Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 13–19. 1 Nephi 8–10: “Lumapit at Kumain ng Bunga”


“Enero 13–19. 1 Nephi 8–10: ‘Lumapit at Kumain … ng Bunga,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 13–19. 1 Nephi 8–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay

Lehi’s Dream, ni Steven Lloyd Neal

Enero 13–19

1 Nephi 8–10

“Lumapit at Kumain … ng Bunga”

Bago basahin ang mga ideya sa outline na ito, basahin ang 1 Nephi 8–10 at pag-isipan ang mga hamon at pagkakataong kinakaharap ng mga taong tinuturuan mo. Itala ang iyong mga impresyon kung aling mga alituntunin mula sa mga kabanatang ito ang dapat mong pagtuunan ng pansin sa klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maraming aplikasyon ang pangitain ni Lehi sa ating panahon. Sa simula ng klase, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kabatiran habang nagbabasa sila tungkol sa pangitaing ito. Hikayatin silang magbahagi ng partikular na mga talata at ano ang kabuluhan nito sa kanilang buhay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

1 Nephi 8:10–16

Kapag nadarama natin ang pag-ibig ng Diyos, hinahangad nating tulungan ang iba na maranasan ito.

  • Natural lang na ibahagi ang mga bagay na gustung-gusto natin sa mga taong mahal natin, ngunit kung minsa’y nahihirapan tayong ibahagi ang ebanghelyo. Ang isang talakayan tungkol sa pangitain ni Lehi ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na makahanap ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Maaari mong bigyan ng isang prutas ang isang miyembro ng klase at hilingin sa kanya na hikayatin ang klase na regular na kumain ng bungang ito. Paano nahahalintulad ang pakay-araling ito sa karanasan ni Lehi sa 1 Nephi 8:10–16? Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Lehi na tutulong sa atin na ibahagi ang ebanghelyo?

  • Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang bunga ng puno ay simbolo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala” (“Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay,” Ensign o Liahona, Okt. 2011, 34). Isiping kontakin nang maaga ang ilang miyembro ng klase at hilingin na pagnilayan nila ang 1 Nephi 8:11–16 at isipin ang mga tanong na katulad nito: Paano ko mailalarawan ang tamis na dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay ko? Paano ko naanyayahan ang iba na tikman ang tamis nito? (tingnan sa talata 15). Paano ako naanyayahan ng iba na hangarin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Ano ang nagkainspirasyon akong gawin nang basahin ko ang 1 Nephi 8:11–16? Anyayahan ang mga miyembrong ito na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase, at anyayahan ang lahat ng miyembro ng klase na magbigay ng kanilang mga kabatiran sa oras ng talakayan.

pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay

Minerva K. Teichert (1888–1976), The House of the World, 1954, oil on board, 36 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art

1 Nephi 8:19–38

Ang salita ng Diyos ay naglalapit sa atin sa Tagapagligtas at nagpapadama sa atin ng Kanyang pagmamahal.

  • Ang isang paraan para masimulan ang talakayan tungkol sa pangitain ni Lehi ay anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magdrowing ng representasyon ng pangitain sa pisara, gamit ang 1 Nephi 8:19–38 bilang gabay. O maaari mong ipakita ang larawan ng pangitain ni Lehi mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang bawat miyembro ng klase na maghanap ng mga talatang nagbibigay ng interpretasyon ng isa sa mga simbolo sa drowing o larawan—ang mga interpretasyong ito ay matatagpuan sa 1 Nephi 11:4–25, 35–36; 12:16–18; at 15:21–33, 36. Habang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase ang natagpuan nila, anyayahan silang talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolong ito. Halimbawa, ano ang itinuturo sa atin ng malaki at maluwang na gusali tungkol sa kapalaluan? Ano ang itinuturo sa atin ng gabay na bakal tungkol sa salita ng Diyos? Maaari din nilang ikuwento kung paano sila natulungan ng pangitain ni Lehi na lumapit kay Cristo. Paano natin nakita ang ating sarili sa pangitain?

  • Ang isang kapansin-pansing mensahe sa pangitain ni Lehi ay ang kahalagahan ng salita ng Diyos, na isinagisag ng gabay na bakal. Para mabigyang-diin ang mensaheng iyon, maaari mong hatiin ang klase sa apat na grupo at ipaaral sa bawat isa ang apat na grupo ng mga tao na nakita ni Lehi, ayon sa nakalarawan sa “Karagdagang Resources” at sa 1 Nephi 8:21–23, 24–28, 30, at 31–33. Pagkatapos ay hayaang ibahagi ng mga miyembro ng klase sa isa’t isa ang natutuhan nila. Maaari ka ring maglaan ng ilang minuto para mapagnilayan ng mga miyembro ng klase kung ano ang naiisip nilang gawin para matiyak na sila ay “humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal” (1 Nephi 8:30).

