16, 23–31; 18:10–13, 20–22

Gumagamit ang Diyos ng maliliit na pamamaraan para isakatuparan ang mga dakilang bagay.

  • May maiisip ka ba, o ang isang tao sa klase mo, na isang maliit na bagay na magagamit para magawa ang isang malaking bagay? (tingnan sa 1 Nephi 16:29). Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang natutuhan nila tungkol sa alituntuning ito matapos basahin ang mga talatang ito nang mag-isa o grupu-grupo: 1 Nephi 16:25–31; Alma 37:3–8; at Doktrina at mga Tipan 64:33; 123:12–17. Paano nagamit ng Diyos ang maliliit na pamamaraan para isakatuparan ang mga dakilang bagay sa ating buhay?

  • Maaaring makinabang ang klase mo sa pagtalakay kung paano pinapatnubayan ng Ama sa Langit ang ating landas. Para makapagsimula, maaari mong hilingin sa klase na talakayin ang mga alituntuning nagpagana sa Liahona (tingnan sa 1 Nephi 16:10–16, 23–31; 18:10–13, 20–22; tingnan din sa Alma 37:38–47). Paano maituturing na “maliliit na pamamaraan” ang mga alituntuning ito? Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang mga bagay na nailaan ng Diyos para gabayan tayo (tingnan ang “Karagdagang Resources” para sa mga ideya). Anong maliliit na hakbang ang magagawa natin para matanggap ang patnubay ng Diyos?

ginagamit ni Lehi ang Liahona

Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot, ni Clark Kelley Price

1 Nephi 16:18–32; 17:7–16; 18:1–4

Kapag sinunod natin ang mga utos, tutulungan tayo ng Diyos na harapin ang mga hamon.

  • Ang mga miyembro ng klase mo ay maaaring nahaharap sa mga gawain at hamon na mukhang imposible. Paano mo magagamit ang karanasan ni Nephi sa sarili niyang mga tungkulin na mukhang imposibleng gawin—ang pakainin ang kanyang pamilya sa ilang at gumawa ng barko—para matulungan sila? Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang 1 Nephi 16:18–32; 17:7–16; at 18:1–4, na naghahanap ng mga alituntunin na makakatulong sa kanila kapag naharap sila sa mabigat na hamon (halimbawa, itinuturo sa 1 Nephi 16:24–26 na ang pagdarasal at pagpapakumbaba ay nagtutulot sa atin na tumanggap ng inspirasyon at patnubay mula sa Diyos). Maaari kang magsimula sa pagbibigay sa kanila ng halimbawa ng isang alituntuning nakita mo sa mga talatang ito. Kapag nagbahagi sila ng kanilang natuklasan, maaari din silang magbahagi ng mga personal na karanasang may kaugnayan dito.

1 Nephi 16:18–32; 17:7–22

Ang pananampalataya ay humahantong sa pagkilos.

  • Ang mga karanasan ni Lehi at ng kanyang pamilya sa ilang ay naglalarawan ng kapangyarihan ng pananampalataya at ng mga bunga ng kawalan ng paniniwala. Para matuklasan ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanang ito, maaari mong isulat ang mga tanong na ito sa pisara: Paano kumilos si Nephi ayon sa kanyang pananampalataya? Paano siya napagpala dahil dito? Ano ang mga bunga ng kawalan ng paniniwala nina Laman at Lemuel? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na grupu-grupong hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa 1 Nephi 16:18–32 o 17:7–22 at ibahagi ang natuklasan nila.

1 Nephi 19:22–24

Maihahalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhan kung paano ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili, maaari nilang basahin ang mga halimbawa kung paano ito ginawa ni Nephi. Halimbawa, sa 1 Nephi 4:1–3 at 17:23–32, 41–45, anong mga alituntunin ang itinuro ni Nephi sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa sitwasyon ng kanyang pamilya? Ang salaysay ni Elder Robert D. Hales sa “Karagdagang Resources” ay naglalarawan kung paano tayo mapagpapala ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating sarili. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na tukuyin ang mga hamong kinakaharap nila o ng mga miyembro ng kanilang pamilya at pagkatapos ay hanapin ang mga salaysay sa banal na kasulatan na maaaring magbigay sa kanila ng mga ideya at tulong para sa mga sitwasyong iyon. Ayon sa 1 Nephi 19:22–24, paano tayo mapagpapala ng paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating sarili?

