Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 20–26. 1 Nephi 11–15: “Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”


“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15: ‘Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

mga taong kumakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay

Sweeter Than All Sweetness, ni Miguel Ángel González Romero

Enero 20–26

1 Nephi 11–15

“Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”

Simulan ang paghahanda mong magturo sa pamamagitan ng pagbasa sa 1 Nephi 11–15. Itala ang mga iniisip at impresyon mo tungkol sa mga talata at alituntunin na hihikayatin mong talakayin ng mga miyembro ng klase. Makakatulong ang mga ideya sa ibaba.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang mga kabanatang ito ay may mga alituntunin na maaaring gustong isaalang-alang ng mga miyembro ng klase kapag nagbabahagi sila ng ebanghelyo sa iba. Isiping isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga bagay na natagpuan nila sa kanilang pagbabasa sa linggong ito na makakasagot sa mga tanong na ito:

  • Ano ang Apostasiya at ang Pagpapanumbalik?

  • Bakit kailangan ang Aklat ni Mormon?

  • Paano ko malalaman ang mga katotohanan ng Diyos para sa aking sarili?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

1 Nephi 11:1–5, 13–33

Isinugo ng Diyos si Jesucristo bilang pagpapakita ng Kanyang pag-ibig.

  • Ipinakita ng isang anghel kay Nephi ang mga simbolo at pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas na nagpapamalas ng pag-ibig ng Diyos. Maaaring makatulong na suriin ang mga simbolo at pangyayaring ito sa klase at talakayin kung paano ipinamamalas ng mga ito ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Mayroon ka bang maipapakitang mga larawan, video, o iba pang visual aid na nagpapakita ng ilan sa mga pangyayari sa mga talatang ito? (tingnan, halimbawa, sa biblevideos.ChurchofJesusChrist.org). Paano ka natutulungan ng buhay at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na maunawaan ang pag-ibig ng Diyos para sa iyo?

1 Nephi 12–15

Tutulungan tayo ng Diyos na labanan ang impluwensya ni Satanas.

  • Maaaring ang pakiramdam ng mga miyembro ng klase mo kung minsan ay parang sila ang mga tao sa pangitain ni Nephi na gumagala-gala sa abu-abo ng kadiliman o kinukutya ng mga nasa malaki at maluwang na gusali. Maaari mong itanong sa klase kung bakit magandang simbolo ng tukso ang abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 12:17) at kung bakit magandang simbolo ng mga walang kabuluhang guni-guni at kapalaluan ng sanlibutan ang malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 12:18). Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga kabanata 12–15 sa mga miyembro ng klase at anyayahan silang maghanap ng mga talatang nagtuturo kung paano tayo tutulungan ng Diyos na madaig ang tukso, kayabangan, at kapalaluan (tingnan, halimbawa, sa 1 Nephi 13:34–40; 14:14).

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na mas maunawaan ang kapangyarihang nagmumula sa salita ng Diyos? (tingnan sa 1 Nephi 15:24). Maaari mo silang anyayahan na talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang natutuhan ni Nephi tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos? Paano sinisikap ni Satanas na sirain ang salita ng Diyos? (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29). Ano ang ginawa ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta para pangalagaan ang Kanyang salita? Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong hilingin sa ilang miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at kung ano ang ginagawa nila para gawing bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang salita ng Diyos.

1 Nephi 13

Naghanda ng daan ang Panginoon para sa Pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan.

  • Makakatulong siguro ang isang time line para maunawaan ng mga miyembro ng klase ang pangitain ni Nephi tungkol sa mga pangyayari sa Pagpapanumbalik. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na gawin ito sa pisara, sa mga pangyayaring nakikita nilang nakalarawan sa 1 Nephi 13. Alin sa mga pangyayaring ito ang naganap na? Alin ang nangyayari ngayon? Isiping ibahagi ang sipi sa “Karagdagang Resources” ni George Washington, ang unang pangulo ng Estados Unidos, na nagpapakita na kinilala niya ang impluwensya ng Diyos sa American Revolution, isang pangyayaring naghanda ng daan para sa Pagpapanumbalik.

  • Paano magagamit ng mga miyembro ng klase ang 1 Nephi 13 para ipaliwanag sa isang taong kasapi sa ibang relihiyon kung bakit kinailangan ang Pagpapanumbalik? (halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 13:26–29, 35–42). Anong iba pang mga banal na kasulatan ang maaaring gamitin ng mga miyembro ng klase para maipaunawa sa iba kung bakit kinailangan ang Pagpapanumbalik? (para sa ilang halimbawa, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo”). Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa pagdudula-dulaan kung paano nila ipaliliwanag sa isang tao ang pangangailangan para sa Pagpapanumbalik at kung paano sila napagpala nito.

1 Nephi 13:20–41

Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng malilinaw at mahahalagang katotohanan.

