Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5: “Kami ay Namuhay nang Maligaya”


“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5: ‘Kami ay Namuhay nang Maligaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 3–9. 2 Nephi 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

sina Adan at Eva na palabas ng Halamanan ng Eden

Eva at Adan, ni Douglas Fryer

Pebrero 3–9

2 Nephi 1–5

“Kami ay Namuhay nang Maligaya”

Simulan ang iyong espirituwal na paghahanda sa pagbasa sa 2 Nephi 1–5 at pagtatala ng iyong mga impresyon. Kulang ang oras mo para talakayin nang minsanan ang lahat ng alituntunin sa mga kabanatang ito sa klase, kaya sundin ang Espiritu sa iyong paghahanda at bigyang-pansin ang mga kabatirang ibinahagi ng mga miyembro ng klase para maipasiya mo kung aling mga alituntunin ang pagtutuunan mo at paano mo gagabayan ang usapan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Malamang ay may minarkahan o itinala na ang mga miyembro ng klase mo na kahit isang talata lang sa 2 Nephi 1–5. Para masimulan ang klase, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga talatang makabuluhan sa kanila. Anyayahan ang klase na ibuod ang isang alituntunin sa doktrina na natutuhan nila mula sa mga talatang ibinahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Nephi 2:11–30

Malaya tayong kumilos para sa ating sarili.

  • Kadalasan, ginagamit ng mga tao ang kanilang kalayaan para magdulot ng labis na pagdurusa sa iba. Kaya bakit napakahalaga ng kalayaan sa Ama sa Langit? Maaari mo sigurong isulat ang tanong na ito sa pisara, at maaaring hanapin ng mga miyembro ng klase ang mga sagot sa 2 Nephi 2:11–30 at isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Paano sinusubukan ng kaaway na sirain ang ating kalayaan? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na “[piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan”? (2 Nephi 2:27). Isiping sama-samang kantahin ang isang himno tungkol sa kalayaan,  at anyayahan ang mga miyembro ng klase na idagdag sa kanilang listahan ang iba pang mga kabatirang natamo nila mula sa himno.

  • Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay tinutukoy ang apat na mahahalagang kondisyon na dahilan upang maging posible ang kalayaan. Narito ang isang paraan na makakabatay ka sa natutuhan ng mga miyembro ng klase sa tahanan: Isulat sa pisara ang apat na kondisyon. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga pahayag mula sa 2 Nephi 2 na nagtuturo kung bakit ang mga kundisyong ito ay mahalaga sa pagkakamit ng ating banal na potensyal.

2 Nephi 2:15–29

Ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

  • Maraming Kristiyano ang naniniwala na ang Pagkahulog ay isang trahedya at na si Eva ay gumawa ng malaking pagkakamali. Nililinaw sa mga talatang ito sa 2 Nephi 2 ang mga katotohanan tungkol sa Pagkahulog nina Eva at Adan, at pinatototohanan nito na tinutubos tayo ni Jesucristo mula sa Pagkahulog. Ang isang paraan para matalakay ang mga ideyang ito ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang 2 Nephi 2:15–25 at ilista ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa nangyari sa Halamanan ng Eden. Anong iba pang mga kabatiran ang nakita nila sa mga sipi mula kay Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources”? Paano tayo tinubos ni Jesucristo mula sa Pagkahulog? (tingnan sa 2 Nephi 2:6–8, 26–29).

  • Matapos gawin ang isang aktibidad na tulad ng nauna, maaari mong idispley ang ilang tanong gaya ng mga sumusunod at anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kabatiran:

    • Paano itinatama ng mga turo ni Lehi sa mga talatang ito ang ilang karaniwang maling pagkaunawa tungkol sa Pagkahulog?

    • Sa anong mga paraan naging isang pagpapala ang Pagkahulog?

    • Paano mas naipauunawa sa atin ng tamang pagkaunawa sa Pagkahulog ang ating pangangailangan kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

    • Ano ang isang dahilan kung bakit ninyo pinasasalamatan ang pagpili nina Eva at Adan sa Halamanan ng Eden?

    • Paano naging kahalintulad ng pagpili nina Eva at Adan na kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama ang pagpili ninyong pumarito sa lupa?

    • Ano ang layunin ng buhay? Bakit kinailangan ang Pagkahulog para makamit ang layuning ito?

2 Nephi 4:15–35

Makakabaling tayo sa Diyos sa oras ng ating kahinaan.

  • Ang mga isinulat ni Nephi sa 2 Nephi 4:15–35 ay makapagbibigay sa atin ng pag-asa at kapanatagan kapag nahihirapan tayo sa ating mga pagpupunyagi at kahinaan. Marahil ay maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito nang magkakapares at hanapin ang mga talatang maaari nilang gamitin para aliwin ang isang taong nabibigatan sa kanyang mga paghihirap. Pagkatapos, maaaring ibahagi ng bawat magkapares ang mga talatang ito sa klase. May isang tao siguro sa klase na maaaring magbahagi ng isang karanasan kung saan napanatag siya sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos, tulad ni Nephi.