  • Ang pagtalakay sa 1 Nephi 19:22–24 ay maaaring maging magandang pagkakataon para maibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila “inihahalintulad ang mga banal na kasulatan” sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya, pati na rin ang mga pagpapalang natanggap nila sa paggawa nito. Isiping ilista sa pisara ang mga ideya ng mga miyembro ng klase kung paano ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili (para sa ilang mungkahi, tingnan ang listahan sa “Karagdagang Resources”). Sa susunod na klase, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan nang gamitin nila ang mga ideya sa listahan.

1 Nephi 20–21

Titipunin ng Panginoon ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw.

  • Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang makabuluhang mga turong natagpuan nila sa 1 Nephi 20–21, isiping sumulat ng mga heading na katulad nito sa pisara: Mga Anak ni Israel, Pamilya ni Lehi, at Mga Tao sa Ating Panahon. Bigyan sila ng panahong rebyuhin ang 1 Nephi 20–21 at ilista sa ilalim ng bawat heading kung paano naaangkop ang mga propesiya ni Isaias sa mga grupong ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 2 Nephi 1–5, anyayahan silang pag-isipan kung ano ang sasabihin nila sa kanilang pamilya kung maikli ang buhay nila sa lupa. Ipaliwanag na ang unang ilang kabanata ng 2 Nephi ay naglalaman ng huling mensaheng ibinigay ni Lehi sa kanyang pamilya.

icon ng resources

Karagdagang Resources

 

  

Ang Ating “mga Liahona.”

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Kumikilos ang Espiritu Santo sa ating buhay katulad mismo ng ginawa ng Liahona para kay Lehi at sa kanyang pamilya, alinsunod sa ating pananampalataya at pagsisikap at pagsunod” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 31).

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2005, sinabi ni Elder Lowell M. Snow ng Pitumpu: “Ang pangkalahatang kumperensyang ito mismo ay isang makabagong Liahona, isang panahon at lugar upang tumanggap ng inspiradong patnubay at direksyon na nagpapaunlad sa atin” (“Kompas ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 97).

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang Panginoon ding iyon na naglaan ng isang Liahona para kay Lehi ang naglalaan para sa inyo at sa akin ngayon ng isang pambihira at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay. … Ang kaloob na tinutukoy ko ay kilala bilang ang inyong patriarchal blessing” (Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65).

Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating sarili.

Itinuro ni Elder Robert D. Hales:

“Ilang taon na ang nakararaan, tinuturuan ko ang anak kong lalaki tungkol sa buhay at mga karanasan ng kapatid ni Jared. Bagama’t nakakatuwa ang kuwento, hindi siya nakaugnay. Tapos ay itinanong ko kung ano ang kahulugan sa kanya ng kuwento. Napakahalagang itanong sa ating mga anak na, ‘Ano ang kahulugan nito sa iyo?’ Sabi niya, ‘Alam ninyo, walang ipinag-iba iyan sa ginawa ni Joseph Smith sa kakahuyan nang magdasal siya at makatanggap ng sagot.’

“Sabi ko, ‘Halos kaedad mo si Joseph. Palagay mo ba’y makakatulong sa iyo ang dasal na tulad ng sa kanya?’ Kapagdaka’y hindi na kuwento sa malayong lupain ang pinag-uusapan namin. Ang usapan ay tungkol na sa aming anak—ang buhay niya, pangangailangan, at kung paano makakatulong sa kanya ang pagdarasal.

“Bilang mga magulang, responsibilidad nating tulungan ang ating mga anak na ‘[ihalintulad sa atin at sa ating mga anak] ang lahat ng banal na kasulatan [lahat ng bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo], … para sa kapakinabangan at kaalaman [ng ating mga pamilya]’” (“Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 90).

Mga mungkahi para sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan.

  • Pag-isipan ang mga pangyayari o sitwasyon sa ating panahon na kahalintulad ng nasa mga banal na kasulatan na binabasa mo.

  • Hanapin kung ano ang nalalaman, natututuhan, o ginagawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na maaaring makatulong sa iyo sa isang personal na problema o tanong sa kasalukuyan.

  • Tukuyin ang mga alituntunin mula sa kuwentong iyon na makakatulong sa sarili mong mga sitwasyon.