  • Makakatulong na gamitin ang 1 Nephi 13:20–41 para magpasimula ng talakayan kung bakit kailangan natin ang Aklat ni Mormon. Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase ang ilan sa “malilinaw at mahahalagang bagay” na nawala mula sa Biblia at ipinanumbalik sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon (para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga talata 26 at 39 o sa mga listahan sa “Karagdagang Resources”). Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano sila natulungan ng ipinanumbalik na “malilinaw at mahahalagang bagay” na mas mapalapit sa Diyos.

    pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

    Matutulungan tayo ng Espiritu na tuklasin ang “malilinaw at mahahalagang bagay” para sa ating sarili.

  • Maaari mong ipalabas ang video na “Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos” (ChurchofJesusChrist.org), at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang itinuturo ng video na ito kung bakit kailangan natin ang Aklat ni Mormon. O maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na idrowing sa pisara ang paglalarawan sa sipi ni Elder Tad R. Callister sa “Karagdagang Resources.” Pagkatapos ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase kung paano naipaunawa sa kanila ng Aklat ni Mormon ang ebanghelyo ni Jesucristo.

    2:3
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 1 Nephi 16–22 sa susunod na linggo, maaari mong banggitin na kasama rito ang isang salaysay na maaaring magbigay-inspirasyon at makatulong sa kanila kapag kailangan nilang gawin ang isang bagay na mukhang imposible.

icon ng resources

Karagdagang Resources

 

Ang kamay ng Diyos sa American Revolution.

Sinabi ni George Washington: “Masama nga ang tao kapag kaya niyang tingnan ang mga pangyayari sa American Revolution nang hindi nakadarama ng matinding pasasalamat sa dakilang May-akda ng Sansinukob na ang banal na panghihimasok ay napakadalas ipakita para sa atin” (Liham kay Samuel Langdon, Set. 28, 1789, founders.archives.gov/documents/Washington/05-04-02-0070).

Mga listahan ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa Aklat ni Mormon.

Mula sa “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 60–63).

Pinabubulaanan ng Aklat ni Mormon ang mga paniniwala na:

  • Ang paghahayag ay nagwakas sa Biblia.

  • Ang mga sanggol ay kinakailangang mabinyagan.

  • Ang kaligayahan ay matatagpuan sa kasamaan.

  • Ang indibiduwal na kabutihan ay sapat para sa kadakilaan (ang mga ordenansa at tipan ay kinakailangan).

  • Ang Pagkahulog ni Adan ay nagpasa sa sangkatauhan ng “orihinal na kasalanan.”

Nililinaw ng Aklat ni Mormon ang pag-unawa tungkol sa:

  • Ating buhay bago tayo isinilang.

  • Kamatayan. Ito ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.

  • Kabilang-buhay, na nagsisimula sa paraiso.

  • Kung paano nagiging imortal na kaluluwa ang nabuhay na mag-uling katawan, na muling sumanib sa espiritu nito.

  • Kung paano magiging batay sa ating mga gawa at naisin ng ating puso ang paghatol sa atin ng Panginoon.

  • Kung paano isinasagawa nang wasto ang mga ordenansa: halimbawa, binyag, sakramento, pagkakaloob ng Espiritu Santo.

  • Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Mahalagang papel ng mga anghel.

  • Walang-hanggang katangian ng priesthood.

  • Kung paano mas naiimpluwensyahan ang ugali ng tao ng kapangyarihan ng salita kaysa ng kapangyarihan ng tabak.

Bakit kailangan natin ang Aklat ni Mormon.

Itinuro ni Elder Tad R. Callister:

“Ang Biblia ay isang saksi ni Jesucristo; isa pang saksi ang Aklat ni Mormon. Bakit napakahalaga ng pangalawang saksing ito? Maaaring makatulong ang sumusunod na paglalarawan: Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo mula sa iisang tuldok sa papel? Ang sagot ay walang katapusan. Sandaling ipagpalagay na ang iisang tuldok ay kumakatawan sa Biblia at na daan-daan sa mga tuwid na linyang iginuhit patawid ng tuldok na iyon ay kumakatawan sa iba’t ibang interpretasyon ng Biblia at bawat isa sa mga interpretasyong iyon ay kumakatawan sa ibang simbahan.

“Gayunman, ano ang mangyayari kung sa papel na iyon ay may isa pang tuldok na kumakatawan sa Aklat ni Mormon? Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo sa pagitan ng dalawang tuldok na ito: ang Biblia at ang Aklat ni Mormon? Isa lang. Isang interpretasyon lang ng mga doktrina ni Cristo ang mamamayani sa patotoo ng dalawang saksing ito” (“Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 75).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mamuno sa inspiradong mga talakayan. Lahat ay may maiaambag sa mga talakayan sa klase, ngunit kung minsan hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon. Humanap ng mga paraan para maragdagan ang mga pagkakataon ng mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang patotoo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 33.)