“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7: ‘Hahayo Ako at Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Enero 6–12. 1 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Enero 6–12
1 Nephi 1–7
“Hahayo Ako at Gagawin”
Ang paghahanda mo bilang guro sa Sunday School ay nagsisimula sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Bigyang-pansin at itala ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa pag-aaral mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Marami siguro sa mga miyembro ng klase mo ang pamilyar sa 1 Nephi 1–7, pero tuwing nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, maaaring may matutuhan tayong mga katotohanan na angkop sa ating kasalukuyang mga sitwasyon. Para mapasimulan ang inyong talakayan, marahil ay maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang kanilang natutuhan o naalala sa kanilang pag-aaral sa linggong ito.
Ituro ang Doktrina
Ang mga banal na kasulatan ay napakahalaga.
-
Ang isang kapansin-pansing mensahe sa Aklat ni Mormon ay ang malaking kahalagahan ng salita ng Diyos. Maaaring magandang mensahe ito na maibabahagi sa pagsisimula ng klase mo sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maaari kang magsimula sa paghiling sa bawat miyembro ng klase na pumili ng isang kabanata mula sa 1 Nephi 1; 3–6 at suriin ito, na naghahanap ng mga paraan na tuwiran o di-tuwirang pinagpala ng salita ng Diyos ang mga miyembro ng pamilya ni Lehi. (Maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa paggawa ng aktibidad na ito sa maliliit na grupo.) Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salaysay na ito tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan?
-
Ang isa sa mga mithiin mo bilang guro ay hikayatin ang mga indibiduwal at pamilya na pag-aralan ang ebanghelyo sa labas ng klase. Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na suriin kung paano pinag-aralan ni Lehi ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 5:10–19), at pagkatapos ay maaari kang magtanong na gaya ng mga sumusunod: Ano ang saloobin ni Lehi sa mga banal na kasulatan? Ano ang nakita niyang mahalaga sa mga ito? Maaari ring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mensahe ni Elder Richard G. Scott na “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan” (Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6–8) o basahin ang isang sipi mula sa mensaheng ito sa “Karagdagang Resources.” Paano natin magagamit ang mga turo ni Elder Scott sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon ngayong taon?
1:41 -
Bilang isang klase, maaari ninyong kantahin ang isang himno tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Habang Aking Binabasa” (Mga Himno, blg. 176). Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano napagpala ng kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan ang kanilang buhay. Maaari din nilang ibahagi kung paano sila nahikayat ng mga banal na kasulatan na “lumapit sa … Diyos … at maligtas” (1 Nephi 6:4).
Magtatamo tayo ng sarili nating patotoo kapag pinalalambot natin ang ating puso.
-
Kilala si Nephi sa kanyang malakas na pananampalataya sa Panginoon, ngunit maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matanto na kinailangan niyang sikaping matamo ang kanyang patotoo—tulad nating lahat. Marahil ay maaaring tukuyin ng mga miyembro ng klase sa 1 Nephi 2:16–19 kung ano ang nagbigay-daan para magtamo ng patotoo si Nephi. Maaari din nilang rebyuhin ang mga talata 11–14 para tingnan kung bakit hindi nagtamo ng patotoo sina Laman at Lemuel. Maaaring magandang pagkakataon ito para anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano sila nagtamo ng patotoo.
-
Kung minsan maaaring gusto nating makaranas ng himala para matamo o mapalakas ang ating patotoo. Pero nakakita ng anghel sina Laman at Lemuel, subalit parang di-gaanong naapektuhan ang kanilang pananampalataya. Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng klase mula sa karanasang ito, na inilarawan sa 1 Nephi 3:28–31, tungkol sa kung ano ang nagpapalakas sa sarili nating patotoo? (tingnan din sa 1 Nephi 2:16). Isiping ibahagi ang pahayag ni Pangulong Harold B. Lee sa “Karagdagang Resources.” Ano ang magagawa natin para mapalakas ang ating patotoo?
Maghahanda ng paraan ang Diyos para magawa natin ang Kanyang kalooban.
-
Ang karanasan ng mga anak ni Lehi sa 1 Nephi 3–4 ay mukhang pambihira, pero marami sa atin ang nagkaroon na ng karanasan kung saan sinunod natin ang kalooban ng Diyos kahit mukhang mahirap ito. Nang basahin ng mga miyembro ng klase ang 1 Nephi 3–4 sa linggong ito, anong mga katotohanan ang nakita nila na nagpaalala sa kanila ng isang personal na karanasan? Maaari mo sigurong hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talata na nagturo ng mga katotohanang ito, at anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Paano nakakatulong sa atin ang mga katotohanang ito kapag inaasahan tayo ng Diyos na gumawa ng isang bagay na mukhang mahirap?
-
Maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at atasan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga pagtatangkang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3:9–21; 1 Nephi 3:22–31; 4:1–4; at 1 Nephi 4:5–38). Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang bawat grupo na ibahagi kung ano ang sinusubukang ituro sa atin ng bawat pagtatangkang ito tungkol sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Panginoon. Paano natin magagamit ang mga halimbawang ito sa sarili nating mga pagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 1 Nephi 8–10, maaari mong ibahagi ang pahayag na ito mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Sa napakaraming puwersang nagtatangkang ilihis tayo ng landas, paano tayo mananatiling nakatuon sa maluwalhating kaligayahang ipinangako sa matatapat? Naniniwala ako na ang sagot ay matatagpuan sa panaginip ng isang propeta, libu-libong taon na ang nakararaan. Ang pangalan ng propeta ay Lehi, at ang kanyang panaginip ay nakatala sa katangi-tangi at kamangha-manghang Aklat ni Mormon” (“Tatlong Magkakapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 18–19).
Karagdagang Resources
Ang mga banal na kasulatan ay may matinding kapangyarihan.
Pinatotohanan ni Elder Richard G. Scott ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan:
“Ang mga banal na kasulatan ay tulad ng mumunting liwanag na tumatanglaw sa ating isipan at nagbibigay-puwang sa patnubay at inspirasyon mula sa kaitaasan. Ang mga ito ay maaaring ang susi na magbubukas sa daluyan ng komunikasyon sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.
“Ang mga banal na kasulatan … ay … magiging tapat na kaibigan … na magagamit natin saanman at kailanman. Laging nariyan ang mga ito kapag kinakailangan. Ang paggamit sa mga ito ay nagsisilbing pundasyon ng katotohanan na maipauunawa ng Espiritu Santo. Ang pagkatuto, pagninilay, pagsasaliksik, at pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay gaya ng pagpuno sa isang filing cabinet ng mga kaibigan, pinahahalagahan, at katotohanan na magagamit sa lahat ng oras at saan mang lugar sa mundo. …
“Ang pagninilay sa isang talata ay susi sa paghahayag at patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo. Kayang panatagin ng banal na kasulatan ang balisang kaluluwa, at magdulot ng kapayapaan, pag-asa, at pagbabalik ng tiwala ng isang tao sa kanyang kakayahang labanan ang mga hamon ng buhay. May kapangyarihan itong panatagin ang mga nasaktang damdamin kapag mayroong pananampalataya sa Tagapagligtas. Mapapabilis nito ang pisikal na paggaling” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6–7).
Ang ating patotoo ay kailangang panibaguhin araw-araw.
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Ang taglay mo ngayong patotoo ay maaaring mawala sa iyo bukas maliban kung mayroon kang gagawin ukol dito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 51).