Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10: “O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!”


“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10: ‘O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pebrero 10–16. 2 Nephi 6–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagdarasal si Jesus sa Getsemani

Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo, ni Harry Anderson

Pebrero 10–16

2 Nephi 6–10

“O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!”

Ang isang magandang paraan para maihanda ang sarili mo na magturo ay basahin muna ang 2 Nephi 6–10 para sa iyong sarili. Itala ang anumang impresyong matatanggap mo, at gamitin ang outline na ito para makakita ng karagdagang mga kabatiran at ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itinuro ni Jacob sa kanyang mga tao na ang mga turo ni Isaias “ay maaaring ihalintulad sa inyo” (2 Nephi 6:5). Maaari kang magsimula sa paghiling sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng anuman sa mga turo ni Jacob sa 2 Nephi 6–10 na sa tingin nila ay maihahalintulad sa kanilang buhay. Maaari nilang ipaliwanag kung bakit makabuluhan ang turo para sa kanila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

2 Nephi 6–8

Ang Panginoon ay maawain sa Kanyang mga tao at tutupad sa Kanyang mga pangako.

  • Para makapagbigay ng kaunting konteksto sa mga mensahe ng 2 Nephi 6–8, maaaring makatulong sa klase mo na gumawa ng simpleng time line ng mga pangyayaring inilarawan sa 2 Nephi 6:8–15. Ano ang ipinahihiwatig ng mga pangyayaring ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang damdamin para sa Kanyang mga tao? (tingnan din sa 2 Nephi 7:1–3; 8:3). Maaari mong ipaliwanag na bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay mga pinagtipanang tao ng Diyos ngayon, at tinitipon tayo mula sa sanlibutan tungo sa kaligtasan ng ebanghelyo. Ano ang mga mensahe ng mga kabanatang ito para sa atin ngayon?

2 Nephi 9

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inililigtas ni Jesucristo ang lahat ng tao mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.

  • Ang isang paraan para mapalalim ang pagpapahalaga natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay pag-isipan kung ano kaya ang mangyayari sa atin kung wala ang Pagbabayad-sala. Mapagninilayan ng mga miyembro ng klase ang mga bagay na ito habang pinag-aaralan nila ang 2 Nephi 9. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na simulang pag-aralan ang mga talata 4–9 at pagkatapos ay ilista sa pisara kung ano kaya ang mangyayari kung wala ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Ayon sa mga talata 10–14, paano tayo sinagip ng Tagapagligtas mula sa kapalarang ito? Ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong na maipaunawa sa klase mo ang pangangailangan natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.   Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang anumang naiisip o nadarama nila na binibigyang-inspirasyon ng mensahe ni Elder Holland tungkol sa Tagapagligtas.

  • Hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano nila ipaliliwanag ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa isang tao na hindi na alam kung ano ito o kung bakit ito kailangan. Ang mga katotohanang matatagpuan sa 2 Nephi 9 ay maaaring ihanda ang mga miyembro ng klase para sa ganitong usapan. Marahil ay maaari nilang saliksikin ang mga talata 4–12, na hinahanap kung paano dinaraig ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Batay sa natutuhan natin mula sa mga talatang ito, bakit tinatawag na “walang-hanggang pagbabayad-sala” ang sakripisyo ng Tagapagligtas? (2 Nephi 9:7).

  • Hangang-hanga si Jacob sa plano ng pagtubos ng Diyos kaya siya napabulalas ng “O kaydakila” at “O ang kadakilaan” nang ilarawan niya ang plano. Para mas maunawaan ng mga miyembro ng klase ang mga damdaming ito para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, isiping anyayahan silang saliksikin ang 2 Nephi 9 para sa mga ibinulalas ni Jacob (karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa mga talata 8–20). Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano? Anong mga karanasan ang nagpadama sa atin ng nadama ni Jacob tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak? Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa kadakilaan ng Diyos, tulad ng “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48), para mapagtibay ang talakayang ito.

2 Nephi 9:27–54

Makakalapit tayo kay Cristo at matatanggap natin ang maluwalhating mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Maaari kang magpasimula ng talakayan tungkol sa mga turo ni Jacob sa mga talatang ito sa pamamagitan ng paghiling sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano nila aanyayahan ang isang tao na magsisi at lumapit kay Cristo. Paano ito ginawa ni Jacob sa 2 Nephi 9:50–53? Anong mga pagpapala ang sinabi niyang darating sa ating buhay kapag tinanggap natin ang mga paanyayang ito?