  • Ang isa pang paraan para marebyu ang 2 Nephi 4 ay sa pamamagitan ng pag-anyaya nang maaga sa ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magbahagi ng mga talata at parirala mula sa kabanatang ito na makabuluhan sa kanila. Hilingin na ibahagi nila kung ano ang ginagawa nila kapag nahihirapan silang daigin ang kanilang mga kahinaan. Ang isang himnong tungkol sa kapanatagan at pag-asa, tulad ng “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74), ay maaaring makatulong sa talakayang ito. Halimbawa, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano pinatitibay ng himno ang halimbawa ng pag-asa ni Nephi sa Panginoon sa mga oras ng kawalang-pag-asa.

2 Nephi 5

Ang kaligayahan ay matatagpuan sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo.

  • Sa kabila ng mga hamong nakaharap ni Nephi at ng kanyang mga tao, nagawa nilang magbuo ng isang lipunan batay sa mga alituntuning nagdudulot ng kaligayahan. Anong mga alituntunin ang nakita ng mga miyembro ng klase sa pag-aaral nila ng 2 Nephi 5 na nakatulong sa mga Nephita na makadama ng kaligayahan? Maaari mong bigyan ng papel ang mga miyembro ng klase at anyayahan silang saliksikin ang 2 Nephi 5 para sa mga alituntuning nagdudulot ng kaligayahan at isulat ang mga ito. Ano ang ipinagkaiba ng mga paraan ng mundo sa paghahanap ng kaligayahan sa nakikita natin sa 2 Nephi 5? Anong mga mithiin ang maitatakda ng mga miyembro ng klase para masunod ang isa sa mga alituntuning ito?

    3:1
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga miyembro ng klase na nasa 2 Nephi 6–10 ang isa sa pinakamagagandang sermon tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buong banal na kasulatan. Maaari ka ring magbahagi ng isang talatang nakita mo sa mga kabanatang ito na nagpapasabik sa iyo na basahin ito.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng Diyos.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks:

“Nang tanggapin nina Eva at Adan ang unang utos, maiiba na ang kanilang kalagayan, wala na sa daigdig ng mga espiritu kundi sa mga pisikal na katawang hindi pa saklaw ng kamatayan at hindi pa kayang magkaanak. Hindi nila maaaring sundin ang unang utos ng Ama nang hindi nalalagpasan ang hadlang sa pagitan ng lubos na kaligayahan sa Halamanan ng Eden at ng matitinding pagsubok at magagandang pagkakataon sa mortal na buhay. …

“… Ipinaliwanag ni Propetang Lehi na ‘kung si Adan ay hindi lumabag, hindi sana siya nahulog’ (2 Ne. 2:22), kundi nanatili sana siya sa dating kalagayan nang siya ay likhain.

“… Ang Pagkahulog ay ipinlano, pagtatapos ni Lehi, dahil ‘lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay’ (2 Ne. 2:24).

“Si Eva ang unang lumagpas sa mga limitasyon ng Eden upang pasimulan ang mga kondisyon ng mortalidad. Ang ginawa niya, anuman ang dahilan, ay isang tuwirang paglabag ngunit may walang-hanggang kaluwalhatiang idinulot na nagbukas ng pintuan tungo sa buhay na walang hanggan. Ipinakita ni Adan ang kanyang karunungan nang gawin din niya ito. At sa gayon sina Eva at ‘Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon’ (2 Nephi 2:25).

“Kinamuhian si Eva ng ilang Kristiyano dahil sa kanyang ginawa, ipinapalagay na siya at ang kanyang mga anak na babae ay nagkasala na rin dahil dito. Hindi ang mga Banal sa mga Huling Araw! Dahil sa nalaman natin sa paghahayag, nagpapasalamat tayo sa ginawa ni Eva at pinupuri ang kanyang talino at tapang sa dakilang pangyayaring ito na tinatawag na Pagkahulog. …

“Ipinapakita sa makabagong paghahayag na naunawaan ng una nating mga magulang ang kahalagahan ng Pagkahulog. Sabi ni Adan, ‘Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos’ (Moises 5:10)” (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 72–73).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga hindi dumadalo. Ang pagtuturo ay higit pa sa pamumuno sa isang talakayan sa araw ng Linggo; kasama rito ang paglilingkod nang may pagmamahal at pagpapala sa iba sa pamamagitan ng ebanghelyo. Maaari ka sigurong mag-isip ng isang taong hindi dumadalo at bigyan siya ng paanyayang makibahagi sa darating na lesson. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9.)