1 Nephi 10:17–19

Ihahayag sa atin ng Diyos ang katotohanan kung masigasig natin itong hahanapin.

  • Ang mga abu-abo ng kadiliman na humahadlang sa ating landas at ang mga nanlalait na tinig mula sa malaki at maluwang na gusali ay nagpapahirap sa atin na mahanap ang katotohanan. Maaaring makatulong na sama-samang basahin ang halimbawa ng paghahanap ni Nephi sa katotohanan. Maaari mong simulan ang talakayan sa paghiling sa mga miyembro ng klase na tukuyin ang ilan sa mga nakalilitong mensaheng inihahatid ng mundo. Halimbawa, sa anong mga makamundong ideya tayo binalaan ng mga propeta at Apostol sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya? Isiping ilista sa pisara ang mga hakbang na ginawa ni Nephi para magtamo ng sariling patotoo tungkol sa katotohanan ng pangitain ng kanyang ama (tingnan sa 1 Nephi 10:17–19; 11:1). Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa sa paghahanap natin ng katotohanan?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na basahin ang 1 Nephi 11–15, anyayahan silang alamin kung ano ang kinalaman ng sumusunod na mga imahe sa panaginip ni Lehi: ang sanggol na si Jesus, isang krus, ang ina ng mga patutot, mga taong sama-samang nagtipon para makidigma, at mga aklat.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Apat na grupo ng mga tao sa panaginip ni Lehi.

Grupo 1.“Sa 1 Nephi 8:21–23 malalaman natin ang tungkol sa unang grupo ng mga tao na nagpatuloy sa paglakad at tumahak sa landas patungo sa punungkahoy ng buhay. Gayunman, nang makaharap ng mga tao ang abu-abo ng kadiliman, na sumasagisag sa ‘mga tukso ng diyablo’ (1 Nephi 12:17), naligaw sila ng landas, at nagpagala-gala, at nangawala o nangaligaw. Pansinin na hindi binanggit sa mga talatang ito ang gabay na bakal. Ang mga hindi pumapansin o nagbabalewala sa salita ng Diyos ay hindi magkakaroon ng espirituwal na kompas na iyon na nagtuturo ng daan patungo sa Tagapagligtas.”

Grupo 2.“Sa 1 Nephi 8:24–28 mababasa natin ang tungkol sa pangalawang grupo ng mga tao na tumahak sa makipot at makitid na landas patungo sa punungkahoy ng buhay. Ang grupong ito ay ‘nagpatuloy sa paglakad sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal, maging hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy’ (talata 24). Gayunman, nang hamakin ng mga taong magagara ang damit at nasa malaki at maluwang na gusali ang pangalawang grupong ito ng mga tao, ‘sila ay nahiya’ at ‘nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala’ (talata 28). … Kahit may pananampalataya, katapatan, at salita ng Diyos, nawala pa rin ang grupong ito sa bandang huli—siguro dahil paminsan-minsan lang sila nagbasa o nag-aral o nagsaliksik ng mga banal na kasulatan.”

Grupo 3.“Sa talata 30 mababasa natin ang tungkol sa pangatlong grupo ng mga tao na nagpatuloy sa paglakad na ‘patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy.’ Ang pinakamahalagang kataga sa talatang ito ay patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal. Ang pangatlong grupo ay nagpatuloy rin sa paglakad nang may pananampalataya at pananalig; gayunman, walang pahiwatig na sila ay nagpagala-gala, nangapunta sa mga ipinagbabawal na landas, o nawala o naligaw. Marahil ang pangatlong grupong ito ng mga tao ay palagiang nagbasa at nag-aral at nagsaliksik ng mga banal na kasulatan. … Ito ang grupong dapat nating pagsikapang kabilangan.”

Grupo 4.“Ang ikaapat na grupo ay hindi naghangad na makarating sa puno, kundi tuluyang nagpunta sa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:31–33).”

(David A. Bednar, “Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay,” Ensign o Liahona, Okt. 2011, 34–36.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpakita ng tiwala sa pamamagitan ng pagtatakda ng matataas na inaasahan. Ang ilang mag-aaral ay walang tiwala sa kakayahan nilang pag-aralan ang ebanghelyo nang mag-isa. Pangakuan ang mga miyembro ng klase na kapag sinikap nilang mag-aral nang mag-isa, tuturuan sila ng Espiritu Santo. Maaari kang magmungkahi ng mga paraan para matulungan silang magsimula. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 29–30.)