  • Sa 2 Nephi 9, gumamit si Jacob ng dalawang makapangyarihan at magkasalungat na parirala: “ang maawaing plano ng dakilang Lumikha” at “yaong tusong plano niyang masama” (2 Nephi 9:6, 28). Para matuto ang mga miyembro ng klase mula sa pagkakasalungat na ito, maaari kang magdrowing ng isang landas sa pisara at sulatan ito ng Plano ng Ating Ama sa Langit. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang 2 Nephi 9:27–52, na hinahanap ang payong ibinigay ni Jacob na tutulong sa atin na masunod ang plano ng Ama sa Langit. Hilingin sa kanila na isulat ang natuklasan nila sa tabi ng landas. Ano ang itinuro ni Jacob kung paano tayo tinutukso ni Satanas na lumayo sa plano ng ating Ama sa Langit? Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito kung saan tayo dadalhin ng pagsunod sa plano ng Ama sa Langit at kung saan hahantong ang pagsunod kay Satanas? (tingnan sa 2 Nephi 9:9, 18). Ayon sa mga talatang ito, ano ang magagawa natin para mas lubos na masunod ang plano ng ating Ama sa Langit?

  • Sa 2 Nephi 9:28–38, nagbabala si Jacob laban sa ilang pag-uugali at asal na pumipigil sa atin na sundin ang plano ng Diyos para sa atin. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga ito. Alin sa mga pag-uugali at asal na ito ang mukhang mas laganap ngayon? Bakit lubhang mapanganib ang mga ito? Ano ang matututuhan natin mula sa 2 Nephi 9:50–53 tungkol sa pag-iwas sa mga panganib na ito?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para maging tiwala ang mga miyembro ng klase sa pagbasa sa mga isinulat ni Isaias na sinipi ni Nephi sa 2 Nephi 11–24, maaari mong ipaliwanag na isinama ni Nephi ang mga sulat na ito para palakasin ang pananampalataya ng kanyang mga tao kay Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ituring ang babasahin sa susunod na linggo bilang isang pagkakataon na patatagin ang sarili nilang pananampalataya sa Kanya.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang Pangangailangan Natin sa Isang Tagapagligtas

Ikinuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ang isang rock climber na nabitin sa isang matarik na bangin nang walang anumang makapipigil sa kanyang pagkahulog tungo sa kamatayan. Nang magsimulang dumulas ang kanyang kapit sa mabuhanging ungos, nadama niyang sinunggaban siya ng mga kamay ng kanyang nakababatang kapatid sa kanyang mga pulsuhan at hinatak siya tungo sa kaligtasan. Inihambing ni Elder Holland ang karanasan ng climber sa ating kalagayan sa makasalanang mundong ito:

“Totoong may Eva at Adan na pinaalis sa Eden, at dumanas ng lahat ng bunga ng pagkahulog. … Dahil tayo ay isinilang sa makasalanang daigdig na iyon at dahil tayo man ay lalabag sa mga batas ng Diyos, papatawan din tayo ng mga parusang ipinataw kina Eva at Adan.

“Kalunus-lunos na kalagayan! Ang buong sangkatauhan ay nahuhulog na lahat—bawat lalaki, babae, at bata ay napapalapit sa permanenteng kamatayan, napapalapit sa walang-hanggang espirituwal na kalungkutan. Iyan ba ang kahulugan ng buhay? Ito na ba ang katapusan ng buhay ng tao? Lahat ba tayo ay mananatili na lang na nakabitin sa malamig na talampas sa malupit na sansinukob, bawat isa ay naghahanap ng matutuntungan, bawat isa ay naghahanap ng anumang makakapitan—walang anumang makapa kundi mga buhanging lumulusot sa ating mga daliri, walang makasagip, walang mahawakan, at walang humahawak? …

“Ang sagot sa mga tanong na iyon ay malinaw at walang-katapusang hindi! … Ang Pagbabayad-sala ay lubusang magtatagumpay laban sa pisikal na kamatayan, na magkakaloob ng pagkabuhay na mag-uli nang walang kondisyon sa bawat taong isinilang at isisilang sa daigdig na ito. Mabuti na lang at maglalaan din ito ng kapatawaran para sa personal na mga kasalanan ng lahat, mula kay Adan hanggang sa katapusan ng mundo, kapalit ng pagsisisi at pagsunod sa mga utos ng Diyos” (“Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 105–6).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ibahagi nang madalas ang iyong patotoo. Ang iyong simple at taos-pusong patotoo tungkol sa katotohanan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa mga tinuturuan mo. Hindi ito kailangang maging mahusay o mahaba. Isiping ibahagi ang iyong personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas habang tinatalakay ninyo ang 2 Nephi 9.